CHAPTER FIFTEEN

3.2M 79K 41.7K
                                    


MAX'S POV

"WERE DONE," pumapalakpak na anunsyo ni Aenna matapos ang practice namin ng sayaw. "Bukas ulit."

"Max, 'eto nga pala 'yong uniform mo para sa Saturday," ani Jozh.

"Anyway, we will be wearing a black hat as well," sabi naman ni Johara. Handang-handa na yata sila sa Acquaintance party.

"Sige," tugon ko saka sila nginitian. Nagbihis lang ako at nagpaalam na paalis. Dumeretso ako sa canteen at bumili ng tubig at sandwich. Ginutom ako sa practice.

"Ang aga-aga, napaka-haggard," nagparinig ang isa sa mga nakaupo sa likuran ko.

"No wonder, squatter, eh," natatawang sabi ng isa pa.

Napabuntong-hininga na lang ako habang naghihintay na maibalik ng kahera ang card ko. Hindi ko na sila nilingon pa, alam ko namang ako ang sinasabihan nila. Hindi ako tinatamaan, masiyado lang akong totoo sa sarili ko.

Mayamaya pa ay inabot pabalik sa 'kin ng kahera ang card. Kukunin ko na sana 'yon nang may humablot niyon. Kunot-noo kong nilingon kung sino iyon at namangha sa ngingisi-ngising totoy.

"Agawin mo, Taguro!" tatawa-tawang aniya, nang-iinis. Nagtatalon siya habang iwinawagayway sa ere ang card ko.

Nagtawanan din ang mga nakakita. "Hoy, Taguro, agawin mo raw 'yong card mo!" buyo ng isa. Hindi ko akalaing gano'n na pala ako kakilala sa bansag na 'yon. Bansag na akala ko ay iisang tao lang ang tatawag sa 'kin.

"Students, 'wag kayo rito manggulo," galit na saway sa 'min ng cashier.

"Naglalaro lang, ate," anang totoy rito.

Napabuntong-hininga ako at inilapag ang mga binili ko. Hinarap ko ang bata at inilahad sa kaniya ang kamay ko.

"Ang sabi ko ay agawin mo," tumatawang pang-aasar pa rin nito.

"Wala akong oras makipaglaro sa 'yo," pormal kong tugon.

Nakangisi siyang ngumiwi. "Marami akong oras makipaglaro, eh. Sige na, kapag naagaw mo sa 'kin ito ay huhulugan ko ito ng limanlibong piso." Gano'n kayaman ang totoy sa harap ko.

Sa halip na sumagot ay tiningnan ko lang ang kabuuan niya. Hindi pa rin mawala ang nakakalokong ngisi niya. At naiintindihan kong hindi siya titigil nang basta-basta.

"Ano? Agawin mo na, Taguro!" muling hamon niya. Pinagkunutan ko lang siya ng noo. "Hanggang tingin ka na lang ba? Hindi mo ba ako susugurin katulad no'ng ginawa mo kay Deib Lohr?" sarkastikong aniya. "Agawin mo na, ipapaagaw ko naman, eh," tatawa-tawang aniya.

Hindi ko makuha kung alin ang nakakatawa o nakakatuwa sa ginagawa ng batang ito para makitawa ang lahat ng naro'n sa kaniya. Naiinis ako pero wala akong magawa. Pagod ako at walang oras makipaglaro, bukod do'n ay masiyado siyang bata para patulan ang pambubuyo.

Pinanood ko ang totoy na 'yon na magtatalon sa harap ko. Dahilan para masulyapan ko ang pagpasok nina Sensui at mga kaibigan niya sa canteen. Agad naming naagaw ang atensyon ng tatlo, ang batang itong sa harap ko ay nakaharang sa daraanan ng mga ito.

"'Yon, oh! Deib Lohr!" nagpapansin ang bata rito. "Inagaw ko 'yong card ni Taguro!" nagtatakbo siya papalapit dito. "'Eto, oh!"

HE'S INTO HER Season 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon