Hanggang sa...

BLAG!

... nakita niya na lang ang kanyang sariling dugo habang nakahandusay siya sa gilid ng kalsada pati ang papaalyong kotseng sumagasa sa kanya.

"Jane!!!" ang sigaw na iyon ni Dennis ang huli niyang narinig bago siya tuluyang nawalan ng malay...

Nanlaki ang mga mata niya at napahingal matapos dumagsa ang mga alaala sa kanya.

"Ngayon, alam mo na kung bakit ka narito?" nanatiling kalmado ang boses ng lalaking nasa harapan.

Matigas na napailing siya. "P-pero... H-hindi pwede... A-ang kotseng iyon... Balak niya talaga akong patayin..."

"At ngayon nga ay patay ka na. Kaya tayo na. Oras na para sa paghuhukom sa iyo." Iginiya siya nito sa pila ng mga kaluluwang naroroon.

Nalilitong napasunod na lang siya kay Constantino.

Hindi siya dapat narito. Naiisip niya si Dennis. Kailangan niya pang marinig ang paliwanag nito. Mahal niya ito at gusto niya pang magkaayos sila. Ang daddy niya. Hindi man lang siya nakapagpaalam dito. Ang kumpanya nila... Hindi siya dapat mamatay. Besides, palaisipan sa kanya ang taong nagmamaneho ng kotse. Sino iyon? Bakit ginusto nitong patayin siya? Para ba makuha ang kompanyang ipinamana sa kanya ng kanyang nagretirong ama? Pero sino ang dapat niyang paghinalaan? Lahat ng nakapaligid sa kanya ay pawang matatapat sa kanya.

Habang lumilipad ang utak ay hindi na niya namalayan na narating na niya ang pinakadulo ng pila. Nasa harapan na niya ngayon ang lalaking nakaupo sa harap ng makapal at malapad na libro.

"Pangalan?"

"H-ha?" saka lang siya natauhan.

Iniangat nito ang maamo nitong mukha. "Pangalan?" ulit nito sa sinabi.

"Ah, eh... J-Jane. Syana Jane Lee."

"Syana Jane Lee..." Muli itong tumingin sa nakabukas na libro. Inilipat nito ang pahina. Pabalik-balik. Hanggang sa mapakunot na ang noo nito. Maya-maya'y nag-angat itong muli ng paningin. "Walang Syana Jane Lee sa listahan."

Nagkaroon siya ng pag-asa sa dibdib.

Bumaling ang lalaki kay Constantino na noon ay nakatayo sa tabi niya. "Constantino?"

"Imposible. Nakita kong tumigil na ang pagtibok ng kanyang puso matapos niyang masagasaan."

"Pero hindi pa ito ang oras niya. Nakasaad sa aklat ng buhay na mamamatay siya sa edad na singkwenta dahil sa sakit sa atay. Hindi sa pagkakadisgrasya sa daan."

Maging siya ay napatingin kay Constantino. Kinakabahan siya sa tindi ng antisipasyon na nadarama. Baka may pag-asa pa'ng makabalik siya sa lupa.

Matagal ito bago makapagsalita.

"M-mahirap kalaban ang isinasaad ng aklat ng buhay kaya't inaamin ko ang aking pagkakamali." Yumukod ito. "Ipagpaumanhin mo, Ginoong Gabriel. At sa'yo din, Jane."

"Kung hindi pa dapat ako patay, nasaan na ang katawan ko? Kung walang kaluluwa ang katawan ko, ibig sabihin ay..."

"Maidedeklara ka na ring patay, Jane," mahinahon ngunit may simpatyang sabi ni Ginoong Gabriel.

Nakadama siya ng panlulumo. Kung ganoon ay baka nasa ataul na siya. Or worst, baka nailibing na siya.

"H-hindi. Hindi pwede." Tumingin siya sa lalaking nakaputi. "Kailangan ko nang bumalik. Kailangan kong isalba ang buhay ko." Hindi pa naman siguro siya nagtatagal ng husto sa pagkakawalay sa katawan?

Tumango ito. Bumaling muli kay Constantino. "Ikaw ang nagdala sa kanya rito. Marapat lang na ikaw ang magbalik sa kanya."

"Opo." Yumukod ito at tumingin sa kanya. "Tayo na. Ihahatid na kita sa lupa."

MY DILEMMA By Syana JaneWhere stories live. Discover now