"Hindi ko pa kasi alam kung paano sasabihin kay Kuya ang mga nangyari. Siguradong sasabunutan ako nun."


May dalawang linggo na kasi ang nakakalipas matapos matupok ng apoy ang aking bahay. Sa mga ganitong panahon, dapat ay nasasabi ko na ito kay Kuya Maximus. Ang kaso ay natatakot ako sa tuwing naiisip ko ang galit na mukha ng Kuya ko kapag nalaman niya na wala na ang bahay.


Umirap si Gracia. "Bakit kasi sinauli mo pa yung pera kay Rix? Pwede ka ng makabili ng bahay dun, aba!"


"Insan, hinding-hindi ko pwedeng gamitin ang perang iyon. Hindi talaga kaya ng sistema ko na gumamit ng ganoong pera lalo na't galing sa lalaking iyon."


Umikot lalo ang bilog ng mga mata niya. "Akala ko ba gagamitin mo yun na ebidensya sa mga pulis para maidiin sa kaso mo iyang si Rix. Bakit mo ibinalik sa kanya?"


Napayuko ako. "Hindi ko alam. Basta galit na galit ako sa kanya nang araw na makaharap ko siya. Ayaw ko na isipin nyang baka gamitin ko ang pera niya dahil walang-wala na ako. Ayokong marinig na sabihin nyang dahilan ko lang na gagamitin ko iyon laban sa kanya."


Kinutusan niya ako nang mahina. "Alam mo, Insan, napakalaki ng pride mo eh, ano? Iisipin mo pa ba ang mga sasabihin niya kesa sa matutuluyan mo?"


"Basta! Kinamumuhian ko talaga ang lalaking iyon," mariin kong bigkas. "I will destroys her!"


Napahilot sa sintido si Gracia. "Naku, Insan. Bago yang destroys her mo, mag-aral ka munang mabuti."



ANO ba namang klaseng paupahan ito, butas ang bubong. Saan pa ko pupwesto para iwasan ang mga tumutulong tubig galing sa ulan? Eh halos kaharap ko lang ang lababo at banyo sa liit ng espasyo.


Kung sa bagay, ano pa nga bang aasahan ko sa maliit na halagang upa? 


Isang libo lang kasi ang upa ko dito per month. Mas maayos na ito kaysa sa kalsada ako matulog. Isa pa, eskwater man ang lugar na kinatitirikan nitong inuupahan ko ay tago naman ito. Kung tangkain mang sunugin ito ni Rix ay dadaan muna siya sa mga dumi ng aso bago siya makalapit dito.


Napabuga ako ng hangin. Bigla kong na-miss ang bahay ko. Kahit kasi inaanay na sa kalumaan ang mga kisame at kinakalawang na ang bakal na gate at balustre, ay hindi hamak naman na mas malawak at mas malaki iyon kaysa rito. Gawa pa sa bato. Nalulungkot tuloy ako.


Mayamaya ay may kumatok sa pinto. Binuksan ko ang pinto na kamuntik nang magiba. Bumungad sa akin si Aling Iling – ang may ari ng inuupahan ko. "Gandang gabi, hija." Nagsasalita siya pero panay ang iling niya.


"Magandang gabi po."


"Kelan mo ba mababayaran ang upa? Deposito pa lang ang naiabot mo sa'kin di ba?"


Napakamot ako. Halos araw-araw siya kung maningil. "Wag po kayong mag-alala, malapit na po. Konting iling na lang – este, konting araw na lang po. May hinihintay lang po akong pera,"

The Wrong One (BOS: New World 2)Where stories live. Discover now