Cellphone

270 11 11
                                    

Ako si Luna Mapanghusga. Maganda, mayaman, maraming manliligaw at higit sa lahat, mapagkumbaba. Ayokong ayoko sa taong mayabang! Kasi kahit sobrang sikat at kilala akong sosyal sa school namin, simple lang ako. At hindi ko rin gusto yung mga taong mapanlait lalo na kung napakapangit naman ng itsura at walang class! At lalong ayoko sa itsurang hindi mapagkakatiwalaan. Dahil para sa akin, ang tiwala ay batay sa pananamit, ganda ng mukha, estado ng pamumuhay, kilos at pati na rin sa amoy. Susko! Sa panahon ngayon, kelangan natin ng doble-ingat. Andaming itsurang manloloko at hindi gagawa ng mabuti sa kapwa 'no! Yang mga palaboy at tambay na yan? Kundi magnanakaw o adik, mga manyakis! At yung mga babaeng trying hard manamit at iskwater sa ingay? Naku! Yan yung maaagang nabubuntis at kung kani-kanino kumakabit para lang makaahon sa kahirapan. Tsk, ayoko na lang talaga magsalita. May pinag-aralan akong tao.

Kung sino-sino tuloy napapansin ko sa labas mula sa tinatambayan ko rito sa loob ng Starbucks. Napakalakas ng ulan. Tila walang direksyon ang mga nagtatakbuhan at sumusugod sa kabila ng malakas na hampas ng hangin. Yung iba naman ay nakakatawang panuorin na sumisiksik sa kani-kanilang sinisilungan. Maging yung mga nandito sa loob napupuna ko na rin. Karamihan mga climber! Lalo na tong mga magbabarkada na nagtatrabaho sa Call Center, mga english ng english! If I know, gift check lang naman ginamit nila pambili ng Venti. At halatang tinitipid nila ang pag-inom para hindi agad maubos at para madala pa hanggang sa trabaho nila. Masabi lang na may pang-Starbucks! Sarap mga sipain palabas.

Hay, makaalis na nga lang! Magdadalawang oras na rin ako rito na walang ginawa kundi ang pagmasdan ang mga perfect selfies ko sa iPad. Paniguradong marami na namang magla-like at magko-comment sa mga sexy photos ko. At dahil hindi na naman ako sinundo ng driver ko kasi nasiraan ang sasakyan kong Montero. Mapipilitan tuloy akong mag-jeep. Baka mas lalo pang lumakas ang ulan. Gagabihin na ako masyado at maaga pa ang pasok ko bukas. Kaya tiis-ganda kong binabaybay ngayon ang bawat bahay at building para lang makaiwas sa baha.

Pero eto, ang hirap talagang dumaan dahil sa may bahaging mataas ang tubig. Napatigil muna ako sa isang kanto at sumilong sa tabi ng isang saradong tindahan. Isang kanto pa bago ko matunton ang kalsadang dinadaanan ng mga sasakyan. Nilingon ko ang kaliwang bahagi na madilim at maunti ang dumaraan. Nag-aalinlangan ako na dumaan doon. Nang bigla na lang may sumulpot mula kung saan na isang matandang lalaki na nakatayo may limang metro ang layo mula sa akin. Maitim, payat, marumi ang pananamit at tahimik na nakatitig. Nakakatakot ang itsura niya! Nakakadiri. Baliw siguro, o pulubi, o baka magnanakaw? Naku! Kelangan ko na ba agad sumigaw? Kelangan ko na bang humingi ng tulong at ipahuli ang mabahong lalaki na ito? Mamahalin pa naman ang mga gamit ko. Gusto ko na sumigaw ng saklolo!

Mabuti na lang, may tatlong kabataan na paparating. Mapoporma, mga gwapo, mukhang pupunta sa isang gimikan. Yung isa pa nga mukhang artistahin eh. May makakasabay na ako. Biglang nabawasan ang takot ko at napalayo rin ang matandang gusgusin nang mapansing dumaan ang tatlong lalaki. Sinalubong ako ng matatamis na mga ngiti at sabay tanong, "miss, ok ka lang ba?" At agad ko naman sila sinagot na hindi at nakiusap na tulungan akong makalayo at marating ang sakayan. Itinuro nila ang madilim na daan sa kaliwang bahagi na kanina'y alinlangan ko nang puntahan at sinabing mas mabilis naming mararating ang daanan ng mga sasakyan. Natanaw ko naman na may iilan ang nakapayong na dumaraan sa eskinita na iyon kaya agad-agad din akong sumabay sa kanila.

