PANIMULA

1.8M 41.5K 29.1K
                                    

Hx

Nakangiting pinanood ng pamilyang Moon ang pagdiriwang ng mga tao sa pag-iisang dibdib ng bagong hari at reyna na siyang mamumuno sa Monarkiya at sa buong bansa ng Norte. Sulit ang matagal na paghahanda dahil naitanyag ang karapat-dapat na mamuno. Hindi nalilingid sa kaalaman ng apat na distrito ang hirap na pinagdaanan ng Monarkiya sa pamimili ng bagong hari at reyna. Tatlong magkakapatid na prinsipe ang pinagpilian at dalawa naman ang prinsesa.

Sabay-sabay na naghapunan ang mga lider ng bawat distrito. Sa harapan ay naroon ang bagong kasal na hari at reyna ng Monarchy. Sa kaliwa ay naroon ang mga babaeng hukom ng Empery. Sa kanan ay naroon ang pinunong merkado ng Dynasty. Sa dulo naman nakapuwesto ang mga lalaking hukom na siyang tagapaglitis ng Kaechon.

Ang Monarkiya ang namumuno sa buong bansa. Sila ang nagsisilbing gobyerno at ulo ng norte. Sa kanila nakasalalay ang salita at aksyon ng mga taong nakatira rito. Sila ang nagpapatupad ng mga batas ngunit Kaechon ang nag-aaral at nagsasagawa ng mga iyon.

Kaechon ang lumilitis sa hustiya ng bansa. Sila rin ang humahatol at nagpaparusa sa lahat ng nagkakasala. Apat na lalaking hukom ang namumuno sa Kaechon. Hindi lahat sa bansang Norte ay nakikilala ang apat na hukom. Dahil lumalabas lamang sa centro ang mga ito sa piling okasyon. Mahigpit na ipinagbabawal ang paglapit, lalo na ang paghawak sa apat na hukom ng Kaechon. At tanging hari at reyna lamang ang maaaring makipagkita sa mga ito nang walang pasabi.

Dynastiya naman ang namamahala at nagpapatakbo sa merkado. Sila ang nag-aangkat at nagpapadala ng mga produkto papasok at papalabas ng bansa. Ang distrito nito ang nagpapalago sa yaman ng buong Norte.

Nasa Emperyo naman ang mga babae at lalaking rango. Ang mga rango ang nagsisilbing mandirigma ng bansang Norte. Sa kasarian ay mas mataas ang mga lalaki sa Norte kaysa babae. Ngunit sa mga mandirigmang ito ay mas mataas ang mga babaeng rango sapagkat may kakayahan ang mga ito na magluwal ng panibagong rango. Habang ang mga lalaking rango naman ay kailangang proteksyunan dahil sa maliit nitong bilang.

Hindi biro ang obligasyon at responsibilidad ng mga rango. Sapagkat komplikado ang mga batas na nakapatong sa ulo ng mga ito. Mahigpit na ipinagbabawal sa mga rango ang kumitil ng buhay ng mga walang laban. Sapagkat may sariling batas ang Norte ukol sa kakayahan. Oras na malabag iyon ng kahit na sino, buhay rin ang kabayaran sa nagawang kasalanan.

Matapos ang maghapong pagdiriwang at salo-salo ay pagod na bumiyahe papauwi ang pamilyang Moon. Ang unang sasakyan ay lulan ang pangulo at siyang Chairman ng pamilyang Moon. Sa sumunod na sasakyan naman ay naroon si Maximor del Valle-Moon at ang asawang si President Maze del Valle-Moon. Sa huling sasakyan ay naroon ang kanilang anak na si Maxwell Laurent del Valle-Moon.

Kapapasok pa lang ni Maximor sa opisina nang mag-ring ang telepono. Isa-isa niyang hinubad ang suot saka sinagot ang tawag. "Yoboseyo?"

"Ako ito," anang pamilyar na tinig. "Si Heurt..." garalgal ang tinig nito.

Natigilan si Maximor. Ilang buwan niya nang hindi nakikita at nakakausap si Heurt Park. Kahit gusto niyang alamin ang lagay nito ay pinipigilan niya ang sarili. Ayaw niyang magkasikatan pa sila, at ang mga taong nagmamahal sa kanila. Lalo na ang kaniyang asawa at anak, nang dahil sa mali at ipinagbabawal na relasyon. Pinag-usapan at napagkasunduan nila ang tungkol doon, ang tuluyang kalimutan at iwanan ang isa't isa. Hindi niya inaasahang magpaparamdam ulit ito.

"Heurt," pabulong na aniya. Nilingon niya ang pinto upang siguraduhing nakasara iyon. Hindi maaaring malaman ng kaniyang pamilyang kausap niya ang babae ngayon. "Bakit tumawag ka?" abot-abot ang kaba niya. "Paano kung si Chairman ang nakasagot ng tawag mo? Mapapahamak tayong pareho."

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon