Hindi agad ako nakasagot. Napaisip pa muna ako sa sinabi niya. "Baka naman hindi si Sab 'yung nakita mo."

"Siya 'yon! Nakausap ko nga, 'di ba? Ang weird lang kasi parang nataranta at umiwas siya sa 'kin kanina. Nag-aalala talaga ako. Kaya naisip na kitang tawagan."

Napangisi na lang ako sabay umiling-iling. "Jewel, lasing ka yata. Imposible 'yang sinasabi mo. Wala si Isabela kanina sa ospital. Ka-text ko siya buong umaga, sabi niya nasa bahay lang siya kasi inaasikaso niya 'yong kapatid niya na kauuwi lang kahapon. Tsaka okay lang siya. Niyaya niya pa nga akong makipagkita ngayon."

Siya naman 'tong hindi nakasagot sa 'kin.

Tiningnan ko agad 'yong screen ng telepono ko. "Jewel. Nandyan ka pa?"

"O-oo, nandito pa. So you mean hindi mo alam na nagpunta si Isabela sa ospital? Hindi niya sinabi sa 'yo?"

"Hindi nga siya nagpunta ro'n. Nasa bahay lang siya."

"Pero nakita at nakausap ko talaga siya kanina."

Natawa na 'ko. "Baka nananaginip ka lang."

"Alvarez naman! Seryoso ako."

Natigilan ako. Tiningnan ko ulit 'tong screen ng cellphone, tapos bumuntong-hininga ako. "Sige na, sige na. Tatanungin ko na lang si Sab mamaya tungkol diyan."

Napahinga rin siya nang malalim. "Okay. Pasensya na. Nag-alala lang talaga ako sa kaibigan ko. Balitaan mo na lang ako kung sakali."

"Sige. Text kita mamaya. Nagmamaneho pa 'ko ngayon."

"Okay. Ingat ka. Bye."

Nagpaalam na rin ako at binaba na 'tong tawag.

Tsk. Ano ba 'tong si Jewel. Bigla na rin tuloy akong napaisip.

Imposible talagang nakita niya si Sab kanina sa ospital. Ang alam ko nasa bahay lang 'yon. At kung umalis man 'yon, magsasabi 'yon sa 'kin. Hindi 'yon magsisinungaling.

Bumuntong-hininga ako at napailing-iling na lang ulit.

Kakausapin ko na nga lang talaga si Sab mamaya. Aalamin ko kung totoo bang nagkita sila ni Jewel at kung bakit hindi niya kinwento agad sa 'kin.

##

TUMULOY AKO SA pagmamaneho at ilang saglit pa, nakadating na rin ako dito sa park na pagkikitaan namin ni Sab.

Pagkababa ko ng sasakyan, tinawagan ko na agad siya kasi alam kong nauna siyang dumating.

Ang bilis niya ngang sumagot sa tawag ko. Halatang nag-aabang. "Hello, Ark?" sabi niya sa kabilang linya. "Where are you now?"

"Nandito na, kararating lang. Nasa'n ka banda?"

"Uhm, dito sa pinagpwestuhan natin dati. Malapit sa malaking puno."

"Ah, sige. Papunta na 'ko diyan. Kasama mo pa ba si Lukas?"

"Yeah, he's still with me. Pero aalis din siya kapag dumating ka na rito."

Everything I Want [BOOK 1]Where stories live. Discover now