Patuloy ang aming paglalakad at masaya naman na nagkukwentuhan ang magkakaibigan. Nag-aasaran, nagbibiruan, nagtatawanan at pansin ko na kami na lang ang dumaraan doon. Sabay bumulong ang mukhang artistahing katabi ko, "miss, alam mo ba na napakaganda mo? Kanina ka pa namin pinagmamasdan habang nagkakape ka kanina eh." Bigla na lang akong namula at matipid na ngumiti. Hindi ko napansin na andon din pala sila sa Starbucks. Alam ko naman na maganda talaga ako. Masarap lang marinig paulit-ulit na maganda ako. "Hindi naman..," pagpapakumbaba na sagot ko.

Nagsalita naman yung isa, "Pero hindi namin kelangan ang ganda mo. Kelangan namin yang bag mo. Holdap to miss, huwag kang sisigaw kung ayaw mong mag-gripo ang tagiliran mo." Sabay umakbay na ang katabi ko at kinuha ang aking bag. Biglang nayanig ang buo kong katawan at ramdam ko na parang umiikot ang aking paningin. Hindi makapaniwala sa nangyayari. "Huwag naman kayong magbiro ng ganyan." Pero napapansin kong nag-iiba na ang kanilang mga itsura. Nanlilisik na ang kanilang mga mata. Mukha na silang mga halimaw! Nakakapangilabot! Masyado na rin sila marahas. "Basta huwag ka lang sumigaw. Kelangan lang namin mga gamit mo. iPad, iPhone at isa pang cellphone mo. Ang yabang mo rin no!" Tuluyan nang dumaloy ang mga luha ko. "Maawa kayo. Pinaghirapan ng tatay kong isa lang driver na maibili ako ng mga yan..." Mas lalo pang tinututok ng isang lalaki ang patalim para ako'y tumahimik. "Kita mo na, driver lang ang tatay mo pero kung makaarte kang mayaman! Hahaha!" Sabay hawak sa aking dibdib. "Sayang kung palalampasin ko 'to miss." Nararamdaman ko na ang mga kamay nila na napupunta isa-isa sa maseselang bahagi ng aking katawan. Yung isa'y hinihila ako pababa at yung isa naman ay pilit akong hinuhubaran.

Hindi ko na napigilan ang magsisisigaw! Nanginginig ang aking boses na humihingi ng tulong pero pilit naman nila akong pinatatahimik sa pamamagitan ng malalakas na sampal at suntok. Napakawalang-hiya nila! Mga hayop! Nagtiwala ako! Tiwala na batay sa pananamit, ganda ng mukha, estado ng pamumuhay at kilos. Mali pala ako.

Nakahiga na ang mahina't basa kong katawan. Lumalaban pa din ako sa mga hayok sa laman! Nang bigla na lang tumumba ang isang lalaki mula sa isang malakas na hampas. Nahihilo ako pero alam kong merong sumasaklolo sa akin. Buong lakas niyang hinahampas ang hawak niyang tubo pero mabilis na nakakailag ang dalawa pang lalaki. Nakatyempo ang isa at buong pwersa nitong sinuntok sa mukha ang lalaking tumutulong sa akin at nang tumumba'y walang tigil at pangimi itong pinagsasaksak! Dali-dali silang tumakbo dala ang aking mga gamit at iniwan ang nakahandusay at kawawang lalaki. Pagapang akong lumapit sa kanya, malakas na ang aking pag-iyak at walang humpay na sumisigaw ng tulong. Unti-unti ko nasisilip ang mukha niya. At nang maaninag ko'y mas lalo pang lumakas ang aking pag-iyak. Siya yung taong hinusgahan at minaliit ko kanina. Maitim, payat, marumi ang pananamit at tahimik na nakatitig sa akin. Matandang lalaking nakakatakot. Nakakadiri. Matandang tinawag kong baliw, pulubi, at magnanakaw. Ang mabahong lalaki na siyang sumagip sa aking buhay.

Naliligo siya sa dugo. Hinahabol niya ang kanyang paghinga. At mula sa kanang kamay niya'y nanginginig niyang inabot ang aking cellphone. At doon ay putol-putol niyang sinabi, "bi..nan..tayan ta-ta-laga kit aka-ka-kanina dahil ki-kilala ko silang hol..daper sa lugar. A-a-yo..kong mapag..sa-sa-manta..lahan ka din ni-la ga-ga..ya ng i-ba.."

Unti-unti nang dumarating ang mga tao at pumapaligid sa aming dalawa. Sa halo-halong ingay at bulong ng mga usisero'y tuluyan na siyang pumikit at nalagutan ng hininga. At sa pagtigil naman ng ulan ay ang aking walang humpay na pagsisisi at pagtangis.

Cellphone (one-shot story)Where stories live. Discover now