IX

46 13 0
                                    


Agad na nagsalubong ang dalawang kilay ni Damien nang makita ang dalawang hindi kilalang babae na pusturang-pustura sa sala ng kanilang mansyon, nakatalikod ang mga ito sa kanya at maarteng pinadadaanan ng bawat daliri ng mga ito ang lahat ng muwebles.

Imbes na lapitan ay nilampasan niya na lamang ang mga ito. Naisip niyang baka bisita lang ito ng mahadera niyang lola.

Pagkapasok pa lamang sa kuwarto ay agad na siyang nahiga sa sariling kama.

Hindi alam ni Damien ang nararamdaman. Hindi mawala sa isipan niya ang eksenang kaninang umaga. Nang makita niya ang bata na 'yon, parang nakahanap na siya ng katapat, at malaking kasiraan 'yon para sa ego niya. Mataas siya sa lahat, walang dapat pumantay, lahat ay dapat na nasa ibaba lang.

At iba talaga ang pakiramdam niya sa bata na 'yon.

Isang katok ang pumutol sa malalim na pag-iisip ni Damien, agad niya iyong pinagbuksan sa pag-aakalang, ang kanyang ina ang nasa likod ng pinto ngunit nakatungong katulong ang naroon.

"Hinahanap po ng Donya ang inyong presensiya sa hardin," atsaka ito nakatungong umalis rin sa harapan niya.

'Ano na namang kaartehan ng matanda na 'yon?' naiiritang saad ni Damien sa sarili.

Imbes na sumunod ay nahiga na lamang siyang muli sa kama at pumikit. Lumipas ang ilang minuto ay may katok na naman mula sa pinto.

"Tell her I won't!" sigaw niya sa nasa pinto.

"Importante raw ito, Don Damien," narinig niya ang boses ng kanyang Yaya Martha.

"I'm busy," lamang ang nasagot niya. Nawala sa boses niya ang pagkairita.

Noon pa man ay magaan na ang loob niya sa kanyang Yaya Martha, kahit pa ba lagi niya itong sinusuplado at binu-bwesit ay alam niyang malaki ang respeto niya rito. Siguro ay dahil sa ito ang nag-alaga sa kanya noong bata pa siya maliban sa kanyang ina. O baka dahil sa kabila ng walang imik niya ay naiintindihan siya nito.

---------

Tulog na tulog na si Damien nang makarinig na naman siya ng katok. Hindi niya ito pinansin noong una ngunit ayaw tumigil. Naiiritang bumangon siya sa kama at handa ng sigawan ang kung sino mang nasa pinto, nang makitang ang kanyang ina ito.

Mukhang pagod na pagod, inaantok na ang mga mata at pinipilit pa rin ngumiti sa harap niya.

"Hindi ka raw lumabas para kumain?" mahinhin na tanong nito sa kanya.

"Busy ako, Ma." Sagot niya sa ina. "Magpahinga ka na, mukhang pagod na pagod ka," dagdag niya pa.

"May sasabihin ako sa'yo diba?" nakangiting sagot nito sa kanya. Naalala niya bigla ang sinabi nito kaninang umaga, may sasabihin nga pala ito.

"Late na, Ma. Pwede naman sigurong bukas na 'yan diba? Magpahinga ka na." Pinilit niyang ngumiti sa harap ng ina at hinawakan ito sa balikat, bahagyang tinutulak na palayo.

Mas makulit pa ata sa batang nanlilimos ang nanay niya at alam niyang kung hindi niya pa ito itutulak ay magpupumilit pa itong kausapin siya kahit pa inaantok na ang mga mata nito.

---------------

Nang makapagbihis na para pumasok sa eskwela ay umupo si Damien sa kanyang kama, hinihintay ang katok ng ina. Nang mainip ay tiningnan niya ang oras sa kanyang cellphone, malapit na mag alas-siyete.

'Tulog pa ba si Mama?' tanong ni Damien sa sarili. Naisip niyang baka nga tulog pa ito, kaya nagkusa na siyang lumabas ng silid at pumunta sa hapag.

Malayo pa lang ay tanaw niya na ang dalawa na namang babae mula kagabi, ang isa ay nasa upuan ng kanyang ina, katabi ng upuan ng kanyang ama habang ang isa pang babae ay nakatalikod sa kanya at nakaupo katabi ng upuan niya.

The New Era of BloodsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon