MOON JAE SUK

778K 30.2K 56.9K
                                    

CHAPTER 19

MOON JAE SUK (Chairman Moon)

NATIGIL AKO sa pagsusulat nang may kumatok at kasunod niyon ay pumasok ang taga-silbi upang maghatid ng tsa. Babale-walain ko na sana iyon ngunit ang sumunod na pumasok ay ang aking asawa. Madalang siyang bumisita sa aking opisina kaya naman awtomatiko kong inihinto ang aking ginagawa.

"Pasensya na kung naabala kita sa iyong ginagawa, chairman," nakangiting aniya. Umiling ako at ibinaba ang telegramang aking binabasa. "Gusto kitang makausap tungkol kay Maxpein."

Hindi ako nagsalita. Sa halip ay sinundan ko siya ng tingin. Dumeretso siya sa bintana at tumanaw roon habang ang parehong kamay ay nasa kaniyang likuran.

Napabuntong-hininga ako. Ilang buwan na pala ang nakalipas mula nang bumalik si Maxpein galing sa ensayo ng mga lalaki. Ginusto naming magpatuloy siya sa pag-eensayo habang narito sa Emperyo. Ngunit sa t'wing makikita namin ang ngiti sa kaniyang mukha kapag naglalaro at tuwang-tuwa, umuurong ang aming dila. Kayhirap ipagdamot ng saya sa batang iyon sapagkat sabik na sabik siya roon.

Natatakot akong makalimutan niya ang lahat ng kaniyang natutunan. Kinakabahan akong baka magkamali siya at masugatan. Kung maaari lamang na hindi siya umiyak o masaktan, pero masyado iyong imposible sapagkat isa ang sugat sa mga dahilan upang matuto. Napakarami kong gustong gawin para siya ang maging pinakamataas na rango. Ngunit ang puso ko ang nagsasabi sa aking pagsisisihan ko sa huli kung hindi ko hahayaan ang aking apo na namnamin ang masasayang sandali ng kaniyang buhay. Gusto kong pahalagahan ang bawat yugto ng buhay niya na masaya siya bago pa iyon maging isang alaala.

Ngayong narito ang cheotjae, nasisiguro kong ang muling pagpasok ni Maxpein sa ensayo ang kaniyang iniisip. Ilang linggo na lang ay muli na siyang babalik sa ensayo at isandaang araw na namang mawawala sa amin.

Bumuntong-hininga siya. "Sa tingin mo ba ay tama ang desisyon nating isalang siya sa proseso?"

Natigilan ako at napatitig sa kaniya. Pakiramdam ko ay napipi akong bigla. Kahit gayong handa na akong makinig sa sasabihin niya, hindi ko inaasahan ang kaniyang sinabi.

"Ano ang nangyari't mukhang ipinagdadalawang-isip mo na ang kakayahan ng ating apo, cheotjae?"

Umiling siya, ang paningin ay naroon pa rin sa labas ng bintana. "Hindi ang kakayahan niya ang ipinagdadalawang-isip ko, chairman."

"Kung ganoon ay ano?"

"Nahihiya ako sa ating apo," emosyonal niyang sinabi. Emosyong batid kong ayaw niyang iparamdam o ipakita ngunit nabigo siya. "Siya ang nagbabayad ng kasalanang tayo ang lumabag. Kasalanang hindi niya ginusto. Kasalanang hindi niya hiniling. Kasalanang naging dahilan upang mabuo siya."

Naiintindihan ko ang punto niya. Naisip ko na rin ang tungkol doon. Ngunit para sa akin ay wala nang puwang ang sisihan o pagdadalawang-isip sa sitwasyong ito. Nahahasa na si Maxpein at patuloy pang hinahasa. Panibagong pagkakamali para sa akin ang patigilin siya sa sandaling ito sapagkat sasayangin lang ng paghinto ang pinaghirapan niya na. Ang tanging magagawa namin ay ang mahalin, suportahan at alagaan siya.

"Naisip ko lang ang punto ni Maximor." Muli siyang bumuntong-hininga, mas malalim na. Mukhang ganoon kalalim ang kung ano mang bumabagabag sa kaniya. "Masyado pa siyang bata."

Hindi ko na naman nagawang magsalita. Nagbaba ako ng tingin at naalala ang lungkot at sakit na nabasa ko sa mga mata ng aking apo. Nasasaktan ako para sa kaniya pero pakiramdam ko ay wala akong karapatang makaramdam niyon. Dahil sinuman sa amin ay walang ginawa upang hindi niya na iyon danasin.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon