Part 2

168 17 21
                                    

NAGMUKHANG imburnal sa EDSA ang butas ng ilong ni Pedro na naglakad palabas ng selda. Haharapin niya ang babaeng nagngangalang Ella at gagawin niya ang lahat para matuldukan ang ginawang kabulastugan ng mga kaibigan.

Hindi man lang siya nag-aksaya ng panahon na gumayak bago lumabas. Naka itim na sando lang siya kaya litaw ang malaking ahas na nakaikot sa magkabila niyang braso. Pinaresan lang niya iyon ng kupasing maong na isang buwan niyang kinontrata sa sabitan. Ang original nitong kulay na dapat ay light blue ay naging brownish blue na dahil sa ilang layer ng alikabok at dumi. Nakatsinelas lang din siya ng goma.

Naalala niya nang pigilan siya ni Payat at pinilit na magbihis.

"Pare, hindi ka ba magbibihis man lang?"

"Oo nga, amoy na namin dito ang pantalon mo, o. Alam mo bang propesyonal 'yang kikitain mo? T'saka, cute."

"Hindi, p're, maganda," pangongorek ni Payat.

"Oo nga, maganda," sang-ayon ni Badong.

"Wala akong pakialam kung magkaimpeksyon man ang ilong niya sa amoy ng damit ko dahil hindi ko responsibilidad na pakiharapan s'ya! Kayo lang naman ang may kagagawan nito, eh."

"Pare, gusto lang namin na ipakilala ka sa ibang tao, malay mo, 'di ba, alam mo na," si Payat.

"Bukas, chip!" tawag ni Pedro sa guardiya na parang walang narinig sa sinabi ng mga kaibigan, lumapit naman ang huli at binuksan ang selda.

PAGKAPASOK niya sa receiving area ay mabilis na pinagala ni Pedro ang tingin para hanapin ang sadya.

'Pandak na long hair.'

May sampung k'wadradong mesa na yari sa kahoy ang nakahilera sa malawak na silid. Katabi ng kada lamesa ay apat na berdeng monoblock chairs. Dalawang mesa lang ang walang laman, kaya halos puno ang tanggapan nang araw na iyon.

Ilang taon na rin siyang hindi nakabalik sa k'wartong iyon, dahil wala naman siyang bisita. Hindi na nga siya nakakakita ng mga tao na galing sa labas. Wala na siyang kahit kapiranggit na balita kung ano na ang nagyari sa mga kamag-anak, kaibigan at ilang kakilala niya. He was being lothed by all of them and because of that, kinasusuklaman na rin niya ang mga taong iyon.

Sa gitna ng silid, may isang babae na naka-maong na pantalon. Ang pang-itaas nito ay hapit na kulay puting blouse na may nakasulat na Mango sa may dibdib. Medyo kulot ang maayos na nakapony tail na buhok nito. Nang madapo ang tingin niya sa mukha ay sigurado na siyang iyon ang hinahanap niya dahil biglang lumiwanag ang mukha nito nang makita siya.

"Marcos..." Medyo may kahinaan nitong tawag sa kanya. Natigilan si Pedro.

'Pati ba naman pangalan ko alam ng babaeng ito? Humanda talaga ang mga pesteng 'yon.'

Nakatiim-bagang niyang pinuntahan ang babae sa mabibigat na hakbang. Padaskol na hinila ang plastik na upuan bago umupo kaya tumunog iyon ng malakas. Kulang na lang ay mabali ang stand ng monoblock sa kanyang ginawa. Bahagya namang napaigtad ang babae na parang hindi inasahan na ganoon ang kanyang ikikilos. Nagulat din ang ibang mga naroroon at napatingin sa lamesa nila. May natinig siyang ugong ng mga taong nagbubulungan.

'Nakakatakot naman ang taong 'yan. Bakit pinayagang pumunta rito?'

'Ganyan, matakot ka.' Pedro's lips arched in a half smile.

"M-Marcos, kumusta ka na?" nakangiti nitong tanong nang makabawi pero hindi niya sinagot. "May dinala akong pastel, sabi mo paborito mo 'to di ba?"

Matapang pa rin ang mukha na tiningnan niya ang paper bag nitong dala. Kinuha ng babae iyon mula sa tagiliran at inisa-isang inilabas ang laman.

"May dala rin akong mga gamot, in case kailangan mo and mga gamit para sa first aid."

"Miss, kilala mo ba kung sino ang kinakausap mo?" pagkuway tanong ni Pedro kay Ella.

"A--siyempre," matamis nitong ngiti. "Ikaw si Marcos Peter Villano, ang boyfriend ko."

Napatiim-bagang si Pedro sa narinig, uminit ang kanyang buong ulo pati ang tainga. "Tama, ako si Marcos Peter Villano, ako ang totoong Marcos Peter Villano," aniyang diniinan ang huling salita. Tinuro ang sarili at bahagyang dumukwang sa babae. "Hindi ako ang kasulat mo kundi 'yang mga 'yan!" Turo niya kay Badong at Payat na naroon din sa kuwarto kausap ang kani-kanilang pamilya. Napayuko naman ang dalawang kaibigan at umiwas ng tingin. "Peke ang lahat ng sulat na natanggap mo, wala akong kinalaman kahit isa sa mga 'yun. Kaya kung ako sa'yo, ha..." aniyang hinablot ang palapulsuhan ng babae na nasa itaas ng mesa. Hindi marahil nito iyon inasahan kaya pati katawan nito ay nahila. "...tigilan mo na ang kabaliwang ito."

Kahit focus siya sa pananakot sa babae ay hindi niya maiwasang pansinin ang kamay nitong hawak niya ngayon. Her skin was soft at ang liit ng kamay nito. Parang sinadyang hinulma para perpektong magkasya sa kanyang palad.

"A-anong ibig mong sabihin?" Naguguluhan ang dalawang bilugan nitong mga mata na nakatitig sa kanyang mukha. Kahit hindi kahabaan pero makakapal ang pilik mata ng dalaga.

"Tanga ka ba?! Akala ko ba nars ka? Pati ba utak mo naiwan mo sa guwardiya sa labas?" Tinuro pa ni Pedro ang kanyang sintido habang sinsabi iyon. "Hindi kita kailanman sinulatan at wala akong interes saiyo."

Hindi naman siya sumisigaw pero sadyang malaki ang kanyang boses at sa kinaroroonan ay maririnig ng mga katabing mesa ang pinag-usapan nila.

Natigilan ang babae na tila napapahiyang nilingon ang paligid bago muling tumingin sa kanya.

"M-Marcos..." pabulong nitong sabi. Kuminang ang mga mata, namula rin ang paligid niyon sanhi ng namumuong luha.

"Pedro!" pasigaw na saway ng guardiya sa kanya. Agad naman niyang binitiwan ang kamay nito.

"'Wag ko nang makikita ang mukha mo rito." aniyang tumayo at hinablot ang mga dala ni Ella saka lumabas ng tanggapan.

COMPLETED From Kulungan With LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon