Chapter 16

10.8K 498 51
                                    

               ****


"AMERIE!"


Agad na bumagsak sa mga balikat ang buhok ni Amerie at nanumbalik sa normal ang kulay ng kanyang mga mata. Kasabay nito'y nagsipagbagsakan din sa lupa ang mga Reformus na noo'y muntikan nang malagutan ng mga hininga.


Nilingon niya ang tumawag sa kanya. Basang-basa ito sanhi ng pagsuong sa malakas na ulan.


"S-Sir Brad-"


Bago niya pa man mabigkas ang buong pangalan ng direktor ay bigla itong di nakagalaw at nagmistulang istatwa.


Muling huminto ang oras.


Nilingon niya ang mga kalabang noo'y isa-isa ng bumabangon. Muli niyang ikinumpas ang mga kamay upang kontrolin ang mga ito. Subalit nakaramdam siya ng panghihina. Hindi na naman gumagana ang kanyang kapangyarihan.

Unti-unti ring humina ang ulan.


Nagmadaling umayos ng tayo si Hector. Iginalaw niya ang mga kamay. Pinagtipon-tipon niya ang mga patak ng ulan bago pa man ito tuluyang tumila. Bumuo siya ng malalaking tali at inutusan itong pumulupot sa katawan ng mga bumabangong kalaban. Subalit biglang may malaipo-ipong hanging bumalot sa kinaroroonan ng mga Reformus.


Napapikit sila ni Amerie at nang magmulat sila ng mga mata'y wala na ang mga nakaitim na kalaban. Sumabog at nagsipagpatakan din ang mga tubig.


"Hanapin mo sila. Landasin mo sila sa iyong isipan," humahangos na utos ni Hector.


Pumikit ang dalaga at nang magmulat ito'y dismayado itong tumingin sa lalaki. "Hindi ko magawa. A-Ayaw gumana ng kapangyarihan ko."


Napakunot ng noo si Hector at naguguluhang tumingin sa babae.


"H-Hindi ko rin alam ang dahilan," kusang paliwanag ng dalaga.


Napalingon si Hector sa di gumagalaw na direktor. Noon niya lamang napagtantong nakahinto pa rin ang oras. Pinitik niya ang mga daliri at saka lamang bumalik sa normal ang buong paligid.


Hindi na nila nagawang tapusin ni Amerie ang pag-uusap sapagkat lumapit kaagad ang direktor sa babae.


"Amerie! Anong nangyayari?" humahangos na wika nito.


"M-May nakaaway lang si Hector na nambastos sa amin," asiwang pagsisinungaling ng babae.


Nagdududang tumingin si Bradley sa duguang mukha ni Hector. Hindi siya maaring magkamali na may nakita siyang mga lima o anim pang mga nakaitim na nakalutang at nakasandal sa pader. Paanong nangyari na sa isang kurap niya ay naglaho na ang mga ito?


Unti-unting namuo ang hinala niya sa magaling na stuntman. Matagal na siyang nakakakutob na may itinatago rin itong malaking sekreto. Ang madalas na kawalan ng ekspresyon ng mukha samantalang punung-puno naman ng pagkamisteryoso ang mga mata. Ramdam niyang tila alam na rin nito ang totoong pagkatao ni Amerie?

Shadow LadyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon