Naiwan o nang iwan

0 0 0
                                    

Pangungulila. Hinanakit. Minsang pagkagalit.
Karaniwang nararamdaman at nararanasan ng mga naiwan

Pangungulila sa mga panahong kasama pa ang taong sobrang halaga sa buhay niya
Hinanakit sa paglisang hindi matanggap ang dahilan
Minsang pagkagalit dahil sa lungkot na nararamdaman

Na kahit paulit ulit
Kahit paulit ulit na intindihin
Kahit paulit ulit na unawain
Sadyang kayhirap bang tanggapin na malayo na
Malayo na ang taong kailangan niya
Malayo na ang mga pusong kailangan ng isa't isa

Tila ba isang matalas na patalim
Ang banggitin ang salitang paalam
Tila matapang na alak na gumuguhit sa lalamunan
Ang bawat letrang naglalahad ng minsang paghihiwalay
Tila siling kay anghang at apoy na nagliliyab ang bawat pantig na nagsisilbing pansamantalang katapusan

Ngunit ito ang kailangan
Ang bitawan ang laruang paborito mo
Para sa kinabukasan na para sayo

Kasabay ng pagtalikod mo sa pagkabata
Ay kailangan mo ring matutong bumitaw sa mga kinasanayan mong asahan

At kung sa tingin mong nahihirapan ka
Kung sa tingin mong ikaw ang nagdurusa
Subukan mong ilipad ang iyong sarili ng ilang milya
Ilagay mo ang sarili mo sa sitwasyong puno ng pag asa
Pag asa na sumasalamin sa magandang kinabukasan

Tara, gumala ka
Di ba't kay ganda
Mula sa eroplano sa himpapawid
Natatanaw mo ang ganda ng mundo
Ang magandang pagsikat ng araw
Ang mga bundok na kay liit mula sa iyong kinauupuan
Ang mga ulap na tila ba mga malalambot na unan

At sa gitna ng iyong paglalakbay
tila ba lalong bumigat ang hinanakit na dinadala mo
Sa twing nakikita mo na tila kay saya ng nararanasan ng taong nang iwan sayo
Masaya siya sa bago niyang mundo
Masaya siya sa pag iwan sayo

Tama na, pawiin ang mga luha
Muli mong ihanda ang iyong sarili
Bababa na ang eroplanong iyong sinasakyan
Makikita mo na ang tunay na mundong kanilang ginagalawan

Muli kang namangha sa ganda ng lugar na iyong nakita
Marahil ito na ang pangarap mong marating nung bata ka pa

Kasabay ng saya na nararamdaman mo ay ang lalong pagkagulo sa isip mo
Hayaan mo malapit ka na
Ihanda ang mga mata sa iyong makikita

Oo, siya nga
Ang taong minsan kang iniwan
Ang taong nawala nung mga panahong kailangan mo siya

Tunghayan mo ang buhay na meron siya
Masaya ba?

Sa loob ng maliit na silid
Naroon siya
Mag isa
Tulad mo rin siya na nangungulila
Tulad mo rin siya na lumuluha

At sa tabi ng kanyang kama
Naroon ang malaking kahon
Malaking kahon na naglalaman ng mga gamit na hinahangad mo
Mga gamit na kailangan mo
Mga gamit na gusto mo
At bago niya yun makuha
Balde baldeng luha at pawis na dala ng hirap at pagod ang kapalit nito
Na kung minsan pa ay nakakaranas ng pananakit ng mga taong nakatataas sa kanya

Nakita mo ba ang lahat ng sakit na yan?
Nakita mo ba ang pagsasakripisyo na yan?

Hindi, di ba?
Dahil wala kang ibang naramdaman kundi ang "ikaw ang naiwan"
Dahil hindi mo pa nararamdaman at hindi mo naiintindihan ang "walang ibang pagpipilian kundi ang mang iwan"

आप प्रकाशित भागों के अंत तक पहुँच चुके हैं।

⏰ पिछला अद्यतन: Apr 21, 2019 ⏰

नए भागों की सूचना पाने के लिए इस कहानी को अपनी लाइब्रेरी में जोड़ें!

Spoken Poetryजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें