Takas sa utak na rehas

7 0 0
                                        

Takas sa utak na rehas

"Salamat po."
Mahina kong pasasalamat sa kapit-bahay na nagbantay sa aking munting tahanan.
Dalawang taon sa mga likod ng rehas. Hindi na ko sanay makisalamuha sa mga taong labas.
May pagkaawa ang pagtango ng matanda sabay sabing walang anuman. 
Madilim ang sumalubong sa aking mga mata ng buksan ko ang malangitngit ng pintuan.  Dali-dali akong ngpunta sa banyo. Musika sa aking pandinig ang lagaslas ng malamig na tubig.  Marumi ang sahig, may agiw ang kisame. Ngunit hindi ako nababahala o nandidiri. Palamuti ito ng aking tahanang dalawang taon kong iniwan dahil sa mapait na nakaraan. 
Isa.
Ahhh... kay sarap ng malamig na tubig na ibinuhos ko sa aking ulo. Pinawi nito ang sakit na dala ng init ng araw sa mahabang paglalakad.
Dalawa.
Sinabon ko ang mukhang naglalangis sa mantika ng pawis at libag.  Napakasarap sa pakiramdam...
Tatlo.
Nagsimula akong sabunin ang aking ulo na kay tagal ding hindi nakatikim ng mabangong shampoo...kaysar-
"Tulong!tulong!"
Napahinto ako sa pagiisip at  biglang nanginig.  Huli na upang habulin ko ang pang apat na buhos.  Nakalimutan ko ... Binalot ng takot ang aking dibdib.  
Nung bata ako bago pa man ako mabilanggo ay matagal ko nang sinusunod ang ganitong pamahiin sa paliligo. Malas ang numerong 3 para sa akin.  At kung hihinto ka sa ikatatlong pag buhos ay lalabas lahat ng kinatatakutan mo. Mamalasin ka.  Dati, naliligo akong sunod-sunod na apat na buhos diretso, ngunit sa tagal ko sa kulungan at pananabik sa paglaya ay nawala sa isip ko ang ganitong pamahiin ko. 
Apat. 
Di pa man lubusang nakapagbanlaw ay lumabas na ako ng banyo.  Mas masahol sa nakakulong ang nararamdaman ko. Binabalot ako ng sobrang pagkatakot. 
"Tulong..."
Muntik na akong  mapasigaw. 
Andun sya sa sulok. Nakatingin sa'kin. Umiiyak ng dugo, nagmamakaawa ang tinig nya ng mag-salita.
"Binalikan mo na ko Pa... tulungan mo kong makaalis dito, hindi ko na kaya... hindi ko na gagalawin ang baril mo...ang sakit Pa,ang sakit ng ulo ko...dalin mo ko sa ospital..." 
"Hindi! lumayo ka, patay ka na! Patay ka na!...sigaw ko sa batang babae na unti unting gumagapang palapit sakin. Bawat daanan nya ay namamantsahan ng dugo. Nagmadali akong umakyat sa kwarto at doon ay parang pelikula na napanood ko ang nangyari noong araw na yun.

Isa. Dalawa. Tatlo.
Hinamon ko ang sariling itigil na ang pamahiing ito. Baduy, corny at nakakabawas ng pagkalalaki...Huminto ako sa pangatlong buhos.
Wala naman palang masamang mangyayari. Hay Jose, kay tagal mong tinakot ang sarili mo.
Nakarinig ako ng putok sa itaas ng kwarto.
"Put- baril ko yun!"
Ang nakahandusay na asawa ko ang unang bumungad sa paningin ko. Dilat ang mata at duguan.  Wala nang buhay.
Sa kabilang bahagi ng kwarto ay naroon ang aking sampung taong gulang na anak, hawak ang pinakatatago kong baril. Nakakandado ang pinagtataguan kong lalagyan ng baril na yon. At hindi ko alam kung paano nya nakuha.
"Anak, bitiwan mo ang baril..." mahina kong sabi sa kanya.
"Papa ayaw, huhu ayaw nya matanggal sa mga kamay ko. tulungan mo ko pa, hindi ako ang bumaril kay Mama, tulungan mo ko..."nakita kong tinatanggal nyang pilit ang baril sa kanyang mga kamay. ngunit tama sya, parang may mistulang isip itong baril at ayaw humulagpos sa mumunting kamay ng aking anak.
Dahan dahan akong lumapit sa kanya, napasigaw ako ng biglang itinutok nya sa sa noo ang baril. Napasigaw din ang anak ko, kitang kita ang takot sa mata nya. Nanginginig ang dalawang kamay ngunit handang kalabitin ang gatilyo sa maling galaw.
"Papa tulungan mo ko... huhu papa!"
Ang anak ko! Diyos ko! Anong nangyayari?
"Kung sino ka man pakiusap ako na lang, wag ang anak ko maawa ka! " sigaw ko na umalingawngaw sa buong kwarto.
Kinilabutan ako ng nagsalita ang anak ko. Sa isang boses na hindi pamilyar at nakakapanindig balahibo...
"Isa, dalawa, tatlo. Ang hihinto talo, hindi ka nakinig, binalewala mo ang pamahiin, akin ang anak mo.. ,"pagkatapos niyon ay biningi ako ng putok ng baril kasabay ang pagtalsik sa akin ng sariwang dugo't utak.

Isang mariing sampal ang gumising sa akin. Ang mukha ng katiwala ang bumungad sa akin.
"Nakakaistorbo ka. Sigaw ka ng sigaw bwisit ka. Pinapatawag ka sa opisina. Baka lalaya ka na"...
Isang matamis na ngiti ang sumalubong sa akin pagpasok ng opisina.  
"Kamusta Jose?"
Hindi ako umiimik sa pagbating iyon.  Ngumiti muli ang babaeng nasa harapan ko at inilapit ang isang folder. 
"Good news, ayon sa mga pagsusuri sa iyo ay napatunayang magaling ka na, makakalaya ka na. Makakapamuhay ka na ng normal at makakabalik sa iyong dating buhay".
"Hindi... hindi ayoko, dito lang ako! Ayoko ng lumabas dito. Balik nyo ko sa kulungan ko, ayoko na sa labas!" naghihisterya kong sigaw.  Isang pangitain ang aking panaginip, pag labas ko ay siguradong susundan ako ng bangungot ng nakaraan. Ayoko nang mag-isa.  Mas gusto kong tumakas sa katotohanang wala na kong babalikan. Mas gugustuhin ko nang maging baliw at magpanggap na tinakasan ng bait.
"Pero magaling ka na... " isang malakas na sigaw ko ang pumutol sa sasabihin ng doktora. Pinunit ko ang mga papeles sa aking harapan.
"Hindi! hindi pa ko magaling! Wag mo kong ilalabas kung hindi papatayin kita!  Papatayin kita! Isa, dalawa, tatlo... isa, dalawa, tatlo..."naghihisterya kong sigaw.
Naramdaman ko na lang ang dalawang pares ng mga kamay na pumigil sa aking pagsigaw. Isang turok ng karayom ang nagpamanhid sa akin at unti-unti nagdilim ang aking paningin.
Bago ako mawalan ng ulirat ay narinig kong nagsalita  ang doktora sa boses na pamilyar at nakakapanindig balahibo...
"Isa, dalawa, tatlo... ang hihinto, talo..."

Wakas


Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 11, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Takas sa utak na rehasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon