Maskara

1 1 0
                                    

Laging kailangan ng panulak ang mga salita para mailabas sa pinakaloob-looban ng pagkatao.

Nagtatago parati sa pinakasulok ng mga pandama. Ikinukubli sa mga di mahahalagang detalye ng buhay.
Tulad ng araw-araw na pagkasasa sa trabaho. Sa walang humpay na pagkayod para may matuka. May maitaktak na laman ng bulalo.

Tulad ng mga isinesekretong pagnanasa sa mga estudyanteng nakakasakay mo sa jeepney. Kumpaanong buong husay mong napagmamasdan ang kanilang mga binti ng di gaanong halata ang mata mo na seryosong nakatitig. Mukha ka nang tuko.
Ilang beses ka nga ba nagsisinungaling sa buong araw? Ilan ba dito ang hayagan mong ginawa at ilan yung parang instinct na lang?

Lagi at lagi ngang kailangan ang panulak.
Suot ng bawat isa sa atin ang kanya-kanya nating mga maskara. Para sa pansariling kaligtasan. Para maiwasang magpatianod sa pagkatao ng iba. Para magmukha kang okay kahit na init na init na ang katawan mo kakapanood ng Boom Boom ng Momoland. I love you Nancy.

Hinuhubad ang maskara kapag wala nang ibang makakakita. O kapag ang nasa harap ay yung mga taong gusto lang natin pakitaan. Kapamilya, kung meron man.Kaibigan, kung meron pa ba. Pagkatapos mong hubarin yung sinuot mong damit maghapon, hubad kang haharap sa salamin. Sasalatin yung mga bagong sugat na ibinigay ng mundo. Kakapain yung mga dati nang pilat na pilit pa din naghihilom.
Madalas, nagiging komportable na sa maskara. Hindi na hinuhubad kahit nag-iisa sa takot na wala nang madatnang pagkakakilanlan. Nakakapit na sa identidad na ipinahiram. Diploma. Trabaho. Sweldo. Tatak ng damit. Koneksyon sa lipunan. Porn collections. Dutertard. Yellow tard. Divergent kuno. Kapag tinanggal na sa pagkakasulsi sa mukha mo ang maskara, may mabubuo pa bang itsura?

Nagkukubli ang bawat isa. Inilalapag lang sa hapag ang gustong patikman. Itinatago ang mga tutong. Pero di ba, tutong ang pinakanaluto. Ito yung pinakamapait pero nanatiling nakakapit sa kaldero kahit kinuskos mo na ng kinuskos.
Iilan lang silang naglalakad ng nakahubad sa kalye. Kung makasalubong mo, pinandidirihan mo pa.

Iilan lang ang di komportable sa pagsusuot ng maskara.
Muli, nangangailangan ng panulak.
Pagkatapos na lumobo yung pagpapanggap, di na nila makakayanan pang dalhin ang mga bagahe. Bubulwak na ang sisidlan. Lalabas at lalabas din ang mga pinakatatago. Mangangamoy na yung agnas na bangkay ng pagkatao mo. Doon mo pa lang sisimulan na patayin ang amoy. Doon mo pa lang pangangalagaan kung kailang bangkay nang nakaratay. Rhyme.
Punot't dulo. Wala na din akong ideya.
Tama din yung linyang kung saan masaya, suportahan na lang. Kung buburahin mo sa mundo yung mga taong walang sariling pagkakakilanlan, konti na lang matitira. Baka madamay pa yung mga malapit sayo.
Ano nga ba ang saysay ng pagpapakatotoo? Gaano ka kasiguro na habang iniaahon mo sila sa mga pekeng katauhan, di ka nila pinaghihinalaan bilang kabilang sa kanila?

Blanko. Suot ka muna ng maskara.

Ambabuy Mo!Where stories live. Discover now