Chapter Five

11.5K 224 23
                                    

“AABOT pa ba tayo?” Kinakabahan at hindi mapakaling tanong ni Eloisa sa driver na nanliligaw kay Yaya Madel na si Budoy.
Mabuti na lang at pinayagan ito ng amo nito na gamitin ang sasakyan ng mga ito para ihabol siya sa airport. Hindi na sumama sa kanila si Yaya Madel dahil walang maiiwanan sa bahay. Malakas ang kutob ni Eloisa na sinadya ni Daisy na iwanan siya. Talagang gagawin nito ang lahat para hindi siya maging masaya. Naiintindihan naman niya kung saan nanggagaling ang galit nito pero sana naman ay isinantabi muna nito ang galit nito kahit ngayong araw lang. Para lang makasama sana siya sa paghahatid kay Theo. Tatlong buwan din niya itong makikita. Sana man lang ay naisip iyon ng kaniyang biyenan.

“Abot pa tayo niyan. Hindi naman traffic, e. Relax ka lang po diyan.” Magkatabi sila ni Budoy sa unahan.

“Pasensiya ka na, Budoy. Ang demanding ko yata. Gusto ko lang talagang maabutan ang asawa ko sa airport para makapagpaalam sa kaniya bago siya pumunta sa Japan.”

“'Ku! Wala po 'yon. Naiintindihan kita. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay ang ugali ng biyenan mo. Iba!” palatak nito. “Saka hindi ka dapat humingi sa akin ng pasensiya. Si Madel ang nakiusap sa akin at gagawin ko lahat ng gusto niya!”

Hinayaan na lang niya na makapag-drive si Budoy at baka mawala pa ang konsentrasyon nito sa daan kapag kinausap niya ito nang kinausap.

At maya maya nga lang ay natanaw na ni Eloisa ang airport. Kung pwede nga lang na tumalon na siya ng sasakyan at tumakbo papunta doon ay ginawa na niya. Panay ang dasal niya na sana ay maabutan pa niya ang asawa.

Inihinto na ni Budoy ang sasakyan. Pagbaba niya ay nakita niya agad si Theo habang yakap ang nanay nito. Nakatalikod sa gawi niya ang kaniyang asawa habang si Daisy naman ay nakaharap sa kaniya. Kahit malayo ay nakita niya na nakita siya ni Daisy. Kumalas ito sa pagkakayakap kay Theo at tila minamadali si Theo sa pagpasok sa loob.

“Theo!” sigaw niya sa asawa pero hindi na siya nito nilingon.

Binilisan niya ang kaniyang paghabol dito pero mabilis itong nakalayo. At nang akmang susundan niya ito sa loob ay hinarang naman siya ni Daisy.

“Hindi mo na siya pwedeng sundan! Maiiwanan na siya ng eroplano!”

“Mama, sandali lang naman po. Magpapaalam lang ako sa asawa ko. Parang awa niyo na!” Kulang na lang ay lumuhod siya sa harapan nito. “Theo!” isinigaw niyang muli ang pangalan ng asawa sa pagbabaka-sakaling maririnig pa rin siya niyon kahit wala na ito sa paningin niya.

“Tumigil ka nga sa pagsigaw mo, Eloisa! Nakakahiya ka! Para kang palengkera! Kung gusto mong magpaalam sa asawa mo, magtext o mag-chat ka na lang sa kaniya! Tara na, umuwi na tayo. Hindi mo na mahahabol si Theo.”

Naglakad na ang biyenan niya. Sa tingin niya ay tama ito, hindi na niya mahahabol ang kaniyang asawa. Ang hindi lang niya matanggap ay kung bakit hinayaan ni Daisy na umalis ang mga ito ng wala siya. Ang akala ba niya ay hindi aalis ang mga ito ng wala siya. Malakas talaga ang pakiramdam niya na sinadya nito ang mga nangyari.

Sinundan niya si Daisy. Akmang sasakay na ulit ito sa van pero pinigilan niya ang kamay nito sa pagbukas ng pinto. “Bakit niyo po ginawa iyon? Ang sabi niyo ay hindi kayo aalis ng wala ako,” puno ng hinanakit na sabi niya dito. “Sana man lang ay naisip ninyong asawa ako ng anak ninyo at dapat lang na kasama ako sa maghahatid sa kaniya sa airport!”

Inalis ni Daisy ang kamay nito mula sa pagkakahawak niya sabay duro sa kaniya. “Hoy, Eloisa, hindi ko gusto iyang lumalabas sa bibig mo. Pinagbibintangan mo ba ako? Kasalanan ko bang sobrang tagal mo sa loob ng bahay? Mahuhuli na ang anak ko sa flight niya kaya iniwanan ka namin! Huwag mo akong tinataasan ng boses. Pinapakita mo lang ang tunay mong ugali ngayong wala na si Theo. Bait-baitan!” irap nito sa kaniya at tuluyan na itong sumakay sa van.


The Betrayed WifeWhere stories live. Discover now