FOUR

6.8K 101 4
                                    

ORAS ng uwian, nagmamadali na si Ciara sa pagsisilid ng mga gamit niya sa kanyang backpack. Gusto niyang mauna siyang makalabas. Kailangan mauna siyang makasakay  sa service nilang minibus. Ayaw niyang nahuhuli dahil ayaw niyang mapapuwesto sa likuran kung saan ay nakikita niya ang pagkakatuwaan ng grupo nina Miguel; partikular ang paghaharutan nito at ni Mercedes. Mas gusto niya ang puwesto sa unahan, sa likod ng driver.

Eksaktong palabas na siya ng pinto nang tawagin siya ng adviser nila na si Miss Myrna Bijasa. Bumalik siya at lumapit sa guro.

"Talaga bang hindi ka sasali ngayong taon sa chess tournament, hija?"

"Pasensiya na po, Ma'am. Baka po kasi hindi ako makaka-attend sa mga practice. Kailangan ko pong umuwi  nang maaga. Para  masasamahan ko ang nanay ko. Sa tingin ko po kasi ay depressed pa rin po siya sa nangyari sa ate ko."

"Puwede ko bang malaman kung ano'ng nangyari sa ate mo?"

"Ah, eh, n-nag-asawa na po nang hindi pa niya natatapos ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo."

"Naiintindihan ko na. Hayaan mo't makaka-recover din ang nanay  mo."

Pagkatapos niyang magpaalam sa adviser niya ay nagmamadali na siyang lumabas ng silid. Kulang na lang ay madapa siya sa pagmamadaling makarating sa kinapaparadahan ng school service.

Pero ganoon na lang ang pagkadismaya niya sa nabungaran. Halos naroon na ang lahat. Nagpalinga-linga siya. Okopado na ang mga upuan. Kung tutuusin, eksakto lang sa kanila ang upuan pero dahil may sigang kagaya ng grupo ni Miguel na ang pantatluhang upuan ay ginagawang pandalawahan lang.

"May bakante pa sa likuran, Ciarra!" sigaw ni Robin, ang dakilang alalay ng malditong Miguel.

D-in-ead-ma niya  ito. Wala siyang balak na umupo sa likuran, hindi na baleng nakatayo siya basta nasa unahan siya.

"Dito ka na, Ciarra," anang mabait na tinig, malapit lang sa kanya.

Napalingon siya. Nagkatitigan sila ng guwapong lalaki. Pamilyar sa kanya ang mukha nito dahil ilang buwan na rin  nila itong nakakasabay sa service. Malimit din niya itong makasalubong sa canteen at library. Alam niyang transferee ito sa eskwelahan nila.

"Huwag mong sabihing tatanggihan mo?"  tanong nito sa palakaibigang boses, nakangiti maging ang mga mata nito.

"Hindi, ah. Salamat. Isa kang tunay na boyscout," magiliw na ganti niya rito. Pagkatapos ay umupo siya sa puwestong inialok nito.   "May bakante pa naman. 'Hanap ka na lang."

"Okay na ako rito," anito. Nagsimula nang umusad ang service nila. "Bakit hindi mo ginawa, Ciarra?"

Nagtatakang tiningala niya ito. Matangkad kasi ito, hindi nalalayo ang height nito kay Miguel. Pero mas matured na itong tingnan kaysa sa kababata niya.

"Sabi mo nga, may bakante pa. Bakit mas ginusto mong tumayo?" dugtong na tanong nito.

"Hindi ko feel ang puwesto sa likuran." Nakatingala pa rin siya rito.

"Bakit naman?"

"Kapag may nagpasabog ng masamang hangin, sahod mo lahat."

Tumawa ito, halatang naa-amuse sa kanya. "Mukhang nabiktima ka na."

"Sinabi mo pa." Totoo naman iyon. "Teka, akin na 'yang folder mo."

Ibinigay nito sa kanya ang hawak. "Saan ka umuuwi? Mas nauuna kasi ako sa 'yong bumaba."

"Melody Heights. Ikaw sa Mountainview ka, hindi ba?"

"Yup. Kasama mo'ng parents mo?"

"Ang nanay  ko lang. Nasa abroad ang tatay ko. Every two years lang siya nakakauwi sa amin. Eh, ikaw?"

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Where stories live. Discover now