CHAPTER ONE

92.6K 1.4K 37
                                    


INIHILIG ni Alyna ang ulo niya sa sandalan ng bus. Gaano na ba siya katagal na nagbibiyahe? Nananakit na ang mga likod niya. Labing anim na oras na. At sabi ng konduktor ay isang oras na lang at darating na siya sa San Teodoro. Hindi siya nag-eroplano dahil gusto niyang makatipid. Pero ngayon niya gustong pagsisihang hindi niya ginawa.

Nilinga niya ang dinaraanan. Pulos talahib at mga kahoy. Rough road ang kalye. Nakalimutan na ba ng gobyerno ang lugar na ito? Sa tagal ng biyahe ay nakadarama na siya ng pagod at pagkahilo.

Ipinikit niya ang mga mata kasabay ng paghawak sa tiyan. Naglakbay ang isip niya sa pangyayari may pitong buwang mahigit na ang nakararaan. Ang dahilan kung bakit heto at nagbibiyahe siya patungo sa lugar na hindi pa niya nararating kahit sa panaginip.

"KAILANGAN kong umalis, Alyna," ani Dominic sa kanya isang Sabado ng tanghaling hinahainan niya ito ng pagkain sa mesa. Pinaghalo-halong gulay ang naroon at kung wariin niya ang tinging ipinukol ng lalaki sa inihahain niya'y naroon ang disgusto.

"Umalis? Patugo saan?"

"Tumanggap ako ng telegrama mula sa kaibigan ko sa San Teodoro. Pinauuwi ako dahil may problema sa lupa kong ipinagbibili sa kanya..." wika nito na hindi sinasalubong ang tingin niya.

"H-hindi mo ba ako maaaring isama?" nag-aalangan niyang tanong.

"Kung pagdating sana ng airport ay hindi na magbibiyahe ng tatlong oras ay isasama kita. Rough road at matagtag. Isa pa, babalik din naman ako kaagad. Tatlong araw lang ako doon."

"Pero hindi ba dapat na ito ang tamang pagkakataon para makarating ako sa inyo?" Hinila niya ang upuan at naupo. Tinitigan ang mukha ni Dominic na nakayuko sa pagkain.

"Wala akong pamilya, Alyna. Sinabi ko na sa iyo iyon, 'di ba? Ang mother ko ay namatay sa heart failure six months ago. At kaya ako narito ay upang asikasuhin ang pagbibili ng mga ari-arian ko roon...'' nasa tinig nito ang mahigpit na pagtangging maisama siya. Iyon ang nahihimigan ni Alyna. Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya.

"Kung sabagay ay mahihirapan din naman akong kumuha ng leave sa opisina. Tatlong araw ka lang bang mawawala?"

"Pinakamatagal na iyon. At ngayon na ang alis ko para bukas ng tanghali ay naroon na ako sa rancho." Dinampot nito ang baso ng tubig at uminom. Pagkatapos ay tumayo.

"Rancho?" Bahagya siyang namangha sa narinig dito. "May... rancho ka?"

Nagkibit ng mga balikat si Dominic at tumayo. "Lupa, rancho, pareho lang iyon, Alyna," may iritasyon sa tinig nito. Nabigla lang itong mabanggit ang rancho. "Ihahanda ko ang mga gamit ko..." pumanhik ito sa itaas ng apartment.

Mabigat ang katawang sumunod si Alyna. Mga gamit ko. Kung tutuusin ay wala namang mga gamit si Dominic na nasa kanya kundi tatlong polo shirt, dalawang pantalon at marahil ay tatlo ring underwears.

Nakatayo siya sa may pinto at pinapanood ang paglalagay ng asawa ng mga gamit sa attache case nito.

"Bakit kailangang dalhin mo ang mga damit mo gayong tatlong araw ka lang doon?" pagpuna niya. "Hindi ba dapat na iuwi mo na nga rito ang iba mo pang mga gamit?"

Nilingon siya ni Dominic na sandaling hindi kumibo sa pagkakatitig sa kanya. Pagkatapos ay humakbang palapit. Hinapit siya nito sa baywang.

"You're right. Nakalimutan kong may-asawa na nga pala ako." ginawaran siya nito ng mapusok na halik sa mga labi. Laging ganoon kung humalik si Dominic. Tila siya laging naghahabol ng paghinga. Napaka-uncomfortable. Sa mga novels na nababasa niya ay tila ginagapangan ng koryente ang character na babae pag hinahalikan ng bidang lalaki. Bakit hindi niya maramdaman iyon?

Dominic (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon