"Ay kabayong bundat!" sa gulat ay nabitawan niya ang hawak na litrato na mabilis din niyang pinulot at ibinalik sa dating kinalalagyan. Napipilitang tumayo na rin siya upang paslangin ang walanghiyang akyat-bahay gang.

Gang? Mag-isa lang kaya.

Hindi na siya nag-abala pang makipagtalo sa sarili. Maski mag-ayos ng buhok ay kinalimutan na niya. Alam na alam ni Cheezer na sa lahat ng akyat bahay gang ay ito ang ayaw na ayaw naghihintay. Muntik-muntikan pa tuloy siyang matalisod palabas ng kwarto niya sa sobrang pagmamadali.

Kahit hindi pa nakikita ang bagong dating ay kilalang-kilala na niya kung sino ang may-ari ng boses na iyon. Ito lang din naman ang tumatawag sa kanya gamit ang buo niyang pangalan na talaga namang labis niyang kinaiinisan.

"Precious Cyrille Picardal, ilang ulit ko bang sasabihing huwag mo akong tinatawag sa buo kong pangalan dahil kinikilabutan ako," kunwang pagalit na bungad niya sa babae nang maabutan itong prenteng nakaupo. Oo, ganun siya kaweird. Maski buong pangalan niya kinatatakutan niya.

Tumawa lamang ang kaibigan sa narinig at saka tumayo upang yakapin siya ng mahigpit. Oh well, kailan nga ba siya nito sineryoso?

"Bruha ka. Bakit hindi ka nagsabing darating ka ngayon?" kunwaring pagtatampo niya rito nang pakawalan siya. Matagal nang naninirahan sa Korea si Precy dahil sikat na itong fashion designer doon. Kung hindi siya nagkakamali ay eksaktong dalawang taon at limang araw mula nang umalis ang matalik na kaibigan. Akala nga niya'y nawili na ang babae sa nagwagwapuhang mga koreano kaya wala ng balak dalawin siya. Mabuti na nga lang at mukha namang hindi pa nito itinakwil ang bansang Pilipinas.

"Eh, 'di hindi na surprise kung sinabi ko sa iyo. Alam mo namang gustong-gusto kitang sinosorpresa."

"Tsk! Sabi ko nga. Dito ka naman mananatili sa bahay habang nagbabakasyon ka, 'di ba?"

"Syempre naman. Mas enjoy kaya manood ng porn kapag may kasama at kaharap na half-naked fafa," pilyang sagot nito na ang tinutukoy ay ang isang poster ng one and only Damon Salvatore niya.

Kahit nagtatampo ay hindi niya naiwasang matawa sa sinabi ng best friend. Naaalala pa niya nang subukan nilang manood ng porn noon dahil tinutukso sila ng mga kaklaseng wala raw alam. Syempre pa, hindi sila papatalo sa mga loko-loko kaya nagtapang-tapangan silang manood na pinagsisihan din nila sa huli. Ni hindi nga nila halos nasilayan ang video dahil mag-uumpisa palang ay pareho na silang napatakip ng unan sa mukha. Napagdesisyunan tuloy nilang huwag na lamang ituloy at hinayaan nalang na tuksuhin sila. Hindi na rin nila inulit pang gawin iyon at nakuntento na lamang sila sa pagtitig sa mga posters ng mga lalaking may matitigas na pandesal.

"I missed you, Bessie."

"Na-miss din kita, Bessie," wika niya saka ito muling niyakap.

Magkababata sila ni Precious Cyrille o Precy for short. Ito ang nagsilbing kapatid at tagapagtanggol niya sa mga nambubully sa kanya noon. Lumaki kasi siyang mataba kaya naman hindi siya nakakaligtas sa mga batang mahilig mangutya. Nalagpasan niya ang yugtong iyon ng buhay niya dahil laging nasa tabi niya ang kaibigan.

Kahit pa labis siyang nalungkot noong lumayo ito, sinuportahan pa rin niya ang babae sa pag-abot sa mga pangarap nito.

Naalala pa niya ang mga—natigil siya sa pagbabalik-tanaw nang busangot na mukha nito ang bumalandra sa kanya pagkatapos nitong kumalas sa pagkakayakap. Hindi pa ito nakuntento at tiningnan pa siya mula ulo hanggang paa. Muntik tuloy niyang tusukin ang mga mata nito.

Iyon ang hirap sa pagkakaroon ng best friend na fashion designer, eh. Laging napapansin ang suot niya. Ganunpaman, hindi naman siya pinipilit ng kaibigan na pagsuotin ng mga damit na ayaw niya. Basta't komportable raw siya ay okay lang.

The Union Of Bloods (Revised Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon