"Tara na nga muna. Ihanda na natin itong mga pagkain para makakain na muna si Shin. Mamaya gutom na siya, eh." pagyayaya ni Jenny at pilit na hinihila si Paul na ikinangiti ko. Ang ganda talaga nilang tingnan sa tuwing magkasama. Natutuwa ako kay Jenny dahil alam niya kung paano sawayin ang pinsan kong matigas ang ulo. At masaya akong nakikita na sumusunod naman si Paul sa tuwing pinagsasabihan siya ng kasintahan.

Nagpunta sa kusina ang dalawa habang naiwan naman sa amin si Gio na nanahimik sa isang upuan habang kumakain ng lollipop at nakatutok sa tv.

Muli akong natitigan ni Jordan at nangitian saka ibinalik ang atensyon sa aming mga kamay na magkahawak at ngayon ay pinaglalaruan na niya ito.

"Talaga bang maayos na kayo ni Paul?" tanong ko.

Tumango siya. "Oo. Bati na kami. Ganon lang talaga kami sa isa't-isa. Isa pa, parang hindi mo naman kilala ang pinsan mo. Eh ganyan naman talaga ang ugali nyan." sagot niya.

"O sige. At ang mga sugat mo... Nililinis mo ba yan? Nadumihan tuloy ang mukha mo."

Ngumiti siya at nag-angat ng mukha. "Bakit, nag-aalala ka? Papayag naman ako kung ikaw ang maglilinis nito, eh." tudyo niya.

Pero nginusuan ko siya. "Hayst! May kamay ka naman, no!"

"Pero nung unang pagkikita natin, tinulungan mo ako sa mga sugat ko. Eh bakit ayaw mo ng gawin ngayon?"

Kung ganon naaalala niya ang unang pagkikita namin?

"Naalala mo yun?" at wala sa loob ko ang napangiti.

Ikinatango ni Jordan iyon at lumapat ang likod niya sa sandalan ng kanyang inuupuan.


"Hindi ko pwedeng makalimutan ang babaeng mahilig makialam." at sumunod doon ang  paghalakhak niya.

Inirapan ko siya pero tinawanan niya lang ulit ako.

"Pero salamat sa pakikialam mo, dahil nakilala kita." sabi niya.

Muli ko siyang natingnan at nakita ko ang kasiyahan sa mukha ni Jordan. Ang sayang huli kong nasilayan noong pumunta kami ng dalampasigan.

Umuwi ang magkapatid pagdating ng alas dos ng hapon. Nagyaya na rin kasi si Gio na bumalik na sa kanilang bahay dahil namimiss na daw nito ang mama nila kahit pa na, ayaw pa ng Kuya niya. Pinauwi na rin ni Paul sila Jordan dahil kailangan ko na daw magpahinga.

Natatawa na lang ako sa pagsusungit ng dalawa sa isa't-isa pero masaya akong makita sila na nag-uusap na ulit.

Sa isang banda ay gusto kong pigilan si Jordan na umuwi dahil nakukulangan ako sa oras na magkasama kaming dalawa ngunit ngayong nagkaayos na rin kaming dalawa at naging malinaw na ang lahat ay alam kong marami pa kaming mga pagkakataon na magkakasama.

Ikinatuwa ko rin ang sinabi niyang babalik siya bukas para muli akong dalawin. Ng umalis ang magkapatid ay inihatid na rin ni Paul si Jenny pauwi sa kanilang baryo. Tinulungan naman ako ni Auntie Lenny na tumungo ng kwarto upang magpahinga na muna saglit.

Naisip ko rin sila Rose Jean at Josie na namimiss ko na. Gusto ko na ulit silang makita, at higit sa lahat, gusto ko ng bumalik sa eskwela.

Ginising  ako ni Paul kinagabihan para kumain ng hapunan. Siya rin ang umalalay sa akin papuntang kwarto ng matapos na ako at muli ng magpapahinga.

"Paul, may sinabi ba sa inyo ang mga doktor kung kailan ako pwedeng bumalik sa eskwela?" tanong ko matapos niyang makumutan ang kalahati ng aking katawan.

THE ONE That I Wanted (BOOK 1)Where stories live. Discover now