Kabanata 13

11.3K 444 7
                                    

ILANG ARAW nang hindi mapalagay si Ada. Hindi niya maintindihan kung ano itong agam-agam na bumabagabag sa kaniyang dibdib. Nakapagkit pa rin sa kaniyang isipan ang narinig niyang pag-uusap nina Caitlin at Brent.

     Bakit parang pati ako ay apektado? sa loob-loob ng dalaga.

     Marahan niyang inalog-alog ang kaniyang ulo at itinuon ang pansin sa mga sinasampay na damit. Pakanta-kanta pa siya nang biglang sumulpot sa kaniyang likuran sina Lauren at Caitlin.
 
     “Hindi ka pa rin ba tapos d’yan?” ungot ni Lauren kay Ada. Sumandal ito sa gilid ng washing machine at saka ipinagsalikop ang dalawang kamay sa tapat ng dibdib. Direktang tumatama ang sikat ng araw sa bumbunan ni Lauren kaya nagmistulang kulay mais ang buhok nito.

     Nakakatuwang isipin na hindi rin siya nakalimutan ng dalaga kahit matagal din silang nawalan ng komunikasyon. Nagulat si Caitlin nang ikuwento ni Lauren na naging magkalaro sila noon. Gayundin ang reaksiyon ni Lauren nang sabihin niya na nanilbihan siya sa mga De Veyra noon.

     Halos hindi siya pakawalan ng dalawa at kulang na lamang ay hindi na siya pagtrabahuhin dahil maya’t maya ang hila ng mga ito sa kaniya.

     Pero siyempre alam naman niya ang kaniyang limitasyon. Kahit parehas niyang kaibigan ang dalawa, amo niya pa rin ang mga ito kahit saang anggulo tingnan, at isa lang siyang hamak na “maid”.

     Kumuha si Ada ng panibagong damit sa batya at ipinaloob doon ang isang hanger. “Marami-rami pa akong kailangang isampay, eh.”

     Pumalatak si Caitlin. “You know what,” lumapit ito sa kaniya at walang kaabog-abog na tinulungan siya sa ginagawa, “tutulungan na kita rito. Para naman mabilis kang matapos.”

     Tatalon-talon na sumali si Lauren. “Ay, ako rin!”

     Nanlaki ang mga mata ni Ada at dali-daling inagaw sa dalawa ang mga damit. “Ano ba kayo! Hindi kayo puwedeng magtrabaho rito, ‘no. Gawain ko ito.”

     “Pero gusto ka na naming maka-bonding,” nakangusong sambit ni Lauren.

     “Oo nga!” Pumitik si Caitlin at muling kumuha ng damit sa batya, pero siyempre pa’y maagap si Ada kaya agad niya iyong nakuha rito. Pumalatak ito. “Sabi mo sasamahan mo kami sa mall?”

     “Ang sabi ko, kapag hindi na mabigat-bigat ang trabaho ko. Isa pa, minamatyagan ako ni Mrs. Kaya, ano. Mainit ang dugo niyon sa ‘kin. Baka isipin niya, feeling special ako dahil nandito kayo.”

     Pinaikot ni Lauren ang iilang hibla ng buhok nito. “Ipinaalam ka na namin kina Lolo.”

     “Kahit na,” sagot niya, nakangiti, “hayaan n’yo muna ako sa trabaho ko rito, pagkatapos, puwede n’yo na akong hilahin . . .”

     Unti-unting humina ang boses ni Ada nang maagaw ng papasok na si Brent ang kaniyang pansin. Mukha itong cowboy sa suot na malapad na sumbrero at pantalong maong. Nahigit niya ang mga basang damit nang ngumiti ito.

     Marunong siyang ngumiti?!

     Kitang-kita ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. Kamuntikan na siyang mabuwal dahil biglang namlambot ang kaniyang mga tuhod. Naging kasinlambot iyon ng mga ice candy na binebenta ng kapitbahay nila sa tuwing tirik na tirik ang sikat ng araw. Mabuti na lamang at agad siyang nakahanap nang makakapitan. Nang ilipat nito ang tingin sa kaniya’y lalo siyang hindi nakahinga.

     Babatiin na sana ito ni Ada ngunit ibubuka niya pa lamang ang kaniyang bibig ay lumagpas na ito sa kaniya. Nilagpasan siya nito na parang hangin!

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Where stories live. Discover now