Hindi agad nakagalaw ang papa nito. Bumagsak lang ang butil ng luha sa mga mata nito.

“Sino ba ang bisita na–" Natigilan din ang ginang na galing naman sa kusina. “Dios ko po. Grasya?”
Nasapo nito ang dibdib at bibig.

Binalingan ito ni Mary Grace. “Ma..”

Lumapit ang mama nito at sinapo ang mukha nito na parang hindi makapaniwala na naroon ito sa harap nila. “Anak.” Naiyak na din ito at niyakap si Mary Grace.

Maging siya, hindi na napigilan ang mga luha sa nakikita niya. Si Kei naman ay nakayakap lang sa beywang niya at mahinang humihikbi.

“Ang panganay ko.” Sambit ulit ng mama nito habang hinahaplos ang buhok nito.

“Mama, sorry po. Sorry po. Sorry naging masama akong anak. Sorry po.” Humahagulgol na ito.

“Shhh..Hindi ka masamang anak.” Pagpapatahan nito.

Ang papa naman nito ay napabaling sa kanya. Hindi nakatakas sa paningin niya ang galit sa mga mata nito.

Malalaki ang hakbang na lumapit ito sa kanya at kinwelyuhan siya at sinuntok sa pisngi. Si Kei ay hinila ni Joy kaya hindi ito natumba kasama niya. Niyakap nito si Kei at pinatalikod sa kanila para hindi nito makita ang mga nangyayari.

“Papa!” Sigaw ni Mary Grace at tumakbo palapit sa kanya.

“Hayop ka!!” Humahangos na sigaw ng papa nito sa kanya sa sobrang galit.

Nilapitan ulit siya nito at sinuntok.
Tinanggap niya lahat iyon. Hinayaan lang niya ito.

“Papa tama na po!” Pagmamakaawa ni Mary Grace pero hindi nito naririnig si Mary Grace.

Lumuhod ito at hinila siya paupo. Nakahawak ito sa kwelyo ng polo niya. “Bakit mo pinabayaan ang anak ko!?” Sinuntok ulit siya nito, nanginginig ito sa galit.

“Armando, tama na ‘yan!” Pigil ng ginang pero hindi pa rin siya binitawan nito.

“Bakit mo siya pinabayaan!?” Umiiyak na tanong nito. Napaluhod na lang siya at napayuko habang umiiyak.

“Pinabayaan mo ang anak ko.. akala ko pa naman kaya niya kami iniwan dahil kaya siyang panindigan ng lalaking nakabuntis sa kanya. Pero pinabayaan mo din siya!” Naramdaman niyang unti-unti na siya nitong binitawan.

“Papa, tama na po. Sorry po, papa. Kasalanan ko po lahat.” Humahagulgol na napaluhod na din si Mary Grace sa tabi niya.

Hindi sumagot ang papa nito, umiiyak lang ito at napaupo sa sahig.

“Papa, sorry po.” Paghingi ulit nito ng tawad.

“Sorry po, sir.” Sa wakas ay nakapagsalita na din siya. “Kasalanan ko po lahat ‘to. I’m really sorry. Sorry kung napabayaan ko ang anak niyo. Pinagsisihan ko po lahat ng ‘yon. Sana po mapatawad niyo po ako. Pangako ko po, aalagaan ko na po ang mag-ina ko. Patawarin niyo po ako.”

Hindi ito sumagot at napabaling kay Kei. Pinahid nito ang mga luha at tumayo. “Tumayo kayo riyan.” Utos nito sa kanila.

Inalalayan siya ni Mary Grace na makatayo at kumuha ito ng panyo at nilinis ang dugo sa mukha niya.

“Grasya.” Tawag ng papa nito.

Kinuha niya ang panyo nito at siya na mismo ang nagpahid ng mga dugo sa mukha niya.

“Po?” Nakatungong sagot nito.

Hindi ulit nagsalita ang papa nito. Lumapit ito at biglang niyakap si Mary Grace.

“Anak..” Malumanay na ang boses nito. “Ang Grasya namin.”

Humagulgol ulit ng iyak si Mary Grace at yumakap sa papa nito. “Papa.. sorry po. Patawarin niyo po ako papa.”

Branded Series Book 1: Mary Grace (COMPLETED)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant