Subalit walang ibang tao sa paligid maliban sa kanya. Napabuntong- hininga siya at dismayadong itinuloy ang paglalakad. Panaka-nakang sumusulpot sa alaala niya ang nakitang pagtatalik. Agad siyang napapailing upang ipagpag sa isipan ang nakikitang larawan. Nakakahiya, para siyang namboboso. Pero ganun ba talaga sa lugar na ito? Kahit bagong magkasintahan pa lamang ay nagtatalik na?

Sa kinalakihan niyang bayan ay ginagawa lamang ito ng mga mag-asawa. Ang sabi ng kanyang lola'y ginagawa ito para magkaanak. Kunsabagay nasa edad na rin ang direktor para maging ama. Siguro'y gusto na rin nitong magkaroon ng anak.

"Gabi na'y pagala-gala pa rin ang babaeng ito."

Huh? Boses ni Hector.

Huminto siya't tumingin sa paligid. Wala namang ibang naroroon. Tiningnan niya ang kinatatapatang dalawang palapag na bahay na gawa sa pulang magagaspang na bricks ang panlabas na dingding. May bakod na gawa sa itim na bakal na ginagapangan ng halamang lilac. Mayabong ang halaman at halos kaunti na lamang ang nakikita sa bakod na bakal. Ang bakuran ay simpleng natatamnan lamang ng bagong tabas na carabao grass maliban sa mga puting rosas na nakatanim sa gilid ng pathway na nagmumula sa gate patungong entrada ng bahay.

Walang ilaw ang buong bahay maliban sa isang harapang bintanang nasa ikalawang palapag. Kita niya ang anino ng isang lalaking nakatayo sa bintana. Sa pangangatawan nito'y batid niyang si Hector ito. Nakahalukipkip ito habang nakatanaw sa kalsada.

"Pumasok ka."

Kinakausap siya nito sa isipan. Hindi niya alam kung dahil ba ito ang kakayahan niya o may kakayahan ding ganito ang binata.

Sumunod siya. Binuksan niya ang gate na gawa rin sa bakal. Maingat siyang naglakad patungo sa bahay. Tumingala siya at tumingin muli sa bintana ngunit wala na doon ang lalaki. Ilang hakbang niya pa lamang ay nagbukas ang pinto ng bahay. Bumungad sa kanya si Hector. Binuksan nito ang ilaw sa isang mababang post lamp malapit sa pintuan.

Napalunok siya nang makita sa maliwanag na wala palang suot na pantaas ang binata. Nahihiyang ipinaling niya ang ulo sa ibang direksiyon.

"Anong ginagawa mo sa kalsada ng disoras ng gabi?" kunot noong tanong nito.

"N-Nagpapalipas ng oras. D-Di kasi ako dalawin ng antok," katwiran niya habang naasiwa at di makatingin ng diretso sa kausap.

"Delikado sa labas. Hindi rin ako dalawin ng antok. Samahan mo na lang ako dito sa bahay, gusto kong may makausap."

"Mag-isa ka lang ba sa bahay na ito?" tanong niya.

"Oo."

Bigla siyang nag-alinlangan.

"Wala akong masamang balak sayo. Nakakabasa ka ng isip di ba? Kapag nag-isip ako ng masama, pwedeng-pwede ka agad tumakas."

Nakatitig sa kanya si Hector at bakas nito sa mukha niya ang pag-dadalawang-isip. Ngumiti siya at hindi pinahalatang narinig niya ang sinabi nito sa isipan. Kahit anong mangyari hindi niya aaminin sa lalaki na hindi siya normal.

Shadow LadyKde žijí příběhy. Začni objevovat