Prologue

6.6K 160 4
                                    

Prologue

Madilim at tahimik. Tanging ang tunog ng bukas na bentilador na umiikot at ang paghinga ng batang babae ang mauulinagan sa kapaligiran.

Pumipitik ang bentilador; mali ng puwesto at mukhang sira na dahil sa kalumaan. Tahimik ang paligid bukod sa ingay na iyon pero tila ba nakakabingi ang katahimikan.

"Labas!"

Nagtindigan ang manipis na kumot ng balahibo sa mga braso at binti ng bata. Humihingal ngunit nanginginig; tahimik at mabagal, takot na marinig ng lalaking naglilibot sa maliit at gawa sa kahoy na bahay. Alam niyang hinahanap siya nito. Marahas sa tainga ang langitngit ng kahoy na sahig sa mabibigat na yabag nito kaya mas lalo siyang natatakot. Tiyak na may dala itong mahabang patpat ng kahoy mula sa kawayan. Nanginginig siya, naiisip pa lamang ang latay na puwedeng maibigay noon sa kaniya.

Ngunit mas ikinatatakot niya ang sunod na puwedeng mangyari. Lalong namuo ang luha sa mga mata niya.

Ayoko na. Ayoko na.

Pakiusap.

Masikip ang tukador kung saan siya naroroon. Amoy kulob at maalikabok; mainit at masikip, ngunit titiisin niya dahil ayaw niyang mahanap siya ng lalaki.

Ayaw niya.

Isang munting panalangin ang pinakawalan ng bata. Tumulo ang butil ng mga luha kasabay ng pawis na dulot ng init. Nanginginig ang mga kamay at mga labi. Namamanhid ang utak sa takot.

Unti-unti siyang bumuga ng hangin. Nanginginig ang mga labi niya at tumatagaktak ang pawis sa noo maging sa ilong at itaas ng labi.

Unti-unti siyang humawak sa maliit na kutsilyong nakita niya sa kusina kanina at itinabi sa kaniyang gilid.

Huminga nang malalim at gumalaw ang butil ng mga alikabok sa hangin nang bumulong siya sa kawalan.

Patawarin niyo ako.

Ashes On Her Yellow Dress (Dela Vega Series #1)Where stories live. Discover now