"At sa palagay ho ninyo ay interesado si Giac na maging presidente niyon?" Duda siya roon. Sa pagkakaalam niya, ni ayaw nitong kumain sa anumang chain ng Scrummy. Hindi iilang beses na isinaboses nito noong mga dalagita at binatilyo pa sila na umay na umay na ito sa lasa ng fried chicken at burger sa food chain.

Kunsabagay, bukod sa bata pa ito ay malamang na kumakain na ito roon, marami rin itong nilabasang TV commercials para sa Scrummy mula pagkabata hanggang magbinatilyo. At dahil ang ama nito ang namamahala roon, naging service crew din ito sa Scrummy noong sixteen ito. Nais ni Sir Gerard na magsimula ito sa pinakamababang posisyon bago nito mamana ang posisyon bilang presidente ng food chain.

Sa malas, kahit tinapos nito ang Business course nito sa London, hindi nito ginamit ang pinag-aralan sa Scrummy dahil pinili nitong magtayo ng kung anu-anong negosyo kasosyo ang ilan sa mga kaibigan nito.

Nagpatuloy si Lolo Nemo. "Sa ngayon, pilit niyang itinatanggi na interesado siyang pumalit sa posisyon ng kanyang ama. Pero alam ko na pabalat-bunga lamang niya iyon dahil sa propesyonal na alitan nila ni Gerard. Natitiyak kong gusto rin niyang pamahalaan ang Scrummy. Pero hindi niya gagawin iyon kung si Gerard ang magiging superior niya roon."

Napatango siya, nauunawaan ang punto nito. Generally, magkasundo sina Giac at Sir Gerard. Pero pagdating sa negosyo, malabong magtugma ang mga ideya ng mga ito. Tradisyunal ang estratehiya ni Sir Gerard pagdating sa pagpapatakbo sa negosyo. Samantalang si Giac ay makabago ang mga ideyang gustong paganahin.

Marahil nga ay tama si Lolo Nemo sa hinala nitong dahilan ni Giac kung bakit hindi niyon gustong makasama sa trabaho ang ama. Malamang na magkagiyera sa Scrummy kung magsasama ang mga ito roon.

"Pero nakausap ko kailan lang si Gerard. Balak na daw niyang magretiro upang sumama sa mga charitable assignment ng asawa niya sa Africa," ani Lolo Nemo. Malungkot na umiling-iling ito. Sumulyap pa ito sa life-size painting ni Lola Salome na nakasabit sa isang panig ng opisina nito, animo nagsusumbong sa asawa ang anyo. Tila ba hindi ito sang-ayon sa maagang pagreretiro ni Sir Gerard sa pamamahala sa negosyo ng pamilya. Aktibo pa rin kasi itong nakikibahagi sa pamamahala at pagdedesisyon sa negosyo kahit pormal na nitong ipinasa sa anak nitong si Uncle Donato ang pagiging CEO at presidente ng Aseron Corporation. "But I'm afraid that Giac still isn't yet ready to fill his father's shoes at Scrummy. Wala siyang ideya sa operasyon niyon. Oo, matalino nga siya sa negosyo. Para siyang si Midas na lahat ng mahawakan ay nagiging ginto base na rin sa iba't ibang negosyong sinimulan niya at pinalago. Mahusay at maparaan siya, walang duda doon."

Sinikap niyang huwag magpakita ng anumang negatibong reaksiyon sa sinabi nito. Bagaman alam nito ang hindi kagandahang relasyon nila ni Giac, alam din niya na pagdating sa mga apo nito ay bulag, pipi, at bingi ito sa personality defects ng mga iyon, lalo na pagdating kay Giacomo "Giac" Aseron na isa sa mga paborito nitong apo, ayon mismo rito.

"Unfortunately, Giac doesn't have the discipline, the authority, and the tenacity needed to run a company as huge as Scrummy."

Hindi pa man nito naisasatinig ang nais nitong hilingin sa kanya ay napapangiwi na siya. Mahabaging langit, bakit siya pa? Bakit sa lahat ng apo nito ay si Giac Aseron pa ang balak nitong ilapit sa kanya? Alam naman nito na para silang langis at posporo ng apo nitong iyon; magdikit lang ay nagliliyab na. Hindi kailanman siguro sila magkakasundo ni Giac.

