Chapter 4: Isang Kaibigan

30 2 0
                                    

Chapter 4: Isang Kaibigan

Hindi ko matandaan kung paano ako nakatakas sa sobrang kahihiyan dahil sa nangyari tatlong araw na ang nakakaraan. Para akong pinanghinaan ng loob sa kadahilanang pinagbantaan lamang ako ng isang taong ni hindi ko naman kilala. Tila isang malaking kaputanginahan ang aking pagiging mahina noong mga oras na 'yon. Marahil sa tingin niya ay napakahina ko.

Naikuyom ko ang aking mga palad nang maalala ko ang aking sinapit sa kamay ng isang demonyo. Ang kanyang mga ngisi, ang abot-langit niyang kayabangan. Sa apat na taon kong pamamalagi rito sa Maynila ay ngayon lang ako nakasalamuha ng mas demonyo sa akin. Akala ko'y tanging mga magulang ko lamang ang aking magiging katapat.

Naglaho 'yon dahil kay Jordan.

Nasaan na nga ba ako sa buhay ko ngayon? Kay rami nang nagbago sa loob ng apat na taong pamamalagi ko sa siyudad. Kahit sinoman ang makakakita sa'kin ay kaaawaan ako dahil sa aking lagay, malayong-malayo sa itsura ko noon sa probinsya.

Balot na ng init ang buong silid, pero sa tingin ko'y katawan ko lamang iyon. Pilit kong inabot ang aking cellphone na nakalagay sa ilalim ng aking unan, saka tinignan ang mga numerong nakarehistro sa orasan nito. 5:32 AM. Sinabunutan ko na lamang ang aking sarili dahil sa pagkauyam. Hindi pa rin humuhupa ang aking lagnat. Kumakalam na rin ang aking sikmura dahil sa gutom.

Bumangon ako bigla kaya naman pakiramdam ko'y lumindol. Napahawak ako sa pader, pilit inaalalayan ang sariling makatayo.

Nasaan na nga ba ako?

Nandito pa rin ako sa aking kwarto. Nakatabing ang kurtina sa nag-iisang malaking bintana ng aking silid. Nanunuot sa katahimikan ang pagpatak ng tubig galing sa faucet na sa tingin ko'y maluwag na naman. Dapat ko na rin itong ayusin, naisip ko. Ayaw kong pag-initan na naman ng mayordomo naming may saltik.

Kahit pasuray-suray ay sinubukan kong abutin ang plastik na may lamang cup noodles na aking binili kahapon lamang. Ngunit nang ito'y aking mahawakan ay wala na pala itong laman. Napabuntonghininga ako, hindi dahil sa kagutuman, ngunit dahil wala na rin akong perang pambili.

Naaalala kong gumastos pala ako ng higit pa sa isang daan no'ng pumunta akong mall, kaya naman nang ako'y makauwi ay tanging dalawang daan na lamang ang laman ng wallet ko. Buti nga ay bumili na agad ako ng cup noodles no'ng dumaan ako sa grocery store ng mall, na siya namang inabot ng siguro'y tatlong araw rin.

Kumalam ulit ang aking sikmura, nanunuyo na rin ang aking laway. Nagbungkal ako sa table, kahit ang dish holder ay ginalugad ko na rin makahanap lamang ng makakain. Pero bigo ako.

Nanghihinang humilata na lang akong muli sa aking higaan, pinapilit labanan ang gutom at pagkahilo sa pamamagitan ng pagpikit ng aking mga mata, hanggang sa hindi ko namalayan ay nakatulog ako.

Nagising ako sa tunog ng nangangalampag na kahoy. Ang sikat ng araw ay sumusuot sa mga siwang ng kurtina at tinatamaan nito ang aking mukha dahilan para ako'y maalimpungatan. Nang makapag-adjust ang aking paningin sa aking paligid ay tinignan ko muna ang orasan sa aking relo. Kinse minutos bago mag-alas nuwebe. Nakatulog pala ako.

Buti naman ay nawala na ang pangangalam ng aking sikmura, ngunit tuyo naman ang aking bibig.

Bahagyang nagulat ang aking kaluluwa nang marinig kong muli ang malakas na kalampag sa pinto. Akala ko'y sa kabilang kwarto iyon dahil madalas namang may bisita ang aking mga kapitbahay, ngunit hindi ko inaasahang sa aking pinto pala ito nanggagaling.

"Karl, buksan mo itong pinto!" tawag ng boses sa labas. Sa tingin ko'y kilala ko kung sino ang may-ari ng boses, ngunit dahil masama ang aking pakiramdam ay hindi ko mawari kung sino iyon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 01, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Stranger than EverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon