Hindi makapaniwala si Daniel sa sinasabi ng kaharap. Ang sabi ni Aling Caring, mabait at maawain si Miranda. Huwag lang inaagrabyado at pino-provoked. Pero hindi iyon ang nakikita niya sa ikinikilos at sinasabi nito ngayon.

"Ang sabi ko kay Mang Caloy ay hintayin ang papa mo," marahan nitong wika na halatang nagpipigil ng galit.

"Hindi na kailangan. Effective today, ay maghahanap ako ng pansamantalang kapalit niya. Pupuntahan ko si Mang Caloy ngayong umaga, Daniel para sabihin sa kanya iyon. By the way, gusto mo bang palitan ang puwesto ni Mang Caloy, Daniel? Ang sabi ng papa, you are very able and reliable?" seryosong tanong ng dalaga.

Kumawala ang galit ng lalaki. "You disgust me, Miranda. Magutom man ako ay hindi ako paiilalim sa kapangyarihan ng isang tulad mo!"

Nagsasalubong ang mga kilay ng dalaga. Hindi niya maunawaan ang mga ikinikilos ng lalaki kanina pa.

"You don't have to shout at me dahil lang sa inaalok ko sa iyo ang trabaho nina Mang Caloy at Mang Alfon. Madali namang magsabi ng hindi. Hindi kita pipilitin." Tumayo ang dalaga.

"Wala ka bang damdamin? Wala ka bang puso?" Pinipigil nito ang pagtaas ng tinig.

Bahagyang ngumiti ang dalaga sa tanong na iyon. "My heart aches for you, Daniel. Kung wala akong puso at damdamin ay hindi ako masasaktan sa pagbabale-wala mo sa akin."

Naningkit ang mga mata ng lalaki. "Ikinalu-lungkot kong hindi ako pumapatol sa isang tulad mo!" mahina pero mariin ang pagkakasabi nito.

Pinamulahan ng mukha si Miranda. Hindi iilang beses siyang nainsulto sa mga sinasabi nito. Pero hindi niya mapalampas ang sinabi nito ngayon. Itinaas niya ang kamay niya para sampalin ito pero bago umabot iyon sa mukha ni Daniel ay nahawakan nito ang braso niya.

"That is an old dusty trick. Sasampalin mo ako para lang makatikim ng halik mula sa akin, ganoon ba?" tuya nito. "No way, kid. Dahil kung sakaling lumapat sa pisngi ko ang kamay mo ay hindi halik ang igagantiko sa iyo. Sampal din!" Ibinagsak nito ang kamay niya at tumalikod.

Matagal nang nawala sa pandinig ni Miranda ang tunog ng jeep nito ay hindi pa rin siya umaalis sa kinatatayuan. Nanggilalas siya sa inasal ni Daniel. Dumating na galit at umalis na galit. Nainsulto siya at nasaktan. Iyon lang ang malinaw sa isip niya.

Hindi na siya nakapag-almusal. Pumanhik siya sa silid at nagbihis. Gusto niyang maiyak. Tama na ang mga kalokohan niya. Buong buhay niya ay ngayon lang siya nakatikim ng maraming insulto. At lahat ng mga iyon ay galing kay Daniel.

At bakit ba nagpapakababa siya nang ganoon? Titiyakin niyang iyon na ang huling pagtatagpo nila ng lalaki.

Sakay ng kabayong si Ivory ay tinungo ng dalaga ang bahay ni Mang Caloy. Pinapasok siya ng maybahay nito na bagaman sa nagmagandang umaga ay halatang galit.

Ganoon din ang binatilyong nakaupo sa tabi ng nakahigang matanda.

"Maupo ka, Miranda..." si Aling Maria.

"Salamat," wika ng dalaga pero nanatiling nakatayo. "Kumusta na kayo, Mang Caloy? Naibalita sa akin ni Daniel ang nangyari sa inyo."

Hindi agad nakapagsalita ang matanda. Tila may bara sa lalamunan. Nagpatuloy ang dalaga.

"Iyan ang nais kong ipunto sa inyo. Matanda na kayo at kailangan na ninyong magpahinga. Baka mamaya ay higit pa riyan ang abutin ninyo."

"Tama ka, Miranda. Pero paano naman ang pamilya ko? Ang anak kong si Arturo ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa bayan." Sinulyapan nito ang binatilyo. "Hindi naman namin maasahan ang panganay ko dahil may sarili na ring pamilya iyon."

Mga Latay ng Pag-ibig (COMPLETED)Where stories live. Discover now