Chapter 3

24.4K 580 5
                                    

HINDI agad nakakilos si Serena. Pilit niyang ikinokompara ang kaharap sa mga imaheng binuo niya sa isip tungkol dito.

Sa nakalipas na tatlong taon ay balbas-sarado ang Robb Orlando na nakikita niya sa mga pahina ng imported na babasahin. Bagaman ang patch sa mata nito'y wala na sa latest issue ng ilang magazine kung saan may artikulo at larawan nito.

Ang kaharap niya ngayon ay bagong ahit. Iyon ang dahilan kaya hindi niya ito namukhaan. Bukod pa sa bumata ito kaysa sa tunay na edad nang mawala ang balbas.

Gumuhit ang kuryusidad sa mga mata nito. "Pamilyar ba sa iyo ang pangalan ko?"

"K-kaibigan ko si Lola Emilia. Lagi ka niyang ikinukuwento sa akin. Nabanggit niyang darating ka pero..." Her voice trailed off. Sapilitang inamin niya sa sariling mali ang nabuong opinyon niya sa lalaking ito. "Hindi ko lang inaasahang darating ka kaagad. Kailan lang nabanggit ni Lola Emilia na uuwi ka at wala siyang tiniyak na araw..."

"Nakahanda na ang ticket ko para sa pag-uwi ng Pilipinas. Tinapos ko lang ang dapat tapusin," sagot nito.

"Magtatagal ka ba rito?"

"Hindi ko alam." Sinabayan nito ng pagkibit ng malalapad na balikat ang sagot. "Depende. Pero gusto kong magpahinga, magliwaliw, at balikan ang ilang lugar na kinalakhan ko. Tulad ng yungib na sinasabi ko."

Sa kabila ng sa ibang bansa ito lumaki at nagkaisip ay mahusay ang Tagalog nito bagaman sinisikap nitong alisin ang twang sa pagbigkas.

Hinubad nito ang pang-itaas na basa pa ring maituturing bagaman unti-unti na iyong natutuyo dala ng hangin. Nahantad sa paningin niya ang malapad nitong dibdib. May pinong balahibong nakalatag sa dibdib nito. Mabilis niyang inilayo ang paningin dito.

"Ikinalulungkot kong nabasa ka sa pagtulong mo sa akin..." Sa pagkakataong iyon ay bukal sa loob niya ang paumanhin.

"Nasa ilalim ako ng mga punong-niyog nang makita kitang lumusong. Nagulat ako sa ginawa mo. Hindi ko iniisip na sinasagip mo ang ibon dahil hindi ko naman iyon nakikita mula sa malayo. Ang nasa isip ko'y nagpapakamatay ka. What you did was dangerous."

"Hindi ko kayang lampasan na lang ang ibon. Maaari iyong mamatay..."

"And you didn't care for your own safety?" May bahagyang galit sa tinig nito nang sabihin iyon. Pagkuwa'y tinitigan siya nang husto sa nakakunot na noo. "You said you're a friend of my grandmother... Don't tell me you're little Serena? The beautiful, kind-hearted, and sensible young woman my grandmother keeps on telling me about?"

Ang ngiting nasisilip niya rito at ang tono ng tinig nito'y nanunuya. Umunat siya ng tayo at tinitigan ito nang tuwid.

"Ako si Serena Cheng..." Kasinlamig ng hanging humahampas sa kanila ang tinig niya. At siguro nga ay little siya sa paningin nito.

Ayon sa nabasa niyang artikulo rito ay may halos anim na talampakan ang taas nito. At sa nakikita niya ay bahagya nang umabot sa balikat nito ang ulo niya.

"Hello, Serena," wika nito at inilahad ang kamay na atubili niyang tinanggap. "I've finally met you." Mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya. "Cold hands, warm heart," he said amused.

"What?" nalilitong sabi niya.

He smiled. Lumitaw ang mapuputi at magagandang ngipin nito. Paanong nangyaring sa simpleng ngiting iyon ay tila gusto niyang maakit dito? Lihim niyang kinastigo ang sarili.

"It's an old adage... cold hands but warm heart. At kung ang pagbabasehan ko ay ang mga sinasabi ni Lola Emilia sa iyo, I believe you really have a warm heart."

Pahablot niyang binawi ang kamay mula rito. "Natural na malamig ang kamay ko dahil galing ako sa dagat at malamig ang panahon!" she snapped.

"Gusto nga pala kitang pasalamatan sa pag-aasikaso mo sa grandmother ko. Alam mo bang tuwang-tuwa si Lola sa tulong na ginagawa mo sa kanya?"

Hindi niya matiyak kung nang-uuyam ito. "Mas matutuwa si Lola Emilia kung ang tulong ay manggagaling sa sarili niyang dugo," maanghang niyang sabi.

"Oh, definitely. Pero hulog na hulog ang loob ni Lola sa iyo. You're an angel sent from above." A mocking smile appeared on his lips. At ang kasunod nitong sinabi ang nagpatiyak na tama ang hinala niyang nanunuya ito. "My grandmother is very old. Nag-iisip ka bang pamamanahan ka niya sa sandaling siya'y mamatay?"

Napasinghap si Serena. Tama ba ang narinig niya mula rito? "A-ano ang sinabi mo?"

"Hindi ka bingi, Serena, narinig mo ang sinabi ko."

Humugot siya ng malalim na hininga upang huwag iwala ang kahinahunan. "Ano ang ipamamana sa akin ni Lola Emilia, Mr. Orlando? Hindi ba at sa iyo lang nanggagaling ang ikinabubuhay niya?"

"Did you really believe that?" ganting tanong nito, umangat ang mga kilay.

"A-ano ang ibig mong sabihin?"

"Don't look so innocent, Serena," patuyang sabi nito at inikot ng tingin ang buong baybayin hanggang sa naaabot ng paningin nila. "Surely you know that my grandmother owns this place. It's more or less forty hectares of idle land and beaches..."

Muling napasinghap nang malakas si Serena. Wala siyang ideya sa sinasabi ng lalaking ito. Hindi niya kailanman naisip na ang matandang Orlando na nakatira sa isang lumang bungalow na wala namang mamahaling kasangkapan maliban sa ipinapadala ng lalaking ito, ay nagmamay-ari ng ganito kalawak na lupain.

"At sa sandaling maisip ni Lola Emilia na ipagbili ang bahagi ng lupain niya'y pag-aagawan iyon ng mga negosyante gaano man kataas ang halaga. This place is a tourist spot, my little Serena..." patuloy ito sa panunuya.

"I-I have no idea," she whispered.

"Did you expect me to believe that?"

Bumilang siya ng isa hanggang sampu upang kontrolin ang unti-unting umaahong galit sa dibdib niya. "Wala akong pakialam kung naniniwala ka o hindi, Mr. Orlando. Nang ibigay ko ang tulong ko kay Lola Emilia, iyon ay dahil itinuring ko na siyang sarili kong pamilya at walang kapalit na halaga iyon!"

Pagkasabi niyon ay nagpupuyos ang loob na tinalikuran niya ito. Nagmamadali ang mga hakbang niya para makalayo sa lugar na iyon.

Love Trap by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon