Kabanata 31

15.2K 548 50
                                    

HE loves me, he loves me not,” anas ni Ada habang isa-isang pinipitas ang kahel na talulot ng bulaklak na napulot niya kanina. Ganitong-ganito ‘yong ginagawa ng mga bidang babae sa mga pelikulang napanood niya kapag naguguluhan sa nararamdaman ng mga lalaki.

     Saglit siyang tumigil at ipiniling-piling ang munting bulaklak sa kaniyang kamay. Iilan na lang ang natitira, naisaloob niya.

     Bumuntong-hininga siya at saka nagpatuloy. “He loves me, he loves me not . . . he . . . he loves me?”

     Tumuwid siya ng tayo at inangat sa ere ang huling talulot. “Mahal ako ni Brent?” usal niya sa hangin. Mahal niya rin ako! Ngunit nang muli niyang sipatin ang bulaklak, mayroon pa pala siyang isang talulot na nakaligtaan dahil nakatupi sa tangkay. Laglag ang mga balikat na hinila niya iyon. He loves me not. “Sabi ko nga hindi.”

     Nakasimangot na initsa niya sa ere ang kinawawang tangkay. “‘Sus! Hindi naman yata totoo ‘tong eklat na ‘to. Pinaglololoko lang yata ako ng mga palabas na ‘yon.” Humalikipkip siya at saka nagpatuloy sa paglibot sa kapihan.

     Posible ba naman ‘yon? Halikan ka nang walang dahilan? Dalagang Pilipina kaya ako, at saka first kiss ko ‘yon, ‘no, pipi niyang pakikipag-argumento sa sarili.

     Muli na namang bumalik sa isip ni Ada ang tagpong iyon kahapon sa kuwarto ni Brent. Wala sa loob na napahawak siya sa kaniyang mga labi. Nakailang mumog at sepilyo na siya, pakiwari niya’y naroon pa rin ang bakas ng halik nito. Nagtaas-baba ang kaniyang dibdib. Paano kung wala lang pala ‘yong halik na ‘yon kay Brent? Paano kung pinaglalaruan lang pala siya nito?

     Sapo-sapo ang magkabilang sentido na inalog niya ang ulo. Gusto niyang mainis sa sarili niya dahil imbes na kumprontahin agad ang binata, hayun at nagpadala siya sa tuwa at kilig. Lalo tuloy nahati ang damdamin niya. Lalo lang siyang naguluhan. Hindi niya alam kung alin ba ang dapat niyang sundin—ang puso ba niya na gustong magtiis o ang isip niyang mas alam kung ano ang makabubuti sa kaniya?

     Kung dati ay kaya niyang magtanong kay Brent tungkol sa panliligaw nito kay Caitlin, ngayon ay hindi na. Parang bigla siyang natakot na marinig ang sagot nito; natatakot siyang kumpirmahin na wala lang pala talaga sa binata ang lahat.

     Naputol ang pag-iisip ni Ada nang biglang may dalawang palad na tumakip sa kaniyang mga mata.

     “Guess who?” anang isang boses sa kaniyang likod na kahit yata ilan taon niyang hindi marinig ay hinding-hindi niya malilimutan.

     “Señorito Brent,” turan niya. Kahit pa nga siguro hindi magsalita ang binata, amoy pa lang ng pabango nito, makikilala na niya ito agad.

     “‘Ba naman ‘yan!” tila batang sambit ni Brent sabay palatak na para bang dismayado dahil hindi man lang siya nahirapan sa paghula.

     Hindi napigilan ni Ada ang mapangiti. Pagkapihit na pagkapihit niya paharap dito ay agad siya nitong ginawaran ng isang mabilis na halik sa mga labi. Tila yelong tinunaw niyon lahat ng agam-agam niya sa dibdib. Lahat ng katanungang lumilipad sa isip niya ay nauwi sa isang buntong-hininga.

     “Amoy kape ka, ah?” bulong nito.

     Sukat doon ay naitulak niya ito. Nanlalaki ang mga matang luminga-linga siya sa paligid. Nakalimutan niyang nasa gitna nga pala sila ng kapihan! Pesteng halik! Nakakawala ng katinuan! Muli niyang binalingan ang binata at saka hinampas sa dibdib. “Señorito, naman! Ba’t bigla-bigla kang nanghahalik? ‘Pag may nakakita lang talaga sa ‘tin, ay, naku!”

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Where stories live. Discover now