Kapitulo XII - Nathaniel

1K 41 5
                                    


"Sigurado akong magkakasabwat silang tatlo..."

Si Lyzaner Lagdameo ay naghiganti para sa pinakamamahal niyang si Orville Warren Woo. Sina Marqaux Enriquez at Karlo Ibanez naman ay nagpanggap bilang sina Erika Bonsol at Joemar Salinas upang ipaghiganti ang kanilang mga nakakatandang kapatid na sina Monique at Katrina.

Pero paano kung hindi lang sila ang mga taong namumuhi sa'kin?

Naputol ang malalim na pag-iisip ni Dmitri nang mapansin niyang nagkakamalay na si Janina.

"Mahal, nasa'n na si Ysabelle? Gusto ko siyang makita..." anito sa pagitan ng paghikbi.

"Hindi pa rin siya natatagpuan, mahal pero nananalig akong hindi siya pababayaan ng Diyos," aniya habang marahang hinahaplos ang kamay nito.

"Bakit? Bakit ba nila tayo pinahihirapan ng ganito? Bakit idinamay nila ang inosenteng sanggol? Sana ako na lang ang kinuha nila, hindi si Ysabelle," giit ni Janina habang nakatitig sa kanyang mga mata. Alam niyang nakapakasakit ng nararamdaman nito pero wala siyang magawa upang mapawi iyon.

"Kasalanan ko ang lahat ng 'to, mahal. Ako ang nagsimula ng labanang ito kaya sana ako na lang ang ginantihan nila," panunumbat niya sa kanyang sarili na mas lalong nagpaiyak kay Janina kaya mahigpit siyang niyakap nito.

"'Wag mong sisihin ang sarili mo, mahal. Alam nating pinagsisihan mo ang mga ginawa mo. Pinagbayaran mo na rin 'yon sa kulungan kaya naniniwala akong wala silang karapatang maghiganti sa'yo," pagpapalubag-loob sa kanya ni Janina.

Naiintindihan niya ang punto ni Janina pero alam niyang hindi lahat ng kapamilya ng pitong napatay niya ang kayang magpatawad ng ganoon kadali. Kamumuhian siya ng mga iyon hanggang sa asamin na rin nilang mamatay na lang siya.

"Pero pitong buhay ang inutang ko, mahal. Kahit mamatay ako para sa kanila, sigurado akong hindi pa magiging sapat na kapalit ‘yon para sa kanila," sagot niya.

"Pero hindi na nila maibabalik pa ang buhay nilang pito kung papatayin ka nila," katwiran muli ni Janina.

“Naiintindihan kita, mahal pero wala na akong magagawa kundi harapin kung ano man ang gagawin nila sa’kin, sa’ting pamilya,” malungkot niyang paliwanag. “Pero hinding-hindi ko hahayaang masaktan nila kayo. Itataya ko ang buhay ko, maprotektahan ko lang kayong mga mahal ko,” giit pa niya.

“’Wag mong sabihin ‘yan, mahal. Natatakot ako. Hindi ko kakayanin kung mawawala sa buhay namin,” nanginginig na sabi ni Janina habang umiiyak. “Kailangan nating humingi ng tulong sa mga pulis, sa kahit sino para mahuli agad kung sino ang mga taong gustong manakit sa’ting pamilya.”

“’Wag kang mag-alala gagawin nila ang lahat para sa ating pamilya,” sagot niya. Kahit paano may mga tao pa rin siyang pinagkakatiwalaan sa kabila ng ilang beses na pagtatraydor sa kanya.

NAPATULALA na naman si Dora nang muli niyang makita ang kanyang repleksyon sa hawak niyang maliit na salamin. Siya ang nagboluntaryong magbantay kay Vladmir ngayong araw upang muli siya makapag-isa at makapag-isip. Sapagkat hindi na niya maintindihan kung bakit pakiramdaman niya ay ibang tao ang nakikita niya kapag nakikita niya ang kanyang repleksyon. Tila ba hindi niya kilala ng lubusan kung sino si Isadora Katigbak Narvaez.

Mula nang paluin ni Commander Salinas ang kanyang ulo ay mas lalo pang tumindi ang pananakit nito. Subalit sa kabila niyon ay maraming tagpo ang paulit-ulit na pumapasok sa kanyang isipan. May ilang mukha rin ang unti-unti nang nabubuo na dati ay blangko lamang. Kaya napagpasyahan niyang ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot na inireseta sa kanya ni Dr. Legaspi dahil sa palagay niya ay malaki ang naitutulong nito upang manumbalik ang kanyang mga alaala.

I Know Who Killed Me 2 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon