Isinuot nito ang headset. Pagkatapos ay sinenyasan siya nito na isuot din ang headset na nasa tabi niya. Sa harap niya ay may isang mikropono.

"Good evening, mga tropapips. Alam kong mae-excite kayong lahat sa gabing ito. I am here with my guest, Aki. Naaalala n'yo pa ba siya? Malamang ay oo dahil araw-araw n'yong nire-request na imbitahan ko siya sa programa ko." Tumingin ito sa kanya. "Aki, say 'hi' to our listeners."

"Ah... H-hi. G-good evening," nauutal na sabi niya.

"Relax, Aki. Hindi kita kakagatin. Chill ka lang. Huwag kang kakabahan." Nginitian siya ni Zephyr na para bang sinasabi nito na okay lang ang lahat.

Huminga siya nang malalim. Kahit paano ay nawala ang nerbiyos niya. Just a smile from him made her feel so secure.

"Hindi na ako kinakabahan," sabi niya mayamaya.

"Kung ganoon, puwede mo nang sagutin ang mga itatanong ko. Una, alam mo bang sikat ka na dahil sa ginawa mong pagtawag sa akin ? Everyone has been searching for you and they are all curious about you. Bakit daw ang tapang mo?"

"Una, hindi ko alam na sikat na ako. Pero kung talagang sikat na ako, hi, fans," pagpapakuwela niya.

Natigilan siya nang tumawa si Zephyr. Tila bumata ito nang ilang taon sa tawa na iyon. Sinenyasan siya nito na magsalita uli. Noon siya tila nagising sa realidad.

"Bakit ako matapang? Ewan. Noong tumawag kasi ako sa 'yo, sinapian yata ako ng kaluluwa ni Gabriela Silang."

"Comedian si Miss Aki," nanunudyong sabi ni Zephyr.

Inirapan niya ito.

"Sabi lang iyon ng ilang tagapakinig natin. Nagagalit ka naman agad." Itinuro nito ang monitor na nasa harap nito. Marahil ay para patotohanan ang mga sinabi. "Ano raw ang hitsura ni Miss Aki. Teka, ide-describe ko," sabi nito. Tinitigan siya nito. Tila bigla siyang pinagpawisan sa kabila ng pagiging air-conditioned ng silid. "Well, maputi siya. Kulot ang buhok niya. Hindi siya kagandahan."

"Hey! That's untrue!" pagtutol niya sa huling sinabi nito. "Masyado kang mapanirang-puri. Ang ganda-ganda ko kaya!" Natutop niya ang bibig nang maalala na on-air sila.

"Oo na. Maganda ka na. Ang ganda-ganda mo," natatawang sabi nito. "Sandali. May nag-tweet sa akin." Bumaling ito sa monitor. "DJ Zeph, baka magkatuluyan kayo ni Aki."

Hindi siya sumagot. Hindi kasi niya alam ang sasabihin. Paano mangyayari iyon? Hindi naman siya type ni Zephyr. Type sigurong inisin pero maliban doon ay wala na.

"Ayaw yata sa akin ni Miss Aki. Ayaw niya kasing mag-react," komento nito.

"Oo. Ayoko sa 'yo," pagsisinungaling niya. "May iba ka pa bang itatanong sa akin?"

Biglang sumeryoso ang mukha nito. Itinuon nito ang atensiyon sa computer monitor. "May boyfriend ka na ba?"

Tumaas ang isang kilay niya. "Tanong nila 'yon?"

"Hindi. Tanong ko," sagot nito, saka ngumiti.

Bigla ay parang gusto niyang himatayin. Hindi niya maiwasang bigyan ng kahulugan ang sinabi nito. "Wala akong boyfriend," sagot niya, saka nag-iwas ng tingin.

"Puwede bang si DJ Zeph na lang ang boyfriend mo?"

"Tigilan mo nga ako, Zephyr!" napipikon na sabi niya. Kung nakakatawa ang joke na iyon para sa iba. Puwes, hindi para sa kanya.

"Tanong lang iyon ng mga listener. Ito naman, masyadong seryoso."

Inirapan lang niya ito.

Kung ano-ano pa ang itinanong nito sa kanya. May kalokohan at mayroon din namang seryoso.

"Last question na. Galing pa rin sa ating listeners. Have you ever been in love? Why?"

Natigilan siya. Kung sa ibang pagkakataon ay agad niyang isasagot na hindi pa siya nai-in love. Pero iba ngayon. Parang hindi niya alam ang isasagot. "I don't know. I don't know if I have even been in love. All I know is there is someone special in my life now. Mula nang dumating siya sa buhay ko, nagkaroon na ng thrill ang mundo ko. Hindi ko alam kung love na iyon o kung ano pa man. Hindi ko rin kasi alam kung ano ang tawag sa damdamin na iyon. Basta ang alam ko, kapag kasama ko siya, ako ang pinakamasayang tao sa mundo."

Hindi agad ito nagsalita. Nakatingin lang ito sa kanya. "'Yan, narinig n'yo na ang sagot ni Miss Aki. Miss Aki, thanks for coming here tonight. Marami kang tropapips na napasaya. Sana, hindi ito ang huling beses na maliligaw ka rito."

Pagkatapos nitong batiin ang ilang mga pangalan ay lumabas na sila ng booth.

"Grabe, ikaw at si DJ Zeph pala ay iisa," namamanghang sabi ni Anne kay Zephyr.

"Yeah. Hindi ko nga pala nabanggit sa inyo ang tungkol doon," sagot ng binata.

"Pasensiya ka na, Zephyr, noong tumawag ako sa 'yo at inaway kita. Kung alam ko lang na ikaw pala si DJ Zeph, hindi ko gagawin, 'yon," hinging-paumanhin niya.

"That's okay. You made my listeners happy. Saka mas magtataka ako kung hindi mo iyon ginawa. Ang kilala ko kasing Gladys ay iyong sasabihin sa akin kung ano ang ayaw niya sa sinasabi, ginagawa, o isinusuot ko." Inakbayan siya nito.

Nanlalaki ang mga mata na tumingin siya kay Anne.

Kinindatan lang siya nito na tila kinikilig para sa kanya.

"Hintayin n'yo nang matapos ang programa ko. Ihahatid ko kayo sa boardinghouse."

Lihim na nagtatatalon ang puso niya. Pakiramdam niya ay humaba ang buhok niya nang bonggang-bongga.

In Love With A Love Guru by Andie HizonWhere stories live. Discover now