Chapter 28

289K 11.7K 3.1K
                                    

APAT na araw pa lang ang lumilipas pero parang apat na taon na. Bumalik na ang dating pumalit na professor kay Rix sa subject niya. Wala na rin ang boss ng coffee shop sa gabi. Wala na siya. Maski anino niya. Wala nang Rix Montenegro.


Tuloy pa rin ang buhay. Tuloy pa rin kahit wala na siya. Ito naman talaga ang gusto ko, ang hindi na siya magpakita. Para makalimot na ako. Para makapagsimula ng panibago. Pero bakit sa bawat araw na dumaraan, parang nakakalimutan ko nang ngumiti?


Napapansin na rin ni Gracia ang kaibahan sa akin. Noong nakaraan kasi ay ang siba kong kumain. Ngayon ay sobrang pili ko na kahit dati naman ay hindi. Palagi akong walang gana ngayon, palaging nahihilo, at madalas mairita. Mas naging antukin din ako kaysa noong nakaraang linggo.


May mga pagkakataon na ang init ng ulo ko, may pagkakataon na gusto kong umiyak, at may pagkakataon na para akong nababaliw. Nami-miss ko ang amoy ng mamahaling male's perfume ni Rix. Nami-miss ko na singhutin ang makinis at mabangong leeg niya. Gusto ko rin siyang maramdaman sa aking katawan. Gusto ko siyang mayakap kahit saglit lang. Ang lungkot-lungkot ng aking pakiramdam.


Hindi ko rin alam kung bakit napakalungkot ko. Araw-araw, napakabigat ng dibdib ko. Kabaligtaran ito sa mga iniisip ko. Akala ko kasi, magiging normal na ulit ang lahat kapag nawala siya. Akala ko ay mas okay ako kapag wala na siya.


Hindi pala. Lalo lang yata akong nahihirapan ngayong hindi ko na siya nakikita. Pagpasok ko sa trabaho, iba na ang manager. Ibinenta na raw kasi ni Rix ang coffee shop kaya iba na rin ang may-ari. Mabuti na lang at hindi nagpalit ng mga empleyado. Kung nagkataon ay mawawalan ako ng trabaho. Kailangang-kailangan ko pa naman ng pera.


Kahit saan ako mapatingin, mukha ni Rix ang nakikita ko. Kahit sa mga panaginip, si Rix ang nilalaman nito. Ayaw niya akong patahimikin, lagi kong naririnig ang boses niya. Pero alam ko naman na guni-guni ko na lang siya ngayon. Masakit mang aminin, nami-miss ko talaga ang gagong 'yon.


Wala akong ganang kumain. Hindi ako nakakaramdam ng gutom. Lagi rin akong late, sa school man o sa trabaho. Ewan pero tinatamad na ako. Minsan nga ay parang ayoko nang bumangon mula sa pagkakahiga.


Parang mas gusto ko pa iyong nakikita ko siya kahit nasasaktan pa ako. Pero dapat akong maging matibay. Sa umpisa lang ito, masasanay din ako. Wala namang sugat na hindi naghihilom. Wala namang alaala na hindi kayang ibaon sa limot. Lahat ng pait at sakit, hindi magtatagal ay unti-unti ring maglalaho. Oras lang ang kailangan.


Nag-half day lang ako ng duty sa coffee shop ngayon. Nagdahilan na lang ako. Ang sabi ko, masama ang pakiramdam ko. Ang totoo ay kinuha ko lang ang sahod ko.


Dumeretso ako sa palengke at bumili ng karne. Gusto kong magluto ng masarap na ulam para kay Kuya Maximus. Nasa tinutuluyan ko na kasi siya ngayon dahil na-discharge na siya sa ospital kanina. Para kaming sardinas doon sa maliit na kuwartong inuupahan ko. Pansamantala lang naman iyon habang hindi pa siya nakakabuwelo. Masaya naman ako kahit siksikan kami. Dahil kay Kuya Maximus kasi ay nalilibang ako. May kakuwentuhan na ako sa tuwing umuuwi ako.


Ngunit pag-uwi ko sa inuupahan ko ay ganon na lang ang aking pagkabigla sa nadatnan ko. Naibagsak ko ang mga bitbit ko dahil sa gulat. Nadatnan ko na nagkalat ang mga gamit ko. At natagpuan ko si Kuya Maximus na umiiyak sa sulok. Patakbo akong lumapit sa kanya.

The Wrong One (BOS: New World 2)Where stories live. Discover now