MISYON

663K 23.9K 30.6K
                                    


NAPALITAN NG paghanga ang matinding kaba ni Maxpein nang malampasan ang masukal na daan papalabas ng Emperyo. Sa tagal niyang naninirahan doon ay noon lamang niya narating ang dulo. Kaliwa't kanan ang matataas na puno na may mga dilaw na dahon. Ang lupa ay nanilaw na rin dahil sa nagkalat nitong mga tuyong dahon.

Sobrang ganda. Hindi niya maitago ang paghanga. Kung kanina ay deretso lamang sa daan ang kaniyang paningin, hindi na siya magkandaugaga ngayon kung alin ang unang lilingunin.

May namataan siyang usa at muling nanlaki ang mga mata sa paghanga. Naisip niyang ganoon marahil kapayapa ang lugar na iyon upang panirahan ng madadalang na hayop sa kanilang lugar. Hindi niya malilimutang kinailangan pa nilang dayuhin ang pinakadelikadong lugar sa gubat ng parang para makapanghuli ng usa noong nasa ensayo siya. Ngayon ay malaya niya itong nakikita.

Lumingon ang usa sa gawi nila, tila pinakikiramdaman ang presensya nila. Natuwa siya nang ipagpatuloy nito ang pagkain ng damo. Senyales iyon na hindi ito nabahala sa pagdaan nila.

Samu't saring ibon din ang natatanaw niyang humuhuni at lumilipad sa himpapawid. Gusto niyang isipin na masaya ang mga ito dahil noon lamang ito nakakita ng tao. Nakakatuwang isipin na malaya siyang nakikita ang mga iyon ngayon. Pakiramdam niya ay wala siyang intindihin bagaman paparoon siya sa kaniyang misyon.

Nalunod siya sa pagmamasid at paghanga sa kanilang lugar. Kaya naman hindi niya napansin kung gaano katagal na silang naglalakbay. Ganoon pa rin kaganda ang lugar, napaliligiran ng dilaw na punong-kahoy at mga tuyong dahon. Pero ang liwanag at hangin ay hindi na gaya ng sa umaga, nasisiguro niyang hapon na.

Nilingon niya ang mga kawal sa kaniyang likuran at napansin ang panghihina sa mga ito. Hindi lang ang mga ito kundi maging ang mga kabayo. Talaga ngang masyado siyang nalibang, na maski gutom ay hindi niya naramdaman.

Muli niyang itinuon ang paningin sa daan at naghanap ng maaaring masilungan. Hanggang sa matanawan niya ang palibot ng punoy-kahoy na hindi nasisikatan ng araw. Itinaas niya kamay na siyang naging hudyat ng kanilang paghinto.

Tinalon niya ang kaniyang kabayo saka hinarap ang kaniyang kawal. "Magpahinga na muna tayo,"kaswal niyang sinabi. "Paniguradong gutom na kayo."

Agad na tumanggi si Laieema. "Ayos lang kami, pinakamataas na rango. Hindi tayo maaaring abutan ng dilim dito."

Ngumiti si Maxpein. Kilala niya ang tiyan ni Laieema, gaya niya ay mabilis itong magutom. Nahihiya lamang siguro ito.

"Sige na,"ngiti niya. "Kung maglalakbay tayo nang gutom ay mas matatagalan lang din tayo."Lumapit siya sa karwahe kung saan naroon ang mga ipinabaong pagkain ng cheotjae.

"Salamat, pinakamataas na rango,"anang isa pa sa kaniyang kawal.

Nilingon niya ito. "Sa ngayon ay Maxpein na muna ang itawag ninyo sa akin."Pare-parehong nagulat ang mga kasama niya, maging si Laieema. "Nakalimutan ko na yata ang pakiramdam na tawagin sa sariling pangalan,"dagdag niya. "Huwag kayong mag-alala dahil tayo-tayo lang naman ang narito."

Nagsipagtanguhan ang iilang myembro ng kaniyang kawal bilang paggalang. Nasisiguro niyang sa umpisa lang siya tatawagin ng mga ito sa pangalan, matapos niyon ay babalik sa kaniyang pagkahirang.

Natigilan si Maxpein nang masulyapan ang baong minindal ng kaniyang mga kasama. Siyam sa kaniyang mga kasama ay pare-parehong sinabawang mais na may dahon ng gulay ang kinakain. Ang kaibahan lamang niyong isa ay may pinakuluang patatas ito.

Batid niya ang kahirapan ng karamihan ng taga-Emperyo ngunit noon lamang yata siya nakakita ng ganoong minindal. Nasanay siyang halos wala nang mapuwestuhan ang baso ng tubig sa kanilang mesa dahil sa dami ng nakahain. Nasanay siyang hindi ang mga pangunahing putahe lamang ang nakikita, dahil bukod doon ay napakarami pang inihahanda sa kanilang mesa.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon