Subalit paano ito napapayag na si Cynthia ang maging bodyguard nito? Kaya kaya ni Cynthia na haraping mag-isa ang mga nagtatangka nang masama sa binata?

"Small but terrible ini, Ate," nakangising sabi ni Cynthia na tila nabasa ang iniisip niya. "Kung sinuman ang stalker na iyon ni Bossing Dylan, tiyak na masisindak sa 'the moves' ko. Sige na, puntahan mo na si Lolo Nemo. Adios patria adorada!" wika nito na ikinaway pa ang mga daliri bago siya nilagpasan.

Napailing na lang siya, saka tumuloy na sa silid na nagsisilbing opisina ni Lolo Nemo sa mansiyon.

Malakas pa ang matanda sa edad nito. Nakakapag-jogging pa nga raw ito ayon kay Sir Gerard. Subalit nitong mga huling linggo diumano ay tila tumatamlay ito. Madalas na nagkukulong lang ito sa opisina nito at nag-iisa, gayong karaniwan ay masigla at madaldal ito.

Kumatok siya pagtapat niya sa pinto.

"Pasok," wika nito.

"Magandang hapon ho, Lolo Nemo. Ipina-patawag daw po ninyo ako?" Magalang na nagmano siya rito.

"Kumusta ka na, Elizabeth? Kumusta na ang pamangkin mo?" tanong nito sa tonong puno ng interes at pag-aalala.

Nang marinig nga nito ang nangyari sa Kuya Elias niya, iminungkahi nitong mag-leave siya kahit ilang buwan niya gusto upang mapagtuunan niya ng pansin ang kinakaharap na trahedya. Bagay na tinanggihan niya. Kung mababakante ang oras niya ay lalo lang siyang mababaliw sa pag-aalala at pagdadalamhati sa sinapit ng kapatid niya. Hindi pa rin niya matanggap na wala na ito. Hangga't hindi niya nakikita ang walang-buhay na katawan nito, hindi siya maniniwalang patay na ito.

"Nakakabawi na ho ako ng tulog, Lolo. Maayos na rin ako kahit paano. Ang iniisip ko na lang ngayon ay si Sam. He's taking it much harder than I expected. Pero siguro natural lang iyon. Si Kuya Elias na lang kasi ang natitirang magulang niya. Nag-aalala lang po ako na baka hindi makasapat ang mga ginagawa ko para matulungan siya," sagot niya.

"Wala kang dapat ipag-alala. Sapat nang handa kang sumuporta sa kanya at akuin ang responsibilidad bilang magulang niya."

"Sana nga po, Lolo Nemo. Ayokong biguin si Kuya Elias sa pagtitiwala niya sa akin na ako ang ginawa niyang guardian ni Sam. Kayo po ang dapat kong kumustahin. 'Sabi ni Sir Gerard ay nanghihina at parang tumatamlay raw po kayo. May sakit po ba kayo?"

Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan nito. Pinagsalikop nito ang mga kamay at ipinatong iyon sa office desk nito na yari sa mahogany. Sampu ang naging anak nito sa yumao nitong kabiyak na si Lola Salome. Pero kung titingnan ito at ang tatlong nalalabing buhay sa mga anak nito, animo kaedad lang nito ang mga iyon.

"Matanda na ako, hija. Natural na talaga sa akin ang manghina. Malakas man ang aking utak, kusang sumusuko ang katawan ko. At iyon mismo ang dahilan kaya kita ipinatawag dito," wika nito.

Tumango siya at ipinakitang handa siyang gawin ang anumang hihilingin nito na gawin niya.

"Bago man lang ako mamaalam sa mundo ay gusto kong tiyaking hindi mawawala ang lahat ng pinaghirapan ko sa mundong ito. Gusto kong makasiguro na hindi pababayaan ng mga apo ko ang mga negosyong ipinundar at pinalago ko. Kaya gusto kong humingi ng pabor sa iyo, hija," pagpapatuloy nito.

"Kahit ano po, Lolo Nemo. Sabihin lang po ninyo kung ano iyon," maagap na sabi niya. Sa laki ng utang-na-loob niya rito, ngayon lang ito humingi ng pabor sa kanya.

"I want you to train and help Giac. Sa lahat ng apo ko, siya lang ang sa tingin ko ay siyang dapat magmana at magpatakbo ng Scrummy. Tutal, ang ama na niya ang kasalukuyang namamahala roon, iniisip kong sa kanya na rin ipangalan iyon para maaari niya iyong ipasa sa magiging mga anak niya nang hindi nangangambang aapela pa ang mga pinsan niya sa karapatan niya roon," pahayag nito. Parang gusto niyang magsisi bigla at bawiin ang pagsang-ayon niya kanina. "Alam kong may kanya-kanya ring interes ang iba ko pang mga apo. Wala ni isa sa kanila ang may balak na akuin ang responsibilidad bilang presidente ng Scrummy."

ASERON WEDDINGS-I'LL BE THERE FOR YOUTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon