"Wala akong pakialam sa parol-parol na 'yan. Isusunod ko si Blue, para masira na ang peste n'yang grupo," sabi ni Pedro at hinithit ang sigarilyong nakaipit sa dalawang daliri.

"Anong ibig mong sabihin? Ayaw mo bang makalabas dito? Okay lang sa'yo'ng dito na mamatay?" si Badong.

"Nandito na ang buhay ko. Kaya ko namang mabuhay dito, mas masarap nga, e, libre lahat. Ano pa bang hahanapin ko? Tingnan n'yo ngayon, patambay-tambay lang ako pero may kinakain parin, may yosi pa!" saad niyang bahagyang itinaas ang hawak na sigarilyo.

"Pedro, iba ang buhay sa labas, may laya ka kung ano'ng gusto mo. Ikaw lang ata ang kilala kong ayaw lumabas, e. Lahat dito araw-araw lumuluhod sa altar para mabigyan ng parole, tapos ikaw dehins?" saad ni Badong na umupo sa sementong bench katabi ni Pedro. "Naghihintay na ang fiance ko, magpapakasal kami paglabas ko. Nami-miss ko narin si inay," anitong malungkot na yumuko. "Ikaw, Yat?"

"S'yempre miss ko na ang asawa at anak ko, lagi na lang akong wala tuwing pasko at sa mga birthday nila. Ikaw ba, Pedro? Ayaw mo bang makasama ulit ang pamilya mo?"

Magkatagpo ang mga kilay na umiwas ng tingin si Pedro. "Wala na 'kong pamilya at wala akong pakialam kung ano'ng klaseng insekto na ang ngumangatngat sa katawan nila."

Nagkatinginan si Badong at Payat pero hindi na nagsalita. Iniba na lamang nila ang topic para hindi na masira ang mood ni Pedro.

***

"Uy, Payat!" tawag ng guardiya habang pinapalo ng batuta ang metal na rehas, gumawa iyon ng nakakabulabog na ingay kaya napalingon ang tinatawag mula sa pagbabasa ng libro. Napabangon naman si Pedro at Badong mula sa kama na kasalukuyang nagsa-sound trip.

"Badong, may dalaw kayo," dugtong ng guardiya bago umalis.

"Huwebes na pala, and'yan na'ng mag-ina ko," excited na sabi ni Payat. Tumayo ito at nag-ayos ng sarili. Gano'n din ang ginawa ni Badong.

"Si Clara sigurado ang naghihintay!" si Badong na binuksan ang maliit na cabinet at kumuha ng bagong t-shirt. Pakanta-kanta pa habang nagpapahid ng kaunting gel sa buhok saka sinuklay patagilid. "Kay sarap ng may minamahal."

"Naks naman! Parang dinilaan lang ng kalabaw, a!" ngingisi-ngising biro ni Payat.

"Siyempre, para sa future 'to," sagot ng lalaki habang nakaharap sa salamin.

Napaismid na bumalik sa pagkakahiga si Pedro, sinalpak ulit ang headphone sa tainga at pumikit. Ipinailalim ang isang kamay sa ulo.

Lihim na nagpalitan ng mga tingin si Badong at Payat. Nang masigurong hindi nakadilat si Pedro ay pasimpleng ikinampay ng huli ang isang kamay para sumenyas.

'Nasaan na?'

Kumibit-balikat naman si Badong.

Makalipas ang ilang minuto ay bumalik ang guwardiya at muling pinukpok ang rehas.

"Pedro! Ikaw rin, may bisita."

Kunot ang noong bumangon si Pedro at timingin sa guwardiya.

Sa halos apat na taon niya sa kulungan ay ikalawang beses lang siya nakatanggap ng bisita, ang ex niya na girlfriend palang niya noon at ang abogado. Maging anino ng kanyang pamilya ay hindi man lang sumilip. Nangyari iyon noong unang buwan niya pa lang. Sa tagal niyang nanirahan sa loob ng preso, nasanay na siyang walang nakikitang kamag-anak. Ang tinuturing na lamang niyang pamilya ay ang dalawang cholokoy na kasama sa kuwarto.

"Sino?"

"Ella daw, penpal mo."

Ang nakakunot na noo ni Pedro ay mas lalong nalukot nang marinig ang sinabi ng guwardiya.

"Ano?!"

"Naka-jackpot ka sa isang 'yon, a!" Nag-iwan ito ng nakakalokong ngisi bago umalis.

"Ano'ng pinagsasasabi ng nog-nog na 'yon?" sabi ni Perdo na nilingon ang dalawang kaibigan.

Busy-busy-han si Badong sa pagkalkal ng bag habang nakatalikod naman na nagsusuklay ng buhok si Payat. Sa mga kilos nito, bumangon ang padududa sa isip ng lalaki. Tumitig siya ng masama bago nagsalita, "Anong kagaguhan ang ginawa n'yo?"

"Huh?" saad ni Payat na tumingin kay Badong saka kay Pedro. "Ano'ng kagaguhan ang ibig mong sabihin?"

"May kagaguhan ba?" sabi naman ni Badong na pinilit magmukhang inosente ang hitsura.

"Kayong dalawa," saad ni Pedro na pinatuwid ang daliri at tinuro ang dalawang lalaki. "Kung malaman ko lang na pinaglololoko ninyo ako, mag-goodbye na kayo sa parole ninyo."

"Hala, grabe naman s'ya!" usal ni Badong. "Para sa future mo rin naman ang iniisip namin, Pedro. No harm, just love."

"Ano'ng ginawa ninyo?!"

"Magbihis ka na muna, Perdo, sige na. Naghihintay na si Ella sa iyo," sabi naman ni Payat.

COMPLETED From Kulungan With LoveOnde as histórias ganham vida. Descobre agora