"Hindi man ako ang tinanghal na pinakamataas na rango ay masaya ako sa nakuhang reaksyon mula sa aking pamilya. Masaya silang napagtagumpayan ko ang proseso at isa na akong ganap na rango,"tinig ni Laieema.

"Sinumang pamilya ay masaya sa naging resulta ng proseso,"sagot naman ni Bitgaram.

Napatitig sa kung saan si Maxpein, hindi na alintana ang nakasisilaw na liwanag. Bukod sa cheotjaeay wala nang myembro ng kanilang pamilya ang nakitaan niya ng reaksyon. Nakatalikod siya sa iba pang myembro ng kanilang pamilya nang maganap ang pag-aanunsyo. Kung naging masaya ba ang mga ito para sa kaniya ay wala siyang maalala. Ngunit kung lulunurin niya ang sarili sa kaiisip kung bakit namumugto ang mata ng mga ito ay baka mahulog siya sa magandang ideya.

"Kinausap ako ng setjae ukol sa pagkakaroon ng misyon. Ang reyna raw ang magbibigay niyon,"dagdag pa ni Laieema. "Sana ay isa ako sa mga mapipiling rango na magkakaroon ng misyon sa labas ng bansang ito."

Bakit kaya ganoon ang mundo? Si Maxpein ang tinanghal na pinakamataas na rango ng Emperyo ngunit si Laieema ang tunay na masaya. Wala pa mang ipinagagawa sa kaniya ay tila napapagod na siya. Samantalang ang mga nakasama niya sa proseso ay sabik pang kumuha ng misyon. Inirerespeto siya ng mga tao ngunit dahil sa mga pinagdaanan niya ay nawalan siya ng modo.

Gusto niyang lumabas sa bansang iyon pero hindi dahil sa misyon. Pwedeng iyon ang maging dahilan pero hindi niya hinihiling na gawin ang alinmang may kinalaman doon. Interesado lang siya sa kung ano ang meron sa labas ng kanilang bansa. Gusto niyang malaman ganoon din ba kalupit ang batas na umiiral doon. Nais niyang makita nang personal ang mga bansang nabasa at nakita niya lang sa mga pahayagan at libro.

"Posible iyon,"ani Bitgaram. "Ngunit hindi na dapat nating pag-usapan dito ang bagay na iyan, Laieema. Baka may nakikinig sa atin."

Napangisi si Maxpein. Hindi niya na ipagtataka kung naramdaman man ni Bitgaram ang presensya niya. Ito ang humasa sa ganoong abilidad niya, ang magkaroon nang malupit na pakiramdam. Hindi na siya magugulat kung alam nitong naroon siya. Hindi imposibleng siya ang tinutukoy nitong nakikinig.

Muli siyang pumikit nang marinig ang papalayong hakbang ng dalawa. Ngunit hindi pa nagtatagal ay muli siyang nakarinig ng maliliit na ingay. Iyong ingay na para bang nag-iingat. Malayo sa kaswal na paglalakad nina Laieema at Bitgaram kanina.

Napangisi siyang muli, iniisip na si Bitgaram iyon at nais siyang hulihin. Bahagya siyang napailing. Kung pinaplano siya nitong gulatin ay bigo na ito sa sandaling iyon palang.

Naisip niya kung bakit hindi natuto ang sino man sa dalawa na maglakad sa ibabaw ng mga tuyong dahon nang tahimik. Ilang buwan niyang sinanay iyon hanggang sa makuha. Kaya kung siya man ang maglalakad at kung ang mga ito man ang naroon sa sangang kinaroroonan niya ay imposibleng malaman ng mga itong dumaraan siya. Wala rin naman siyang kakausapin sapagkat nakaugalian niya nang mag-isa.

Kalmdo siyang naghintay. Nakapikit at nakadantay sa parehong braso na para bang totoong kama ang kaniyang hinihigaan. Ang kaliwa niyang tainga ay pinakikinggan ang dagat, huni ng ibon at palaspas ng mga dahon. Habang ang isa pa ay tutok sa langitngit ng punong-kahoy at tuyong dahon.

Ngunit ang maliliit na ingay ay nagkasunod-sunod at iba't iba ang pinagmumulan. Mayroon sa kaniyang kaliwa, mayroon sa kanan. Mayroon sa bandang harapan, mayroon din sa likuran. Doon siya maingat na lumingon sa ibaba at hinanap ang nagmamay-ari ng mabigat na paa.

Nangunot ang kaniyang noo nang matanawang hindi lang iisang tao ang gumagawa ng maliliit na ingay. Iginala niya ang paningin at binilang ang mga ito.

Nasisiguro niyang wala sa mga iyon si Bitgaram. Pawang matatangkad kompara sa kaniyang kaibigan ang mga iyon. May kalakihan ang katawan ng mga ito at kayrurungis ng buhaghag na buhok. Hindi talaga niya mapagkakamalan isa sa mga iyon ang kaniyang kaibigan. Lalo pa't hindi magsusuot ng ganoon kamura at ganoon karuming itim na hanboksi Bitgaram.

MOONOnde as histórias ganham vida. Descobre agora