Unnamed Road, Far from Seoul

108 5 15
                                    

Someone's POV

I died in a car crash 2 days ago.

Natatandaan kong hinihila nila ang patay kong katawan palabas sa yupi-yuping metal na minsan kong naging kotse. Alam kong walang gustong may mangyari nito. Hindi ko na din masisisi ang nakabanggang truck sa sasakyan ko. Narinig ko na lang sa mga balita na nawalan daw ito ng preno. Dalawang tao ang nasaktan sa pangyayaring ito; ang driver ng truck at ako. Ngunit isa lang sa amin ang nakalakad pa ng buhay.

Nakita kong naglalakad si Bas papunta sa isang lugar kung saan nakaratay ang aking katawan. Bakas sa kanyang mga mata ang pagkabigla, galit, at higit sa lahat, lungkot. Mabigat ang kanyang hakbang papunta malamig na kwarto kung saan ako hindi na maaaring magising. Sa mga ilang sandali, nag-umpisang dumating ang mga kapamilya ko at mga kaibigan namin. Halo halong emosyon ang pumuno sa buong kwarto. Nakita ko kung paano nila palakasin ang loob ng pinakamahal ko sa lahat na si Bas. Bata pa sya. Bata pa kaming dalawa. Masyado pang maaga para ako'y magpa-alam sa kanya pero nandito na tayo eh. Minsan talaga, hindi mo masisisi ang tadhana. Masaya ako dahil kahit sa konting sandali ay naramdaman ko kung paano magmahal, at kung ano ang pakiramdam na tunay na mahalin.

Nakita ko din pala si Mama at kung paano sya patahanin sa pag-iyak ni Papa. Yakap din sila ng nakababata kong katapid na babae. Humihikbi silang tatlo. Kakaiba sa pakiramdam ngunit masasabi kong hindi ganito ang nasa isip ko na pamamaalam sa kanila. Dumating din pala ang mga katrabaho ko sa opisina. Ang lahat ay tahimik hanggang sa tuluyan nang lumubog ang araw.

I died in a car crash three months ago.

Nakakatuwa na nagtanim sina Papa ng puno sa bakuran ng bahay namin. Baka sakaling may maitulong pa ako sa kanila. Isang representation na ako ay humihinga pa at pwedeng maging silong nila sa ulan. Matangkad din ito tulad ko. Naramdaman ko na sa bawat araw na tumataas pa ang puno, ay lalo akong nalalapit na sa puntong hindi ko na sila masisilayan.

Oo nga pala. Dumating din si Bas kanikanina lang. Umupo sya sa tabi ng puno at tumingin sya sa mga dahon na nasa taas ng kanyang ulo. Hinawi nya ito tulad ng ginagawa nya sa akin sa tuwing napupuwing ako dahil sa buhok ko na tumatama sa aking mga mata. Sa unang pagkakataon, nakita ko ulit syang ngumiti. Kahit na isang saglit lang. Kinurot ko ang kanyang pisngi pero wala naman syang naramdaman.

Sinundan ko sya sa aming kwarto isang gabi. Gusto kong tanungin sya. Naaalala nya pa kaya ako? Nakita ko kung paano sya nanginginig, at kung paano nya tinapat ang isang matalim na kutsilyo sa kanyang pulso. Pinilit ko syang yakapin para sana hindi nya ituloy. Ang alam ko, naramdaman nya ako dahil binato nya ito sa kabilang dulo ng aming maliit kama. Patuloy syang humikbi hanggang tuluyan na syang makatulog. Naaawa ako sa mahal ko.

I died in a car crash four years ago.

Wala pa ding nagbago kay Mama. Hirap pa din syang makatulog dahil napapaginipan nya na ako'y isang bata pa na naglalaro pa sa aming bakuran. Minsan bumibisita din ang kapatid ko para tingnan ang mga luma naming litrato. Si Papa naman ang nagkabit ng kanyang laptop sa aming TV. Sabay sabay nilang pinanood ang mga luma kong video. Nung aking graduation, nung nasa beach kami para magbakasyon, kung paano ko plinano ang proposal ko na pakasalan si Bas. Natatawa ako sa mga napanood ko. Halatang halata sa mukha ko ang kaba.

Pumunta si Bas sa beach kung saan minsan kaming nagbakasyon isang summer. Medyo malakas ang hangin at nakita ko kung paano nito ginulo ang buhok ng mahal ko. Ang cute pa din ni Bas. Gusto kong hawakan ang kanyang mukha. Humiling ako na kahit na isang beses man lang ay sana makausap ko pa sya. Sinipa nya ang mga buhangin bago sya mapaupo. Kumuha sya na isang maliit na bato at buong lakas nya iyon tinapon sa dagat. Sa puntong iyon, napangiti na lang ako sa sarili ko. Bumabalik na ang Bas na unang nagpatibok ng puso ko.

I died in a car crash. A lifetime ago it seems.

Siguro mga 20 o kaya naman ay 30 taon na ang nakalipas mula nang ako'y mawala sa kanila. Nabalitaan ko na yung brand ng sasakyan ko ay naglabas ng mga bagong car models na mas ligtas. May extrang airbags sa harap at likod. Mas pinatibay din ang katawan nito.

Bumalik ako sa highway kung saan ako huling tunay na huminga. Walang ingay na maririnig dito. Tanaw ko pala dito ang bagong bahay ni Bas. Muli akong huminga ng malalim at ako ay napangiti. Dahil sa isa pang pagkakataon, nakaramdam ako ng tuwa at kapayapaan. Dito na siguro ako tunay na mamamaalam.

Natanaw ko si Bas sa kanilang bahay, nakayakap sa bisig ng kanyang matangkad na asawa.

END.

- - - - - - - - - -

NOTES :

Inspired by the song "Passage" by Vienna Teng.

Nasa YouTube din ito :)

Blank Sheets of PaperWhere stories live. Discover now