Kapitulo I - Hacienda Morris

2.3K 57 7
                                    

Makalipas ang isang linggo mula nang maipanganak sina Jan Vladmir at Jana Ysabelle ay nanirahan na silang mag-anak sa malaking hacienda ng mga Morris sa Isla Verde, Batangas. Napagdesisyunan ni Dmitri na manatili rito upang mailayo ang kanyang pamilya sa magulong sitwasyon sa Maynila. Isa pa, gusto niyang lumaki ang kanyang mga anak sa isang simpleng pamumuhay lamang.

Ang Hacienda Morris ay isa sa dalawang pinakamalaking hacienda sa buong probinsya ng Batangas. Ang malaking mansyon o ancestral house na makikita sa pinakagitna nito ay binubuo ng tatlong palapag, na tatlong dekada na ring nakatayo roon. Ang buong paligid naman nito ay hitik na hitik sa iba't-ibang uri ng puno, lalo na ang mga punong mangga, na siya na ring ikinabubuhay ng ilang taga-silbi sa mansyon.

Makakasama nila sa paninirahan sa hacienda ang katiwala ng pamilya, ang limampu't-isang gulang na si Manang Aya at ang tatlong babaeng katulong na matagal na ring naninilbihan dito. Gayundin ang tatlong in-house security guards na inalok ni Dmirtri ng malaking sweldo upang manirahan na rin doon.

KASALUKUYANG nakamasid si Janina sa kanyang mga anak na mahimbing na natutulog sa kanilang kuna nang dumating si Dmitri sa malawak na veranda ng kanilang mansyon.

"Mahal, kailangan kong pumunta sa Maynila bago magtanghali," bungad ng kanyang asawa nang makalapit ito sa kanila. Naupo pa si Dmitri sa kanyang tabi at hinawakan ang kanyang kaliwang kamay. "Nagkaroon ng problema kaya kailangan nila ako roon. Babalik din naman ako kaagad bukas ng umaga," paliwanag pa nito habang nakatingin sa kanyang mga mata.

"Okay. Basta babalik ka agad ha," sagot niya. Ihinilig pa niya ang kanyang ulo sa balikat ni Dmitri. "Alam mo na ang pasalubong na hihintayin ko..." dagdag pa niya bilang paglalambing dito.

"Of course, mahal. Ibibili kita ng paborito mong Hawaiian Overload pizza."

Kung siya ang masusunod ay ayaw sana niyang payagan ang kanyang asawa na umalis. Sapagkat, mag-iisang linggo pa lamang silang naninirahan dito sa ancestral house ng pamilya Morris kaya hindi pa siya kampanteng manatili rito ng sila lamang ng kanyang mga anak.

"Ibibilin ko na lang kay Manang Ayang na ibigay lahat ng mga kakailangan ninyo," habilin pa ni Dmitri dahil alam nito ang kanyang nararamdaman.

Wala naman siyang nararamdamang kakaiba sa mansyon ito. Sa katunayan ay namamangha pa nga siya sapagkat napanatili pa rin ang angkin nitong kagandahan sa kabila ng mga nagdaang panahon. Sadya lamang talagang hindi pa mapanatag ang kanyang kalooban na manirahan dito.

"Okay na, mahal. Mag-iingat ka sa pagbabyahe," sagot niya bago siya tumayo upang lapitan ang kanilang mga anak. "Basta tawagan mo 'ko kapag nasa Maynila ka na," paalala pa niya kay Dmitri.

"Promise, mahal." Isa-isa pang hinalikan ni Dmitri ang mga noo ng kanilang kambal bilang pamamaalam. "Mamimiss kayo ni Daddy. I love you, Vlad and Ysa," bulong pa niya sa mga ito.

Siya ang sumunod na hinalikan sa labi ni Dmitri kaya mahigpit naman niyang niyakap ang kanyang asawa. "Syempre, mamimiss ko rin si Mommy n'yo. I love you, Mommy," anito habang nakangiti sa kanya.

"I love you too, Daddy," bulong niya sa kanyang malambing na asawa.

Saglit pa silang naupo upang magkasama nilang pagmasdan ang kanilang mga anak bago tuluyang umalis si Dmitri upang ayusin ang mga kakailanganin nito sa pag-alis.

EKSAKTONG ala sais ng gabi nang dalhan ni Manang Ayang ng hapunan si Janina sa kwarto nilang mag-asawa. Dito na lang niya naisip kumain dahil hindi niya makakasalo si Dmitri. Isa pa, gusto rin niyang mabantayan ang kanilang mga anak.

"Thank you po, manang," aniya nang mailapit nito ang trolley sa tabi ng kanilang kama. "Kain na rin po kayo," paanyaya pa niya rito.

I Know Who Killed Me 2 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon