"Okay ka lang, Miss?" tanong ng babaeng umookupa sa ikalawang kuwarto na nagpabalik sa isip niya sa kasalukuyan.

Bahagya siyang ngumiti. "Oo."

"Ako nga pala si Clarisse, pero 'Thet' na lang ang itawag mo sa akin katulad ng nakasanayang itawag sa akin ng lahat," pagpapakilala nito.

"Ako si Gladys."

"Sige, ha? Mamaya na tayo magpakilala nang husto sa isa't isa. May trabaho pa kasi ako, eh. Nice knowing you, Gladys," anito, saka nagmamadaling umalis.

Tuluyan na niyang binuksan ang pinto ng kuwarto niya. Pagkatapos ay binitbit ang bag niya na iniwan ni Pretty sa corridor.

Napangiti siya pagkasara ng pinto. Ngayon pa lang ay nararamdaman na niya ang magiging pagbabago sa buhay niya. "Ito na ang bago kong tahanan mula ngayon," aniya sa sarili.

Malayo man siya sa kinagisnan niyang lugar, alam niyang kahit paano ay magiging masaya siya. Pipilitin niyang maging masaya kahit mag-isa lang siya.

Inayos ni Gladys ang mga gamit niya sa purple na built-in cabinet. Nang matapos ay humiga siya sa kama at ipinasak sa mga tainga niya ang earphones. Ikinonekta niya iyon sa cell phone niya. Lumang modelo na ang cell phone. Wala iyong camera pero masuwerte siya at mayroon iyong radyo kaya hindi siya maiinip. Pumikit siya nang makontento sa isang istasyon ng radyo.

"Good morning, mga tropapips. Ito ang paborito n'yong DJ, si DJ Avery at may surprise ako sa inyo. Guest ko ngayon si DJ Zeph, ang pinakaguwapong love guru sa radyo," masiglang pagbati ng babaeng DJ.

Hindi siya naniniwalang guwapo si DJ Zeph. Paano ay marami nang DJ ang nakapagpa-disappoint sa kanya. Ilang beses na siyang nalinlang ng mga guwapong boses ng mga ito.

"Good morning, mga tropapips," anang boses ng isang lalaki na malamang ay si DJ Zeph.

In all fairness to him, maganda ang rehistro ng tinig nito sa radyo. Para siyang idinuduyan, lalo pa nang tumawa ito. Kung boses lang ang pag-uusapan, ito na yata ang may pinakamagandang boses na DJ. Ang kaso, malamang na hanggang boses lang din ito. Napailing siya sa pagiging judgmental niya.

"So, ano ang pakay mo ngayon dito, DJ Zeph? Mukhang wala ka pang tulog, ah," tanong ng babaeng DJ.

"Nais ko lang anyayahan kayo sa mall tour ng ninety one point one, mga tropapips. Bukas na po iyon."

"Makikita ka ba namin doon, DJ Zeph?" tanong ni DJ Avery.

"Oo naman. At, mga tropapips, makikita n'yo rin bukas si DJ Avery. Kaya, see you all tomorrow," pagpapaalam nito pero pinigilan ito ng babaeng DJ.

"Hindi ka pa puwedeng sumibad dahil ikaw ang sasagot sa first letter ko sa umagang ito. Pagbigyan mo na ako," nakakatuwang wika ni DJ Avery.

Hinintay ni Gladys na basahin ni DJ Zeph ang sulat. Iyon ang hilig niya: makinig sa kuwento ng ibang tao. Wala naman kasi siyang maikukuwento tungkol sa buhay niya. Lahat ng isinusulat niyang manuscript ay kathang-isip lamang. Ni minsan ay hindi pa niya naranasang ma-in love.

Isa siyang kawawang nilalang. Romance novel writer na hindi alam kung ano ba talaga ang isinusulat. Ni hindi niya na-experience ang kahit na anong eksena sa mga nobelang naisulat niya. Kung mayroon mang regalo ang Diyos sa kanya na talagang mahal na mahal niya, iyon ay ang kanyang imahinasyon.

"'Dearest DJ, I am Cheska Raymundo, thirty-two years old and single. Palagi akong kinukulit ng mga magulang at kamag-anak ko dahil hindi pa ako nagkaka-boyfriend sa edad kong ito. Kailan ko raw sila bibigyan ng apo. Madalas nila akong pinapagalitan sa pagbabasa ng Tagalog romance novels dahil iyon daw ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong asawa. Tumaas daw masyado ang standards ko sa pagpili ng lalaki dahil sa kakabasa ng mga ganoong libro. Hindi ko naman iyon magawang itigil dahil nakasanayan ko nang gawin at doon na lang ako nagiging masaya. May maia-advice ba kayo sa akin?'" basa ni DJ Zeph sa sulat.

Lalong naging interesado si Gladys sa pinapakinggan. Nais niyang malaman kung ano ang ipapayo ng DJ sa letter sender.

"Kung ako sa iyo, Cheska, itatapon ko na ang lahat ng mga pocketbook ko at maghahanap na ako ng boyfriend. Tama sila, napag-iiwanan ka na. Ang hirap kasi sa romance novels na iyan, masyadong ideal. Palaging guwapo ang lalaki, mayaman, at mabango. Well, in real life, hindi mo makukuha ang lahat ng magagandang katangian na hinahanap mo sa isang lalaki lang. Walang lalaking perpekto, rather, walang taong perpekto. Kung ang mga karakter sa pocketbook ang magiging basehan mo, mananatili ka talagang dalaga habang-buhay dahil ang mga karakter na iyon ay sa pocketbook lang makikita. Wake up, Miss Cheska. Hindi palaging hinihintay ang pag-ibig. Minsan hinahanap din 'yan." Pagkasabi niyon ay tuluyan nang nagpaalam si DJ Zeph.

Nabubuwisit na tinanggal niya ang earphones sa magkabilang tainga niya. Walanghiyang DJ iyon. Kulang na lang ay siraan nang todo ang mga romance pocketbook. What's wrong with the rich and handsome men?

"Siguro nga ay hindi talaga guwapo ang kumag na iyon kaya bitter," nakangusong sabi ni Gladys sa sarili.

In Love With A Love Guru by Andie HizonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon