Ikaanim na Kabanata Ang Muling Pagkabuhay

119 4 0
                                    

Hindi niya alam kung nasaan siya. O kung sino yung lalaking nasilayan niya ng siya ay nagkamalay. Nakahiga siya sa isang malaking kama. Malambot ito at sutla ang mga kumot at kubrekama. Napansin niyang nag-iba na ang kanyang damit. Hindi na ang blouse at slacks na sira-sira at puno ng dugo. Ang suot niya ay isang bestida na walang manggas at hanggang tuhod ang haba nito. Maganda ang tela nito, sutla din at kulay pink. Babaeng-babae. Hindi pa rin naaalis ang matinding sakit ng kanyang katawan, bawat hibla ay makirot. Pilit niyang inaalala ang mga iba pang nangyari bago niya nakita ang misteryosong lalaki. Naalala niya na dumilim ang kanyang paligid at unti-unting kumakalas ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawan. Ngunit biglang sumabog ang isang berdeng liwanag at napuno ang paligid. Naramdaman niya ang pagbalik ng buhay sa kanyang katawan. Ang mga buto na nabali at humiwalay ay muling nabuo, ang mga piraso ng kanyang bungo at ilang bahagi ng kanyang utak ay muli ring nabuo. Ang hapdi sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha ay dagling naibsan. Parang isang basong kristal na nabasag ngunit nabuo muli. May mahinang katok na nagmula sa pintong may kakaibang mga ukit. Bumukas ito at sumilip ang misteryosong lalaki.

                “Gising ka na pala. Maari ba akong tumuloy?”

                Hinila ni Helena ang kumot hanggang sa kanyang dibdib upang takpan ito. Hindi siya sanay na nakikita ng lalaki na manipis lamang ang suot nito. Natakot na siya sa mga lalaki dahil sa sinapit niya sa mga kamay nito. Para bang kahit anong oras ay pagtatangkaan muli ang kanyang pagkababae.

                “Sino ka? At nasaan ako?”

                Umupo si Azrael sa paanan ng kama ni Helena. Pilit sana siyang babangon upang iwasan ang lalaki ngunit mahina pa siya. Nakakaramdam ng takot si Helena sa kaharap ngunit parang may nagsasabi din sa kanyang isip na mapagkakatiwalaan niya ito. Siya lang naman kasi ang sumagip sa kanya noong siya ay naghihingalo.

                “Handa ka na bang malaman ang mga sagot sa iyong mga tanong?”

                “Oo.”

                Pagkababa ng kanyang talukbong ay nasilayan niya ang pinakamagandang mukha. Parang isang anghel. Malamlam ang mga mata na kulay asul na matamang nakatitig sa kanya. Kakaibang kapayapaan ang bumalot sa kanyang diwa. Halos makalimutan na niya ang mga nakaraang pang-aabuso at sakit na naranasan niya.

                “Ako si Azrael. Ang anghel ng kamatayan. Ang tagapagdala ng mga kaluluwa sa kabilang buhay.”

                “Ibig mong sabihin... Patay na ako?” tanong ni Helena na biglang natakot.

                “Oo. Patay na si Helena. Ang dati mong katauhan. Ang nabubuhay ngayon ay si Hel.”

                Hindi maunawaan ni Helena ang mga sinasabi ni Azrael. Kung totoong patay na siya, eh di sana tumatagos yung kamay niya sa mga bagay na hinahawakan niya. Palagi na lang parang bugtong ang itinatakbo ng mga pangyayari.

                “Kung hindi ka naniniwala, bakit hindi mo tingnan ang sarili mo sa salamin?”

                Bahagyang bumangon si Helena at kinuha ang salaming iniabot ni Azrael. Pagkakita sa sariling repleksyon ay sumigaw siya. Ang nakita niya sa salamin ay hindi ang kanyang maputlang mukha. Iba. Mukha niya ito ngunit naagnas na ang kalahati, halos makita na ang bungo nito. Hindi siya nakuntento sa maliit na salamin na hawak at dali-daling bumangon upang tingnan ang buong katawan sa mas malaking salamin ng isang tukador. Nanlumo lalo siya. Sapo ang kanyang bibig ay napaluhod siya sa biglang panghihina. Totoo nga na patay na siya. Hindi lamang pala ang kanyang mukha ang naagnas, kundi ang kalahati ng kanyang. Ang kanyang itsura ay kalahating buhay at kalahating bangkay. Naramdaman ni Helena ang kamay ni Azrael na dumagan sa kanyang balikat.

                “Iyan ang tunay mong anyo, ngunit kapag suot mo ang talisman ay bumabalik ang dati mong anyo. Subukan mo uling isuot ito.”

                Sa kanyang higaan ay may isang maliit na kahon. Yari ito sa kahoy at may mga kakaibang ukit, katulad ng lahat ng mga bagay na matatagpuan sa silid na iyon. Binuksan ni Helena ang kahon. Kinuha niya ang talisman na may berdeng bato sa gitna at hawak ng mga mabutong daliri. Kumikislap ito. Parang buhay. Isinuot niya ang talisman. At totoo nga, pagharap niya sa salamin ay bumalik ang kanyang dating anyo. Naibsan ang kanyang takot.

                “Sa pagsusuot mo ng talisman na iyan ay sumasang-ayon ka na sa iyong misyon. Iyan ang magbibigay sa iyo ng bagong kapangyarihan upang tulungan ang mga taong naaapi. Ang aking napiling kahalili. Magpahinga ka upang lumakas. Bukas ay magsisimula na tayo ng iyong mga pagsasanay.”

                “Huh? Pagsasanay? Aba, para pala itong isang kontrata na hindi ako makakaatras. Kung hindi ako papayag ay mananatili akong buhay na bangkay, hindi ba?”

                “Oo. At unti-unting manunuyot hanggang sa tuluyang mawala. Ang talisman ang nagbibigay sa iyo ng buhay na walang hanggang.”

                Napatungo na lang si Helena. Wala na siyang magagawa. Ito talaga siguro ang kanyang tadhana.

                “Handa na ako.”

               

HelWhere stories live. Discover now