Noelle part 2

107 7 0
                                    

Noelle Part 2

By Mario Paolo Domingo Macariola

(disclaimer: ang Kathang ito ay ilalathala sa Lumad 2012 ngayon taon)

Agad nalaman ni Noelle ang pakiramdam ng bali-baling buto, guray-guray na damit, putok na ulo, nagkalat na make-up at magulong buhok ng magising siya mula sa ilang segundong black-out pagkahampas ng kanyang katawan sa aspalto matapos niyang lumundag mula sa billboard ng starstruck.

'Engrande, sikat ako ngayon'

wari niya habang nakahiga sa kalye ng may malakas na kagustuhang ngumiti kundi lamang naninigas ang kanyang mga panga.

gusto sana niya ipakita sa mga naglalapitang tao ang pang toothpaste commercial niyang ipin, gusto sana niyang ipakita sa lahat ng usisero ang star quality niyang smile, kaso ayaw talaga gumalaw ng panga niya.

dyahe.

Ilang segundo pa ang lumipas ng napansin niyang marami rin palang hibla ng malagkit na buhok ang nakadikit at nakaharang sa maganda niyang mukha, gustong gusto niyang hawiin ang mga ito para lalong makita ng lahat ang pagka-perpekto niya, para makita ng lahat na mas hot pa siya kaysa sa karamihan ng mga sikat na batang artista ngayon, pero hindi naman kaya gumalaw ng kahit ano sa kanyang mga braso. bahagya siyang nalungkot pero saglit lang dahil napansin niyang napakadami na ngayong mga tao ang nakapalibot sakanya at rinig din niya sa aspalto ang marami pang papalapit. Lahat ito ay sakanya lang nakatingin, may mga nakatakip ang bibig na para bang nastarstruck, may mga nagbubulungan ng panghanga at may mga nakatitig lang na tila nabulag yata sa kagandahan niya.

'ang dami ko ng fans'

naisip niyang punong puno ng galak, bumilis tuloy ang tibok ng kanyang puso. pinasalamatan rin niya ang dilim na nagtatakip sa nagbublush niyang mga pisngi. ang tunay na star ay hindi dapat nagbublush sa harap ng fans. lalo pa itong bumilis ng may isang lalaking may hawak na papel at camera ang lumapit patungo sa kinakahigaan niya. mariin ang pagtitig nito sa kanya na para bang biglang natameme ng makita siya ng mas malapitan.

'isa ba siyang talent scout? isang may offer na direktor? o isang masugid na taga-hangang gusto magpa picture at magpa-autograph?'

kahit ano pa man yung lalaking papalapit ay lalong natuwa si Noelle, dahan-dahan tuloy nawala ang pamamanhid ng kanyang mga labi at panga.

tinapat ng lalaki ang camera kay Noelle at finrame ang pinakamaganda niyang angulo.

'Paparazzi!!!'

napagtanto ni Noelle habang dahan dahan niyang pinagapang pataas ang gilid ng mapula niyang mga labi at pinakita sa lahat ang pinaka photogenic niyang smile.

*click*

Pang ngalanOù les histoires vivent. Découvrez maintenant