"Nakatira ako sa tita ko. Parehong nasa America ang parents ko." Nasapawan ang boses nito nang malakas na pagkakantahan nina Miguel. Daig pa ng mga ito ang mga paslit na may kasama pang padyak ng mga paa at  kalampag sa dingding ng bus habang kinakanta ang sikat na awitin ng Eraserheard.

"'Ang galing-galing mong sumayaw,  mapa-bogie man o cha-cha, ngunit ang paborito ay ang pagsayaw ng El Bimbo..."

Base sa pagkalukot ng mukha ng kausap niya  ay walang dudang naiirita rin ito. Yumukod ito at nagsalita sa tapat ng tainga niya. "Malapit na akong bumaba. Alam mo na ba'ng name ko, Ciarra?"

Kinilabutan siya sa mainit na paspas ng hanging nagmumula sa bibig nito. "Ah, eh, ano nga ba?"

"'Ryan',  Ciarra.' Ryan Roquero'. Tandaan mo, ha?"

Wala sa loob na tumango siya.

"Friends na tayo, ha?" Inilahad nito ang kamay sa kanya.

Inabot naman niya  iyon at nagkamay sila. Ramdam niya kung gaano kainit ang palad nito --malambot na mainit. Daig pa yata nito ang palad niya sa lambot.  Binawi na niya ang kanyang kamay na mukhang wala pang balak na bitiwan nito.

"Salamat, Ciarra. Isang malaking karangalan na maging kaibigan ang kagaya mong maganda na, matalino pa."

Napalunok siya kasabay ang pag-iinit ng mga pisngi niya. Palibhasa, noon lang siya nakarinig ng pupuri galing sa lalaki. Aminado siyang nakakakilig pala. "Narinig mo kaninang tinawag ang pangalan ko kaya mo alam, ano? Mga kaklase ko 'yong nasa likuran natin."

"Walang hindi nakakakilala sa 'yo, Ciarra. Actually, noon pa kita gustong lapitan at kausapin kaso isnabera ka."

"Hindi, ah."

Ngumiti ito. "Well, mali nga ako ng akala dahil nag-uusap na tayo ngayon. Ano kaya kung sabayan kita hanggang sa inyo para makapagkuwentuhan pa tayo?"

"Naku, 'wag na," mabilis na tanggi niya. Ano na lang ang magiging reaksiyon ng kanyang ina  kapag nakita nitong may kasama siya? "H-hindi kasi puwede."

Kumunot ang noo nito. "Don't tell me, istrikta at namamalo ang nanay mo."

Naging alanganin ang ngiti niya. "Pasensiya ka na, ha, pero mapapagalitan talaga ako ng nanay ko. Medyo may kaunti kasing problema sa amin."

Halatang nadismaya ito ngunit ilang sandali  lang ay ngumiti na ito. "Ganoon ba? O, sige next time lang 'pag puwede na."

"S-siguro," mahinang sabi niya.

"Kunsabagay, puwede naman tayong mag-usap sa school, hindi ba? Siguro naman, hindi mo ako i-snob-in kapag nilapitan kita at kinausap."

"Hindi nga sabi ako snob."

Mayamaya ay pumasok na ang sasakyan sa isang malawak na subdibisyon, mas naglalakihan at naggagandahan ang mga bahay roon. Saglit pa ay huminto sila sa isang mataas na gate ngunit tanaw pa rin ang magandang bahay.

"Dito na ako, Ciarra. I'll see you tomorrow."

Tumango lamang siya. Kumaway pa ito sa kanya, hindi agad  ito pumasok sa gate.

Malayo na sila nang maalala niya ang folder nito. Nawala sa loob niyang iabot iyon kay Ryan.

"Hindi bale, makikita ko naman siya bukas."

Makaraan ang ilang sandali, pumasok naman ang service nila sa Melody Heights. Ang natitirang laman ng bus ay isa-isang nagsipagbabaan. Pati si Mercedes ay bumaba na rin matapos na kumaway kay Miguel.

Naiwan sila ni Miguel dahil ang mga bahay nila ay parehong nasa dulong bahagi ng subdibisyon. Naramdaman niyang lumipat ito ng upuan, sa mismong likuran na niya. Kapwa sila tahimik. Ganoon naman palagi. Paminsan-minsan ay napipilitan silang mag-usap kapag hinihingi ng pagkakataon kagaya na lang kapag may proyekto sa school at natataong kagrupo niya ito.

I LOVE YOU, DON'T CRY (Published under Dream Love #11 book imprint)Where stories live. Discover now