Chapter 9

7.8K 163 7
                                    

NAGKUKULONG si Althea sa isang silid sa bahay ng kanyang Tita Ella sa Lucena. Walang tigil ang pag-agos ng mga luha niya habang yakap-yakap ang stuffed toy na ibinigay sa kanya ni Hubert noon.

Napatigil siya sa pag-iyak nang marinig ang mahinang katok sa pinto. Bumangon siya. Si Clarisse ang nabungaran niya.

“Ano’ng ginagawa mo rito? Paano mo nalaman kung nasaan ako?” tanong niya rito.

“Sinundo ako ni Lawrence. Kailangan mo raw ng mga masasandalan ngayon. Hindi raw niya kayang mag-isang damayan ka kaya isinama niya ako rito,” tugon nito.

Walang sabi-sabing niyakap niya ito. Lalo siyang napaiyak. Hinagod naman nito ang kanyang likod. “Ang sakit, Clarisse. Ang sakit-sakit.”

Pumasok sila sa loob ng silid. Isinara nito ang pinto.

Tila nauupos na kandilang napaupo siya sa sahig. “Bakit ba kailangang mangyari pa iyon? Bakit nagkita pa uli kami? Sana, hindi ko na lang siya nakita. Dapat kasi noon ko pa siya kinalimutan. Dapat nakinig ako sa inyo.”

Hinayaan lang siya nito na maglabas ng nararamdaman.

“Ang tanga-tanga ko kasi. Dapat noon pa lang na wala na akong balita sa kanya, kinalimutan ko na siya. Dapat hindi na ako naghintay. O sana, hindi na ako nagmatigas at tinawagan ko na siya. Sana naayos pa namin ito. Sana magkasama pa rin kami ngayon,” paninisi niya sa sarili.

“Tama na ang paninisi mo sa sarili mo. Wala ka na ring magagawa, sabi mo nga dati,” wika nito.

Sige lang siya sa pag-iyak at pagsasalita. Patuloy namang nakinig ito sa kanya.

“Tumigil ka na nga. Hindi ka ba nahihiya? Para kang batang umaatungal diyan, ah. Nananakit na ang mga tainga ko sa iyo,” tila hindi na nakatiis na sabi nito sa kanya.

Napasinghot siya. “Kapag nangyari ito sa iyo, tingnan ko lang kung hindi ka rin umiyak nang ganito. Hindi mo pa kasi ito nararanasan, kaya akala mo ay umaarte lang ako.”

“Ako? Huh! Never na mangyayari iyan sa akin! Hindi naman ako kasinggaga mo, 'no! Ang ganda-ganda ko, 'tapos mamamaga lang ang mga mata ko dahil sa isang lalaki. Ang suwerte naman niya!”

Hindi siya kumibo. Kung sa ibang pagkakataon, baka natawa na siya sa pagbibiro nito.

“Tumayo ka na nga riyan. Mukha kang pulubing namamalimos sa ayos mo. Nagsisimula nang mamaga ang mga mata mo. Sige ka, hindi na kita friend kapag pumangit ka.”

Napangiti naman siya sa biro nitong iyon.

“'Asus at nag-smile na rin sa wakas! Tumayo ka na nga riyan. Bumaba  tayo sa kusina at maghanap tayo ng pagkain. Kanina pa nagrerebelde itong tiyan ko sa gutom. Ni hindi man lang kasi ako pinakain ng kapatid mo habang nasa biyahe kami.”

Sumunod naman siya rito. Magkasama silang lumabas ng kuwarto. Naabutan nila sina Lawrence at ang pinsan nilang si Maricar na nanonood ng TV sa sala. Napatingin ang mga ito sa kanila ni Clarisse.

“Salamat naman at napatigil mo iyan sa pag-iyak. Kanina pa nag-aalala si Mama diyan, eh,” sabi ni Maricar.

“Okay na ito. Kapag umiyak pa uli ito,  talagang pupukpukin ko na ng martilyo sa ulo para matigil ang kagagahan nitong ate ninyo!” sagot naman ni Clarisse.

“Kumain na kayo. Inihanda ko na ang pagkain ninyo. Alam ko kasi na pagkatapos umiyak ni Ate, pagkain ang hahanapin niyan,” kantiyaw ni Lawrence sa kanya.

****

NAGISING si Althea sa malakas na pagyugyog sa kanya ni Clarisse.

“Bakit ba?” reklamo niya nang magmulat ng mga mata.

❤A Promise of Love (COMPLETED - Published under PHR)Where stories live. Discover now