"Ningas-kugon din ho siya, Lolo Nemo. Madali siyang magsawa sa mga negosyong hinahawakan niya kaya laging nagsasara ang mga iyon. Para siyang batang naglalaro na kapag nagsawa na ay basta na lang bibitawan ang laruan niya. Wala siyang sineryosong negosyo," panimula niya sa binabalak na pasimpleng pagtanggi dahil nahuhulaan na niya ang balak hilingin sa kanya ng matanda.

"Mismo!" tumatangu-tangong pagsang-ayon nito.

"Kung ganoon, Lolo, mauunawaan ninyo kung sasabihin ko sa inyong hindi ako sigurado kung tamang sa kanya ninyo ipagkatiwala ang Scrummy."

"Kaya nga kailangan ko ang tulong mo, Elizabeth. I want you to reach Giac how to be a serious businessman. Teach him your work ethics, develop his discipline, his drive, and most of all, make him determined to buy your family's land back from me someday. That's what he needs to see and learn from you," mariing wika nito.

Nang magtrabaho siya sa kompanya nito, isa sa mga kasunduan nila na kapag nakaipon na siya ng kahit kalahati lang ng halaga ng lupain nila ay ibebenta uli nito sa kanya iyon. Saka na lang niya huhulugan ang kakulangan kapag kumikita na uli ang lupain.

Orihinal na pag-aari ng pamilya ng kanyang ina ang lupaing iyon. Ibinenta iyon ng kanyang ama kay Lolo Nemo sampung taon na ang nakararaan upang mabayaran ng kanyang ama ang malaking pagkakautang nito sa bangko at sa ibang dating kasosyo nito.

"That's exactly what he lacks. That level of determination. Sawa na akong pangaralan ang batang iyon. Wala na rin namang magawa pa si Gerard para sa kanya. Ang hinala ko, kaya rin siya mabilis magsawa sa mga negosyong sinisimulan niya ay dahil hindi niya pinaghihirapan ang perang ini-invest niya sa mga iyon. Wala siyang lugi kung tutuusin. Wala siyang pinanghihinayangan dahil wala siyang hirap na ipinuhunan doon."

"Lolo—"

"Kaya gusto kong kunin mo siyang sekretarya at executive assistant mo. Or better yet, let's make him really start at the bottom. Say, driver at personal alalay mo? Teach him humility and patience. Pagkatapos ay ipasok mo siyang service crew sa isa sa branches ng Scrummy. Nasa sa iyo kung kailan mo siya ipo-promote bilang sekretarya o executive asisstant mo sa marketing department. Teach him how to work hard, hija. Teach him how to value hard-earned money," saad nito. Tumayo ito mula sa kinauupuang swivel chair at humakbang palapit sa kanya. Inabot nito ang mga kamay niya at marahang pinisil ang mga iyon. "Kung hindi niya gagawin ito, hindi ko ibibigay ang halagang inuutang niya sa akin para sa bagong negosyo raw na naisip niya. Kaya nasisiguro kong papayag siya sa ideya ko. Ang kailangan ko na lang ngayon ay ang pagsang-ayon mo. Alam kong sa lahat ay ikaw lang ang makakapagturo sa kanya kung paano maging disiplinado sa trabaho. Dahil tulad mo rin siya noon."

Natigilan siya, kapagkuwan ay marahang tumango. Alam niya ang ibig nitong sabihin. Dati ay mistulang prinsesa din siya na lahat ng maibigan ay kayang bilhin ng pera ng kanyang mga magulang, kabi-kabila ang mga utusan at parang namumulot lang siya ng pera kung gumasta. Ngunit nang malugi at maghirap sila noong labing-anim na taong gulang siya, para siyang biglang naging si Cinderella. They lost everything. At sa kamiserablehan, tila mas pinili na lamang ng kanyang inang magpagupo sa sakit nito sa atay kaysa harapin ang kinasadlakan ng kanilang buhay.

Pero hindi siya. Mula sa ibaba ay unti-unti siyang gumapang uli paitaas.

Yes, she thought she was truly the right woman for the job. And maybe, after all this time, she could finally make Giac Aseron pay for the debt he owed her ten years ago. A debt he had already forgotten, but she had never forgiven him for.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 15, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

ASERON WEDDINGS-I'LL BE THERE FOR YOUWhere stories live. Discover now