Mayamaya ay may napansin siyang may pumaradang motorsiklo sa harapan ng café. Umibis ang driver niyon, kapansin-pansin ang  bouquet ng white roses sa  hawak nito.

Tuloy-tuloy ang rider sa loob, nagtanong ito sa staff niyang si Ellen, saka  tumingin sa gawi niya ang staff.

Kinabahan siya habang papalapit sa kanya ang rider. Nakangiti  ang mukhang artistahin na rider.

"Flowers for you, Miss Avancena," sabi nito sabay abot sa kanya ng mga bulaklak. "From your die-hard fan."

Alanganin siyang  tanggapin. "Excuse me, wala akong fan. H-hindi ko matatanggap 'yan."

"Sisante ang aabutin ko nito, Madam, kung hindi mo tatanggapin. Please lang po. Salamat po."

 Tulalang nahawakan niya ang  mga bulaklak. Yumukod naman ang rider na halatang nangingislap ang mga matang nagpapasalamat at saka tumalikod na.

"Teka hoy..." nahihirinang tawag niya sa rider. Paglabas ng rider sa pinto, eksaktong  may pumarada uling motorsiklo, nagpalitan pa ng tapik sa balikat ang dalawang rider, at tumuloy na sa loob ang isa, may hawak din na bouquet ng puting rosas.  Dere-deretso na ito sa puwesto niya. Kagaya ng nauna, iisa lang din ang dialogue ng rider.

Kinuha niya ang munting card na nakaipit sa bouquet.

To My Engkandiyosa

From your die-hard fan, MP

Nag-init ang buong mukha niya habang binabasa ang bawat salita sa card. Kasabay niyon ang mistulang   pagkakaroon ng mga alon sa kanyang tiyan. Mainit na mainit ang buong mukha niya. Nasundan pa ang mga rider na pumasok sa shop na  may dalang bouquet ng puting rosas.  Sunod-sunod.

Hindi na niya alam kung saan ipapatong ang panglabing-isa na bouquet. Siya na ang pinapanood ng mga estudyante,  maging ang kanyang mga staff ay sa  kanya na nakatuon ang atensiyon.  Si Ellen nga, bakas sa mukhang kinikilig habang tinutulungan siyang ilapag ang mga bulaklak sa ibabaw ng bakanteng mesa.

"Teka nga, ilan pa bang darating? At asan ba 'yong nag-utos sa inyo na dalhin ang mga bulaklak na ito? Bakit hindi siya ang personal na mag-abot sa akin?" sita niya sa kaharap na rider.

Ngumiti naman ang lalaki, kapares ng mga nauna ay magandang lalaki rin ito. "Gusto mo bang siya na ang mag-abot ng mga susunod na bulaklak?"

"Wala ba siyang guts na gawin iyon?"

Nabaling ang tingin niya sa papasok na lalaki. Si Robin, may tangan din na bulaklak. Ang luwang ng pagkakangiti nito sa kanya.

Sinimangutan niya ang lalaki.  "May gana ka pang magpakita sa akin."

"Siyempre naman. Wala naman akong malaking atraso sa 'yo, 'di ba?"

"Anong ibig sabihin nito?"

"Tinutulungan lang namin na manuyo sa 'yo ang aming amigo."

Iningusan niya ito. "Pakisabi sa amigo mo, tigilan na niya. Kahit gawin pa niyang flower shop itong café wala pa ring mangyayari."

Ngumisi si Robin. "Bahala kayong mag-usap. Ayun siya," sabi nito sabay  inginuso ang binatang hindi niya namalayang nakapasok na pala sa loob at kampanteng nakaupo habang nakamasid sa kanila.

Pakiwari ni Ciarra ay lalong  namula ang buong mukha niya.

God, bakit ba siya nagba-blush? Bakit ba nanlalambot ang mga tuhod niya? Ang init-init ng pakiramdam niya.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 04, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Where stories live. Discover now