"Takbo!"
Bago ako matulog kagabi, gumugol ako ng isang oras para ipalagay sa isip ko kung ano ang mga maaaring mangyari sa unang araw ko sa kolehiyo.
Ngunit lahat ng ideya na nabuo ko ay magiging ideya na lang pala dahil ang mga kaganapan sa kasalukuyan ay mga kaganapang wala sa aking inaasahan.
Pagdating ko sa university, bungad na kaagad nito sa akin ay ang mahabang pila.
Rinig ko sa tabi-tabi, ito daw ang tradisyon ng Brookside para sa freshmen kada taon.
Kung hindi ka daw nakaranas ng pait ng pilang ito, hindi ka naging tunay na estudyante nila.
"Bilis!" Hiyaw ni Nel sa amin ni Iana.
Mahigit isang oras na din akong nakapila, katirikan pa ng araw. Nangangamoy pawis na din ako at pakiramdam ko anytime magcocollapse na ako sa uhaw.
Hindi ko din naman pwedeng iwanan 'yong pwesto ko sa kadahilanan na maaaring mag-uumpisa nanaman akong pumila sa dulo.
Isa pa, kapag umalis ako 'tsaka bumalik ay nakakahiya. Baka pagkamalan pa akong sumingit ng mga nasa likod ko kaya huwag na lang.
Hindi ako 'yong tipo na mahilig na makipag-usap sa tao na hindi ko kilala pero dahil sa pagkaburyo ko, may dalawa akong nakilala na kasunod ko sa pila. Nakakatuwa pa nito'y kakurso ko din sila.
Naikwento ko na yata sa kanila kalahating istorya ng buhay ko pero wala pa ding usad 'tong pila.
Madami din kasing makakapal ang mukhang sumisingit at mga walanghiyang nagpapasingit.
Mabuti na lang may isang lalaking lakas ng loob na nagreklamo sabay takbo sa harap ng bulletin board.
May mga nagsunuran sa kaniya at isa na doon si Nel.
Nagdalawang-isip muna kami ni Iana bago sumunod sa kaniya at nang nakikita naming nagkakagulo na ang paligid ay walang anu-ano'y tumakbo na din kami.
"Ang bagal niyo!" Reklamo ni Nel nang makarating na kami sa pwesto niya, "May mga nauna na tuloy sa atin." Dagdag pa nito habang nakakunot ang noo't nakanguso.
"Okay lang 'yan ate ghorl." Hingal na pagpapakalma ni Iana sa bestfriend niya habang tinatapik-tapik pa ang balikat nito, "At least wala na tayo doon." Turo niya sa pinanggalingan namin.
Sabay-sabay kaming tumingin sa itinuro niya at natawa na lang kaming tatlo nang mapagtanto namin ang layo ng tinakbo namin sa loob lamang ng ilang segundo.
Mala-stampede ang pangyayari kanina at ngayon naman stuck kami sa gitna ng napakadaming tao.
"Hi, Primo for President!"
Nausog ako sa kinatatayuan ko nang may lalaking sumingit at nag-abot ng flyer sa akin.
Napansin ko kaagad ang dimples niya sa magkabilang pisngi at ang pagkasingkit ng mata niya.
Bago ko pa tuluyang makuha ang flyer ay inagaw na kaagad ni Nel 'yon sa akin, "Ang agang kampanya naman niyan, Mr. Astronomo."
Tumawa itong Primo sabay hinagod ang buhok niya papatalikod, "Miss former secretary, tatakbo talaga akong president." Walang pag-aalinlangang pahayag nito .
"Asa ka pang mananalo ka, freshie ka lang, 'no!" Iritang pagmamaliit ni Iana ngunit mukhang walang epekto 'yon kay Primo.
"Support naman dyan! Ayaw niyo ba n'on? Together we will make history." Banat ni Primo at amba pa sanang makikipag-apir kay Iana pero dinedma lang siya.
Tinaasan naman ni Nel ng kilay itong si Primo, pabilog na nilukot ang papel gamit ang dalawang kamay saka binato ito sa dibdib ng binata, "Lumayas ka na nga dito, nasisira araw namin."
