Chapter 2 - CEO

309 12 0
                                    

Isa sa mga bangungot niya - ang werewolf!

Mararamdaman pa ni Kyla ang mainit, naglalaway at nakasusukang hininga ng halimaw. Matitigan pa niya ang nagniningas na dilaw na mga mata nito. Sa kabutihang palad, nagising na siya sa malakas na pagyugyog sa mga balikat niya.

"Hey, wake up!"

... or not? Listong napamulat siya sa pamilyar na hugis almendrang mga matang asar na nakatunghay sa kanya. Pero nag-alangan siya sa gayak nito. Naka-asul na uniporme kasi ito ng isang security guard. "Bon-Bon?"

"Bon-Bon?" Kahit nakasimangot pa rin, nagulat ito sa itinawag niya. At sandali pa'y nakilala na siya nito. "Oh... It's you."

Ang lalaki naman ang naging awkward na nakita niya ito na nakapang-sekyung uniporme. Humalukipkip ito; gustong itago ang pananamit.

Ang gumising sa kanya ay ang unico hijo ng Tito Franco niya - si Bon John de Luna, pinsang buo niya na nakasama niya ng ilang buwan sa mansyon ng lolo at lola nila. Fresh graduate ito ng management, last batch bago nagkaroon ng K to 12. Twenty-three years old ito. Late ng two years dahil layas. Hobby ang pag-a-abroad.

"Hindi kita nakilala. Si Faye Anne ka nga pala -"

"Kyla." Medyo na-hurt. May pinagsamahan sila. At kilalang niya ang pinsan, maging ang nickname nito pero siya? Si 'Faye Anne' raw siya? Ang layo, huh?

Katulad niya, tanned ang kulay ni Bon. Trademark na skin color ng pamilya nila bukod sa slim na pangangatawan at kulut-kulot na buhok. Pero habang sadsad ang crewcut ng pinsan, ang buhok niya'y laging naka-bun para huwag makawala ang mga kulot niya.

"Whatever," matabang nitong sabi. "Anyway, sleeping on the job ka. Isusumbong kita!"

Mapagtimpi si Kyla pero siguro'y dahil na rin sa kapaguran, umakyat sa bunbunan ang dugo niya. "Para ka namang bata. Hindi ba pwedeng i-report na lang? Kung 'makasumbong' ito eh, wagas!" Tinaasan niya ng kilay ang suot ng kaharap. "Eh ba't ikaw? Nakapang-sekyu? What's with the get up? Pupunta ka ba sa costume party? O, suma-sideline? Galit na galit sa pera, huh?"

Napamaang ito. Na-intimidate sa kanya. "It's none of your business kung ano ang isuot ko. At hindi ako bata."

Siya naman ang napanganga sa sumunod na sinabi ng pinsan. "I am one of the owners. I own Luna Pharma. Dapat owner ka rin naman kung hindi pinang-inom ng nanay mo ang shares n'yo kaya kayo naghirap. You should be thankful na binigyan ka namin ng work."

Gusto niyang mag-walk out. Pero sabi nga ng boyfriend na humikayat sa kanya na matrabaho sa mga kamag-anak, kailangan niya ng pera para sa mga gastusin nila. Fast ticket din niya ang trabaho para makapag-college.

Konting tiyaga, Kyla, sabi niya sa sarili. "Sorry, Bon-Bon -"

"Bon-Bon ka d'yan," putol nito. "Do not address me with my childish nickname. It's Sir Bon or Sir Bonnie."

"Ah okay, I prefer the latter, Bonnie. Parang 'Buni' as in fungal infection lang!"

"Kadiri ka!" Ito naman ang pinamulahan. "Basta isusumbong kita. By tomorrow, patatalsikin ka na ni Papa. Don't bother showing up."

Pinanlamigan siya sa pagbabanta ng pinsan pero naasar na rin siya. "Eh, di isumbong mo!" Inismiran niya ito. "Kadiri ka rin! Magsusumbong ka sa Papa mo? Hindi ba pwedeng sa HR ka na lang mag-report? Para hindi ka naman magmukhang kindergarten, noh?"

Ikinuyom ni Bon ang kamao pero matapos siyang tingnan nang matalim, umalis na rin ito. Naiwang nakangisi si Kyla. Pero sandali lang iyon. Lagot na talaga siya!

Noon siya nakarinig ng nakakakilabot na alulong mula sa kung saan. Alulong ng taong-lobo sa kanyang panaginip!

Nakapa ni Kyla ang dibdib. Pumasok sa isipan niya kung nananaginip na naman siya. Lakas-loob niyang iginala ang mga mata sa bawat hanay ng mga estante. Inasahan niyang may susulpot roong mabangis at mabalahihong halimaw. Wala siyang nakita. Pero napanglaw na siya. Gusto na lang niyang umuwi.

Matapos kolektahin ang shoulder bag, kumilos na siya paalis. Narinig uli niya ang atungal. Mas malapit na. Nanggaling sa direksyon ng parking lot sa kanan ng building. Tutungo siya dapat sa main lobby; may pwersang humila sa kanya patungo sa nag-iingay na hayop. Naging maingat ang bawat hakbang ni Kyla. Curious kahit halos hindi makahinga sa mabilis na pagkabog ng dibdib niya.

"Ay, kalabaw!" naibulalas niya. Sa pagsulpot niya, sa pasilyong palabas sa parking lot ay may tao siyang natanaw sa kalagitnaan ng hallway. Duguan ito!

Napaurong siya, maduduwal at hindi napigilan ang panginginig ng katawan. Gusto na niyang tumakbo pabalik. Pero nang nanatiling tahimik at walang nagpakitang halimaw sa paligid, sinikap niyang ihakbang ang mga paa para sa nakabulagta.

Nakapa niya ang bibig sabay napaluha nang mapagsino ito. Ang Tito Franco niya!

Kilala lang niya ang tiyuhin sa pangalan at reputasyon nito. Pero kahit sino sigurong mararatnan niya sa ganoong kalunus-lunos na sitwasyon ay iiyakan niya.

Animo'y nilapa ng hayop ang CEO sa gutay-gutay na laman nito sa bandang balikat hanggang sa dibdib. Duguan ito mula ulo, pababa sa puting long sleeves hanggang sa grey slacks at mamahaling white loafers nito. Halos hindi rin makilala ang mukha ng ginoo na tila hiniwa ng malalalim na kalmot.

"Tulong!" Sa wakas ay natauhan na si Kyla sa hipnotismong dulot ng natagpuan. Nagsisigaw na siya. "Tulungan n'yo po kami!'

Tatlo ang naiiwang security guard sa Luna Pharma sa gabi. May mga CCTV din silang kalat sa buong building. Napatingala siya sa camerang nakatapat sa kanila at nadismaya. Basag ito. Nakalaylay mula sa sulok na kinalalagyan nito.

Tumakbo na si Kyla para sa reception area. Doo'y sinalubong siya ng nakabantay sa main door.

"Manong!" Hingal na hingal siya. Malayo ang pinanggalingan niya. Dulo't dulo. Mula sa likod patungong harapan ng gusali.

"Si Mr. Franco de Luna po.... May nangyari pong masama sa kanya."

Dilaw na Buwan (Published by Lifebooks)Where stories live. Discover now