CHAPTER 2

11.7K 333 46
                                    

PALAISIPAN pa rin kay Stone ang nangyari kani-kanina lang kung saan narinig niya ang iniisip ng kaharap. Maliban sa kung ano-anong kalokohan na naisip nito ay nakakaalarmang natibag ng babae ang mind shield niya.

Bago pa sila umupo ni Rexter ay nilagyan na niya ng harang ang kanyang isipan. Parehas kasi sila ng kakayahan ng kaibigan—ang makabasa o makarinig ng iniisip ng iba at kaya rin nilang harangan ang kanilang isipan kapag ninais nila.

Dahil napapagod na siya sa ilang oras na pagbabasa ng isip ng mga nalalapitan upang matukoy ang mga lagalag na bampirang sadya nila sa lugar na iyon ay naisipan muna niyang isara ang harang sa kanyang isipan. Lumakas din kasi ang presensya ng mga ito sa food court kaya nagdesisyon muna silang maupo roon at maging alerto nalang sa susunod na pagkilos ng mga hinahanap.

Laking gulat nga lang ni Stone nang bigla niyang narinig sa kanyang isipan ang boses ng babae na nakilala niya bilang Cheezer. Labis iyong nakapagtataka dahil wala siyang maramdamang kakaiba rito. Ipinagpapasalamat nga niyang mukha namang hindi nito kayang magbasa ng isipan. Kung hindi ay malamang na kayang pasukin ng estranghera ang isip niya.

"That's great! Since wala naman palang magagalit, baka pwede namin kayong samahan kung mamamasyal pa kayo mamaya."

"What?" mabilis na tanong niya kay Rexter sa isip nang marinig ang sinabi nito.

"Bakit? Ano namang masama sa pamamasyal?"

"Of course! That'll be fun!" sagot naman ni Precy na ikinakunot lalo ng noo niya.

"May trabaho tayo ritong kailangang tapusin, Rex."

"Ang kj mo talaga, man. Pwede naman sabay ang pag-eenjoy sa misyon, eh."

Alam niyang hindi rin siya mananalo rito sa diskusyon at mapapagod lang siya kaya ibinalik na lamang niya ang atensyon sa mga bampirang pinakikiramdaman nila. Hindi pa naman kumikilos ang mga ito kaya wala pa silang dapat ipag-alala.

Inilibot niya ang mga mata sa pagbabaka-sakaling may mapansin siyang kakaiba ang ikinikilos doon. Iyon nga lang, kay Cheezer napadako ang tingin niya na hindi naman niya pinagsisihan. Gusto niyang pakatitigan ang babae baka may makuha pa siyang impormasyon mula rito dahil nawala na ang boses nitong malinaw niyang naririnig kanina. Hindi niya lamang magawa iyon dahil sinita niya ang babae kanina sa pagtitig sa kanya at ayaw niyang mahuli na ginagawa ang kaparehong bagay. Maya't maya na lamang niyang sinusulyapan ang misteryosang kaharap kapag ramdam niyang hindi ito nakatingin. Doon niya napansin ang taglay nitong ganda..

Maganda si Precy pero iba ang ganda at dating ni Cheezer sa kanya. Halatang sopistikada at sosyal ang kaibigan nito samantalang si Cheezer ay simple at halatang hindi mahilig mag-ayos ng sarili. Ganunpaman, napakaganda pa rin ng babae at hindi nakakasawang tingnan.

Yeah, Stone. What the heck are you thinking?

"Pasulyap-sulyap pa kunwari...patingin-tingin sa akin...'di maintindihan..."

Boses ni Rexter ang nakapagpabalik kay Stone sa realidad. Inaasar na naman siya ng lalaki at sadyang ipinaririnig sa kanya ang pagkanta sa isip.

"Shut up."

"Ang ibig kong sabihin...kung mayro'ng pag-ibig ay ipagtapat mo na sa akin...agad naman kitang sasagutin..."

"Mabuti na lang at ako lang ang nakakarinig sa iyo. Kung hindi baka nabato na tayo ng kamatis dito." 

"Huwag mong ibahin ang usapan, man. Baka akala mo hindi ko napapansin ang pagsulyap-sulyap mo kay, Cheezer. Kung hindi ka ba naman kasi sira kanina, eh. Dapat hindi mo siya pinahiya."

The Union Of Bloods (Revised Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon