"Bakit ate? May kinalaman ba iyon sa pagkamatay ni Brenda?" tanong ni Ate Faye. Hindi ako nagsasalita, hinihintay ko ang sagot ni Ate Divine. Posible kayang may kinalaman ang aking pangitain sa karumal-dumal na pagpatay kay Brenda? Napansin kong nanginginig si Ate Divine.

"Hindi ako sigurado. Pero ayon sa mga matatanda, kapag nakakita ka ng isang buhay na taong walang ulo. Senyales daw ito na mayroong mangyayaring masama sa taong iyon, o kaya naman ay sa mga taong malalapit sa kanya. Huwag niyong sabihin na hindi niyo pa naririnig ang kasabihang iyon?" seryosong paglalahad ni Ate Divine. Napatingin sa akin si ate. Nangungusap ang kanyang mga mata. Ramdam ko ang takot na kanyang nadarama.

Sa totoo lang, ngayon ko lang narinig ang pamahiin na iyon. Parang ayaw kong maniwala ngunit paano ko maipapaliwanag ang biglaang pagkamatay ng aking pinsan?

"Sigurado ka ba sa nakita mo?" tanong ni Ate Faye. Pakiwari ko maging siya ay walang alam sa ganung paniniwala.

"Oo. Sigurado ako. Nakita ko siya na walang ulo nung papaalis na sila ni Liza sa bahay." Gusto ko pa sanang sabihin ang tungkol sa misteryosong titig ni Liza sa akin at maging kay Brenda subalit minabuti kong huwag na lang banggitin ang bagay na iyon dahil kausap ko si Ate Divine.

"Eh bakit hindi mo sinabi sa amin kanina yung nakita mo? Tinanong ka namin kung bakit mo hinahanap si Brenda. Pero ang sabi mo ay may kailangan ka lang sabihin nang personal," pag-uusisa ni Ate Faye.

Hindi ako kaagad nakapagsalita, aminado naman kasi akong sinadya ko talagang hindi sabihin dahil nahihiya ako. Nahihiya ako at natatakot na baka pag-isipan nila ako na nababaliw. Hindi ko din naman inasahan ang pangyayaring ito. Alam kong huli na ang lahat. Wala na akong magagawa upang maibalik pa ang buhay ng aking pinsan. Kung alam ko lang sana...

"Natatakot kasi ako sa magiging reaksyon ninyo," nakayuko kong tugon sa tanong ni Ate Faye.

"Ha? Ano naman ang ikinakatakot mo?" naguguluhang niyang tanong, nakikinig lang sa usapan namin si Ate Divine.

"Natatakot ako dahil baka isipin ninyo na nababaliw ako. Alam kong hindi pangkaraniwan itong nangyayari sa akin. Wala din akong alam sa mga pamahiin na ganyan kaya minabuti kong sarilinin na lang." Nagkalakas din ako ng loob na sabihin sa kanila ang bagay na ito. Napansin kong napakunot ng noo si ate sa sinabi ko. Mukhang hindi siya kumbinsido sa sagot ko. Gusto ko na din sanang sabihin ang tungkol sa batang nakita ko na lumabas dito, sasabihin ko na sana pero biglang nagsalita si Ate Divine.

"Wala na, nangyari na ang nangyari. Pero sa susunod na mangyari ulit sa inyo ang ganung pangitain, dapat alam niyo yung mga pangontra dito. Hindi naman masamang maniwala sa mga pamahiin, pero mabuti na ang sigurado. Wala namang mawawala sa inyo kung susundin ninyo ito hindi ba?" Tama si Ate Divine, dapat alam ko kung paano kontrahin ang ganung masamang pangitain. Tama din siya na hindi masamang maniwala at sumunod sa mga kasabihan ng matatanda. Mas mabuti na yung maingat.

"Ano po ba ang mga pangontra sa ganung pangitain Ate Divine?" tanong ko sa kanya. Medyo inosente kasi ako pagdating sa mga pamahiin.

"Hindi ako sigurado. Ang alam ko, kapag nakakita ka ng buhay na tao at walang ulo, dapat mo siyang gulatin. Dapat ding sunugin ang damit na suot niya noong araw na yun. Lahat ng suot niya mula ulo hanggang paa," paliwanag niya sa akin. Pero parang medyo magulo. Paano ko siya magugulat kung ako mismo ang nagulat pagkakita ko nun?

"Sabi-sabi lang iyon ng matatanda, hindi ko naman sinabing totoo ang bagay na iyon. Ang sa akin lang, hindi masama ang kung susunod kayo sa pamahiin," payo niya sa amin. Dapat pala mas maaga ko itong nalaman, baka kasi totoo at mas malaki sana yung tyansa na nailigtas ko sa kapahamakan ang aking pinsan.

"Salamat Ate Divine. Saan nga po pala ibuburol ang bangkay ni Brenda?" pag-iiba ko ng usapan. Napansin ko na tahimik lang si Ate Faye mula nang sabihin ko ang tungkol sa mga ikinatatakot ko. Hindi ko alam, kanina pa din kasi siya tingin nang tingin sa kanyang cellphone. Siguro ay mayroon silang hindi pagkakaunawaan ni Max.

"Hindi ko pa alam, ang sabi ni Faye ay nakausap na niya si Tiya Cora at balak nilang kunin ang bangkay ni Brenda. Pero kung papayag sila, sana ay mapagbigyan nila na iburol dito si Brenda kahit isang araw man lang."

"Faye, nagtext na ba si Bryan? Sina Tiya Cora? Nakausap na ba nila si Bryan? Wala kasi akong contact sa kanila eh," tanong niya kay Ate Faye.

"Si Kuya Bryan hindi pa din nagtetext, baka hindi pa niya nababasa yung message ko. Sigurado naman akong kapag nabasa niya yun, tatawag kaagad siya." Paniniguro ni Ate Faye. Nakakalungkot lang isipin na kapag hindi pumayag sina Tiya Cora na iburol si Brenda dito kahit isang araw lang, hindi namin siya makakasama bago ihatid sa kanyang huling hantungan. Medyo malayo kasi ang probinsya nina Brenda. Sa Davao nakatira ang buo niyang pamilya, si Kuya Bryan lang ang napunta sa Cebu dahil taga-doon ang kanyang napangasawa.

"Balitaan mo na lang ako bukas kung sumagot na ba si Bryan. Puwede ko naman bigyan ng pamasahe sina tiya para makaluwas sila. Maiintindihan naman ni Harold kung gagalawin ko ang ipon namin." Napakabait talaga ni Ate Divine. Madalas ikuwento sa akin ni Brenda ang mga kabutihang nagawa sa kanya nito. Oo, minsan daw ay may pagka-masungit ito pero dahil matalino si Brenda ay nauunawaan niya si Ate Divine. Madalas kasi ay kulang ito sa tulog dahil gabi ang oras ng kanyang trabaho. Gayunpaman, sobrang laki ng pasasalamat ni Brenda noong nabubuhay pa siya. Alam ko iyon dahil madalas niya sa aking ikuwento.

Biglang tumayo si ate at nagpaalam kay Ate Divine. "Sige 'te, uuwi na kami at walang kasama si mama sa bahay. I-lock mo na lang nang mabuti itong pintuan, mahirap na at baka bumalik yung killer. Mag-iingat kayo. Salamat din pala sa kape."

"Oo, sige. Pasensya na at napasarap ang kuwentuhan natin," tatawa-tawang tugon ni Ate Divine.

"Oo nga pala, wala ka pong pasok?" tanong ko sa kanya.

"Hindi na muna, walang magbabantay sa anak ko. Mag-li-leave muna ako siguro sa trabaho. Maghahanap lang ako ng magiging yaya niya tsaka ako babalik sa trabaho." Oo nga pala, wala na si Brenda. Siya ang halos nag-aalaga kay Liza dahil tulog si Ate Divine sa umaga.

"Sige ate, uwi na po kami," paalam kong muli. Pagtingin ko kay Ate Faye ay nauna na siyang lumabas. Sumunod naman sa akin si Ate Divine para i-lock ang pinto. Bago niya ito isarado ay ngumiti pa siya sa akin. Gumanti naman ako ng ngiti. 

THE PLAYMATEOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz