1: Pagtakas

10.4K 216 42
                                    

PAGTAKAS

  

"Mayreen, gising..."

Naalimpungatan ako sa mga bulong at tapik ng aking ama. Pagdilat ko ay madilim pa. Tahimik pa ang paligid.

"Maghanda ka," bulong niya sa akin. "Aalis tayo."

"Saan tayo pu--"

'Ssssh," saway niya sa akin. "Hinaan mo boses mo. Wala dapat makarinig sa atin."

Tiningnan ko si Ina. Nag-eempake siya ng mga damit. Dalawang bag ng damit ang nakaayos na sa tabi niya. Ang pangatlo ay para sa mga damit ko. Nakabihis na noon silang dalawa.

"Bilis," utos ni Ama, pagkuwa'y sumilip siya sa labas na parang nagmamatyag.

Ilang sandali pa ay nakabihis na ako. Batid ko kung bakit kami aalis. Itatakas nila ako para hindi ako maikasal sa taga-Tandog. Susuwayin namin ang kagustuhan ni Lolo. Delikado ang gagawin namin. Ituturing kaming taksil sa aming angkan, at ang karaniwang kaparusahan, kahit labag sa batas ng bansa, ay kamatayan.

Kinakabahan ako.

Tahimik kaming lumabas ng bahay at maingat na tinahak ang daan palabas ng baryo. Wala kaming imikan. Alam naming matalas ang pandinig ng mga kababaryo namin. Sanay ang lahat makiramdam sa banta ng panganib.

Ilang aso ang nakaramdam sa pagtakas namin, pero hindi sila tumahol. Kilala ng mga aso sa baryo ang lahat ng mga tagadoon.

Nakahinga kami nang maluwag nang makalabas kami ng baryo. Mula doon, patuloy kaming naglakad sa gitna ng kakahuyan patungo sa highway, kung saan umaasa kami sa pagdaan ng unang biyahe ng bus.

Nagulat kaming tatlo nang lumitaw mula sa likod ng mga puno ang tatlong lalaki at hinarang kami. Hindi ko sila agad nakilala dahil sa dilim, pero naaninag ko ang mga dala nilang armas, mahahabang baril.

Nanghina ang tuhod ko. Nasukol kami, sa isip-isip ko. Katapusan na namin ito.

Yumakap sa akin si Ina. Ramdam kong nanginginig din siya sa takot.

"Saan kayo pupunta, Kuya Abu?" Si Tito Samir, bunsong anak at kanang kamay ng lolo ko.

Hindi nakasagot si Ama. Nagpalipat-lipat ang mga mata niya sa mukha ni Tito Samir at sa mga armas.

"Itatakas nyo si Mayreen?" tanong ulit nito.

"Maawa ka sa amin, Samir," pakiusap ni Ama. "Gusto lang naming bigyan ng magandang kinabukasan ang anak namin."

"Itatakwil nyo ang angkan natin?" matalim na tanong ni Tito Samir.

Umiling si Ama. "Hindi nakinig si Ama sa pakiusap ko," paliwanag niya. "Pero mali siya. Matalino ang anak ko. May kinabukasang naghihintay sa kanya. Iba na lang ang ipakasal nyo sa mga taga-Tandog. Pakiusap..."

Sinenyasan ni Tito Samir ang isa niyang kasama. "Abdul, gisingin mo si Ama. Sabihin mong nagkatotoo ang kutob niya."

Mabilis tumalima si Abdul. Naiwan si Tito Samir at ang kasama niyang si Mujab, isang malayong kamag-anak.

"Samir," muling pakiusap ni Ama. "Maawa ka naman. Paalisin mo na lang kami. Kapag nagkaanak ka, mararamdaman mo rin kung ano'ng nararamdaman ko."

"Traydor ka, Kuya," sagot lang ni Tito Samir. "Pati si Ama, kakalabanin mo."

Nilingon ni Ama si Abdul. Malapit na ito sa baryo. Ilang sandali pa ay darating na si Lolo pati na ang mga kalalakihan sa amin. Huminga siya nang malalim, pinipilit maging kalmado.

Ma Malakat AymanukumWhere stories live. Discover now