Chapter 10

8.2K 205 3
                                    

"ANNE, saan ba tayo pupunta? Gabing-gabi na," reklamo ni Gladys sa kaibigan habang nakasakay sila sa taxi. Tumingin siya sa wristwatch niya. Alas-onse na ng gabi.

"Huwag ka ngang magreklamo. Sabado bukas; walang pasok."

"Wala naman talaga akong pasok dahil lagi lang akong nasa boardinghouse."

Tila napaisip ito. "Oo nga, ano? Iyon naman pala, eh. Ibig sabihin, puwede mo akong samahan," nakangiting sabi nito.

"Saan ba kasi?"

"Basta. Surprise."

Mayamaya ay huminto ang taxi na sinasakyan nila. Sumunod lang siya kay Anne nang bumaba ito at pumasok sa isang building. Kinausap nito ang receptionist.

"Hi! Ako si Anne. Ako po 'yong nakausap n'yo no'ng hinahanap n'yo si Aki," anito sa receptionist.

Kinabahan siya. Parang alam na niya kung nasaan sila. Iniikot niya ang tingin sa paligid. Bigla ay parang gusto niyang himatayin nang makita niya ang isang karatula na may nakasulat na "91.1."

"Si Miss Aki ba ang kasama mo?" nakangiting tanong dito ng receptionist.

"Oo."

"Hindi! Hindi ako si Aki. 'Gladys' kaya ang pangalan ko," singit niya sa mga ito. "Tingnan n'yo pa itong ID ko. Hindi talaga ako si Aki. Promise!" Kulang na lang ay tumakbo siya palabas ng building na iyon. Bumaling siya kay Anne. "Anne, ano ka ba? Bakit mo ako dinala rito?"

"Gusto ko kasing makilala si DJ Zeph," nakangising sagot ng malditang babae na nag-set up sa kanya.

"Susme! Iyon lang? Ipinagkanulo mo ako rito?" masama ang loob na tanong niya.

"Babayaran ka naman nila, eh," sagot nito.

"Kahit na!"

"Miss Aki, tara na po. Ipapakilala ko na kayo kay DJ Zeph," sabi sa kanila ng receptionist.

Hinila siya ni Anne pasunod dito.

Gusto na niyang magtatakbo pauwi nang mga sandaling iyon. "Anne, Teka lang. Hindi pa ako ready!" pagmamakaawa niya.

"Gladys naman, chance na natin 'to para makilala si DJ Zeph."

"Magpanggap ka kayang ako?" suhestiyon niya.

"Naku, girl. Hindi puwede. Hindi ko kasi kaya ang kapangahasan mo."

"Then let's go home. Anne, please!" Akmang babawiin niya ang kamay niyang hawak nito nang biglang may lalaki na tumawag sa pangalan niya.

Nagulat siya nang makita si Zephyr na nakatayo sa tabi ng receptionist.

"Oh, nandito ang Greek god!" bulalas ni Anne.

"What are you doing here?" tanong ni Zephyr habang nakatingin sa kanya.

"DJ Zeph, siya si Miss Aki," sagot ng receptionist.

"DJ Zeph?" nanlalaki ang mga matang tanong niya. "Ikaw ang DJ na iyon?"

"Ikaw si Aki?" balik-tanong nito sa kanya. Bahagya itong natawa. "That's why Aki reminds me so much of you. Ikaw lang pala ang Aki na iyon. Tara na. Marami nang listeners ang naghihintay sa pag-uusap natin."

Hinawakan nito ang kamay niya. Bigla ay para siyang nawala sa katinuan dahil hindi na siya nakapagprotesta nang iginiya siya nito papasok sa booth. Ang tanging alam lang niya nang mga sandaling iyon ay kung gaano kainit ang kamay nito. Bigla ay bumilis ang tibok ng puso niya.

Tulala pa rin siya nang paupuin siya nito sa harap ng kung anong aparato. Nakaramdam siya ng panghihinayang nang bitiwan nito ang kamay niya at umupo ito sa isang swivel chair. Gusto sana niyang i-request kay "Mr. DJ" na hawakan nito ang kamay niya. Subalit baka masungitan lang siya nito.

In Love With A Love Guru by Andie HizonWhere stories live. Discover now