Pagtuon niya ng isang kamay sa gilid niya ay may natuunan siyang matigas na bagay. Pagtingin niya kung ano iyon ay nalaman niyang isang kulay itim na attache case. Agad niyang naisip na ang may-ari niyon ay iyong lalaking naka-itim na amerikana. Karaniwan kasi sa napapanood niya sa TV ay may dalang attache case ang mga nakasuot ng ganoon.

Kinuha niya ang attache case. Napatingin siya sa matanda at nakatingin ito sa kaniya na para bang isa siyang magnanakaw.

“Isasaoli ko ito, lola.” Pagtatanggol niya sa sarili. “May ID naman po siguro ito sa loob.”

Wala siyang nakuhang sagot mula sa matanda.

Nang bumaba siya ay bitbit na niya ang kulay itim na attache case. Hindi iyon mabigat. Magaan nga, e. Naisip niya na kung limpak-limpak na salapi ang laman niyon ay ano kaya ang gagawin niya? Ibabalik pa ba niya sa may-ari? Pero paano kung ito na ang pagkakataon na hinihintay niya para yumaman? Papakawalan pa ba niya?

Ipinilig ni Angel ang ulo. “Ano ba itong iniisip ko? Baka mamaya ay hindi pera ang laman nito, e!” sabi niya sa sarili.

Bigla siyang natigilan at nanlamig nang maisip niya na kung hindi pera ang laman ng attache case ay baka naman time bomb! Baka sinadya iyong iwanan ng lalaki sa jeep para pasabugin iyon. Kaya upang makasiguro ay inilapit niya sa tenga niya ang attache case at pinakinggan niyang mabuti kung may maririnig siyang tunog ng parang orasan.

Wala naman. Hindi siguro bomba. Paranoid lang siguro siya. Baka nga pera talaga.

Bumalik ulit ang excitement ni Angel. Mas lalo niyang binilisan ang paglalakad papunta sa apartment nila ni Cecilla. At nang sa wakas ay nakauwi na siya ay agad niyang ini-lock ang pinto. Ibinaba niya ang mga kurtina sa bintana at nagkulong sa kwarto. Magulo doon. Mabuti na lang at wala na iyong Kyle na nakauna sa kaniya. Umupo na siya sa ibabaw ng kama.

“Ano kayang laman nito?” tanong niya habang nakatingin sa black attache case.

Paano naman kasi niya malalaman kung titingnan lang niya, 'di ba? E, kung binubuksan na kaya niya. Edi, nasagot na ang tanong niya kanina pa.

Kaba. Excitement. Iyan ang nararamdaman ni Angel. Malakas kasi ang kutob niya na pera ang laman niyon. Kung pera man ay pasensiya na ang may-ari niyon dahil wala siyang balak na ibalik.

Pera. Pera sana, please… Kahit one million lang! Dasal niya.

Huminga siya nang malalim at tinanggal ang dalawang lock ng attache case. Habang binubuksan niya iyon ng mabagal ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib niya.

Nang tuluyan na niyang mabuksan ang attache case ay napangiwi siya dahil sa disappointment. Nagkamali siya. Hindi pera ang laman kundi isang box na kulay itim din. Kasing-laki ng box ng cellphone. Siguro ay kulay black ang paboritong kulay ng may-ari niyon.

Kinuha niya ang box at inalog iyon. May naririnig siya. May laman ang box.

Hindi kaya isang bungkos ng pera! Nabuhayan siyang muli sa naisip. At muli siyang nagdasal na sana’y kahit one hundred thousand pesos ang laman ng itim na kahon ay tatanggapin niya.

Marahan niyang inalis ang takip ng box hanggang sa tumambad sa kaniya ang laman niyon. Isang touchscreen na cellphone! Nang kunin niya ay nalaman niyang kulay itim din at mukhang bago pa. Ineksamin niya ang cellphone pero wala siyang nakitang tatak nito. Ang naisip niya kasi ay maaari niya iyong ibenta. Kaya lang paano niya iyon mape-presyuhan kung hindi niya alam ang tatak ng cellphone.

Sinubukan niyang buhayin at nabuhay naman. Umilaw ang screen at naging puro black na.

“Sira pa yata. Malas naman…” bulong ni Angel.

SICK: Part FourWhere stories live. Discover now