“A-ako si Faith… Ako si Faith.” Paulit-ulit niyang sambit.

Alam na niya ang lahat. Bumalik na ang lahat ng alaala niya. Mas naging malinaw sa kaniya ang lahat dahil sa muntik na pagbangga ng sinasakyan niyang tricycle.

Si Benedict—asawa niya ito. At ang babaeng pumunta dito kanina ay walang iba kundi si Odessa. Ang babaeng iyon ang may kagagawan ng lahat kung bakit siya nagkaroon siya ng amnesia. Pinagtangkaan siya nitong patayin upang malaya nang magkasama ito at ang asawa niya. Pero si Lance… sino si Lance? Bakit hinayaan siya nitong magkaroon ng pekeng alaala? Bakit siya nito dinala dito sa Cebu?

Hindi kaya kasabwat siya ni Odessa? Tanong niya sa sarili.

Malaki ang posibilidad na ganoon nga. Napansin niya kasi na nagulat si Odessa nang makita si Lance. Maging si Lance ay ganoon din. Kaya pwedeng tama ang kutob niya na magkakilala ang dalawa.

“Hayop kayong lahat! Mga demonyo!” gigil niyang bulalas.

Nagpatuloy lang si Faith sa pag-iyak. Galit na galit siya kina Benedict, Odessa at Lance. Dalawang taon ang nawala sa buhay niya. Dalawang taon siyang nawalay sa kaniyang pamilya at nabuhay sa katauhan ng ibang tao. Nabuhay siya sa mga pekeng alaala na ipinasok ni Lance sa kaniyang utak!

Hindi niya alam kung gaano siya katagal sa ganoong posisyon. Makalipas ang ilang sandali ay dumating na si Lance. Mas lalong nagbaga ang galit niya para dito nang makita niya ito.

“Jenny, anong nangyari? Umiyak ka ba?” Lumapit ito na may pag-aalala.

Mabilis na tumayo si Faith at sinalubong niya ng malakas na sampal ang lalaki.

“J-jenny…” Nagtataka nitong turan.

Muling napaluha si Faith sa sobrang galit. “Naaalala ko na ang lahat! Ako si Faith! Ako si Faith!” Galit na galit na sigaw niya habang ito ay gulat na gulat. “Sino ka?! Sino ka, Lance?! Kasabwat ka ba ng Odessa na iyon?! Hayop ka!” At muli niya itong sinampal.

“P-patawarin mo ako, Faith. K-kung hahayaan mo lang akong magpaliwanag ay sasabihin ko sa iyo ang lahat.”

“Gawin mo! Magpaliwanag ka! Sabihin mo sa akin ang lahat ng katotohanan!”

“Si Odessa—kapatid ko siya. Nang gabing ibinangga niya ang kotseng sinasakyan ninyo ay sa akin niya ipinasa ang pagpatay sa iyo. Sinubukan kong patayin ka pero hindi ko kaya. H-hindi ko kayang pumatay ng tao at isa pa… Nagkagusto ako sa iyo kaya hindi kita kayang patayin. Sa takot ko na baka malaman ng ate ko na buhay ka pa ay inilayo kita. Dinala kita dito sa Cebu. Aaminin ko, naging selfish ako dahil nang malaman kong may amnesia ka ay sinamantala ko iyon upang makasama ka. Pero maniwala ka, mahal na mahal lang kita kaya ko iyon nagawa. Gusto lang kitang protektahan!”

Pakiramdam ni Faith ay sasabog na ang dibdib niya sa mga sinasabi ni Lance. “Ang pagkakabuntis ko, si Odessa din ba ang may kagagawan niyon?” Ngayong alam na niya ang tunay na kulay ng babaeng iyon ay naisip niyang pwedeng pati sa bagay na iyon ay may kinalaman ito.

Tumango nang marahan si Lance. “Noong honeymoon ninyo sa Maldives, nandoon din ako. A-ako iyon waiter na nagbigay sa inyo ng alak. M-may pampatulog iyon. Gusto ni ate na gahasain kita para mabuntis ka. Habang tulog kayo ni Benedict ay kailangan kong gahasain ka para mabuntis ka. Dahil alam ni ate na kapag nabuntis ka ay magagalit sa iyo si benedict dahil baog ito—”

“I-ikaw ang tatay ni Jayden?!” Hindi makapaniwalang turan ni Faith.

“Hindi!” Mabilis na umling si Lance. “Hindi kita ginalaw ng gabing iyon dahil nakokonsensiya ako. Kaya imposibleng ako ang tatay ni Jayden.”

Natigilan si Faith sa sinabi ni Lance. Napahawak pa siya sa kaniyang dibdib. Kung hindi siya ginalaw ni Lance ay hindi ito ang nakabuntis sa kaniya noon. At sigurado siya sa sarili niya na si Benedict lang ang lalaking nakasiping niya. “S-si Jayden… anak talaga siya ni Benedict! Hindi siya baog?” Hindi niya alam ang mararamdaman sa kompirmasyon na naisip niya.

The Faithful WifeOn viuen les histories. Descobreix ara